Recent Comments

Kasaysayan Ng Guinayangan: Panahon Ng Amerikano

Dahilan sa digmaan ng Espanya at Amerika (1898), nabago ang pamahalaan. Sa bisa ng Kasunduan ng Paris (Disyembre 10, 1898), kaagad isinalin ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika. Labag ito sa kalooban ng mga Filipino sa paniwalang nakalaya na ang bansa sa kapangyarihan ng Espanya nang ipahiwatig ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo taong 1898.

Nakibaka ang Pilipinas laban sa Amerikano kung kaya’t pinairal ng mga Amerikano ang Pamahalaang Militar sa buong kapuluan. Pinalitan lamang ito ng Pamahalaang civil nang mapasuko si Heneral Emilio Aguinaldo, ang Pangulo ng Unang Republika. Upang mapayapa ang bansa, isinalin ni Gob. Heneral William Howard Taft ang pangangasiwa ng pamahalaang local sa kamay ng mga Filipino, bilang patunay na wala silang balak sakupin ang kapuluan. Unang Presidente Municipal si Victoriano Lagdameo (Evangelista) noong taong 1901 hanggang 1903. Siya ang panganay at kaisa-isang anak ni Don Claro Lagdameo, ang isa sa “Cinco Hermanos” na nagpaunlad sa pamumuhay ng pueblo.

Sr. Victoriano Lagdameo (Evangelista)
Kauna-unahang Presidente Municipal ng Guinayangan


Upang mapaunlad ang paglalakbay dagat sa look ng Ragay na ang Guinayangan ang pangunahing daungan, ipinagawa agad ng bagong punong bayan ang parola sa Sipalong. Ito ang tanglaw at gabay ng mga bapor na naglalayag sa karagatan sa dilim ng gabi. Tinulungan ng nasabing Presidente Municipal ang mga anak na si Genaro ang unang nakapaglakbay at nakapag-aral sa Amerika. Tinapos niya ang Forest Engineering sa ibayong dagat.


Buhat pa rin sa angkan ng “Cinco Hermanos” ang mga sumusunod na umugit ng pamahalaang bayan. Si Don Placedo Ysaac ang nakhalili at Kabisang Victoriano bilang punong bayan (1903-1904). Pangatlong namuno sa pamahalaang bayan si Sr. Jesus Lagdameo, (1905-1906), pinsang buo ni Kabesang Victoriano at anak ni Sr. Gabino Lagdameo. Ang naging Tresorero Insular ng bansa na si Sr. Salvador Lagdameo ay kapatid ni Presidente Municipal Jesus Lagdameo.

Ang pangapat na naging Precidente Municipal ay si Sr. Jose Tolentino (1907-1908). Ang pagsasaayos ng mga lansangan at pagpapatayo ng unang “Presidencia Municipal” ay nagampanan sa panahong ang umuugit ng pamahalaang bayan ay ang partido ng “Cinco Hermanos”.

Noon, ang halalang pambayan ay paglalaban ng dalawang partido, ang “Pula” na pinangungunahan ng angkan ng “Cinco Hermanos” at ang “Puti” na hawak naman ng angkan ng Garcia, Matta, at Tupas. Ang mga sumusunod na Presidente Municipal ay sina; Sr. Feliciano Roldan (1909-1911). Sr. Silvestre Reformado (1912-1914) at Sr. Jose San Juan (1915-1917, 1918-1920) na pawang kabilang sa mga puti. Sa kanilang panunungkulan nabuksan ang paaralang bayan.

Si Don Rodrigo M. Garcia (1921-1924) nang manungkulang Presidente Municipal, ang nagpagawa ng gusaling Gabaldon, ang unang gusaling pang elementary na itinayo sa isang ektaryang lupang donasyon ni Donya Paula, ang kanilang ina.
Nahirang si G. Eutiquio Lorbes na taga Catanauan bilang punong guro ng paaralang elementary. Pinunuan ng mga gurong buhat sa mga karatig bayan ang kakulangan nito, kung saan ang mga ito ay hindi na nakabalik sa pinanggalingang bayan sapagkat natagpuan nila ang kapilas ng dibdib sa bayang pinaglingkuran. Ang ibang mga kawani ng pamahalaang bayan na buhat sa mga karatig lalawigan ay naging ganap na taga Guinayangan tulad ng mga guro.

Si Sr.Leodegerio Cambronero ang unang hinirang na “Juez de Paz” 1922, dala ang buong pamilya ay naglayag buhat Mauban upang manungkulan sa pamahalaang bayan ng Guinayangan. Dinala sila ng barko hangang sa Puerto ng Hondangua. Buhat dito ay nilakad nila ang ginagawang daang bakal hangang Aloneros kung saa’y muli silang dinala ng lantsa sa Guinayangan.

Nang manungkulan bilang Presidente Municipal si Sr. Faustino Arana (1925-1931) Ipinagawa niya ang pantalan sa layuning maging higit na maayos ang pagdaong at paglunsad ng mga manlalakbay sa daungang bayan. Sa kanya ring panunungkulan naipagawa ang palengke at patubig ng bayan.
Samantala, patuloy ang pagdadatingan ng mga mangangalakal, mga kawani, mga propesyonal, magsasaka at manggagawa na nagpasulong sa kabuhayan ng lipunang ginagalawan ng mamamayan.
Si G.Brigido Gamo, buhat sa Batangas ay maglalako ng mga panindang yaring Taal. Hindi na siya nakauwi ng Taal sapagkat nabihag na ang kaniyang puso ng dalagang taga Guinayangan, si Victoria Reformado.

Umunlad ang pangangalakal ni Ginoong Gamo sa pagkakaroon niya ng lantsa na nagbyabyaheng Aloneros at Guinayangan. Nakapagpatayo siya ng malaking tahanan na ginawang isang lodging house ng mga biyahero. Ang silong ng lodging house ang naging tindahan ng sari-saring panindang galing ng Batanggas.

Si Natividad Alvarez, isang propesyonal na parmasyotika, ang nahikayat ni Ginoong Gamo upang dito magpraktis ng propesyon. At tulad rin niya, natagpuan ng parmasyotika ang kabiyak ng puso sa Guinayangan. Hindi na nakabalik sa Taal si Ginang Naty a. Isaac, ang nangungunang “social and civic laeder” ng kapanahunan niya.

Sunod-sunod ang pagdating ng mga Batanguenio upang bungkalin ang malawak na bukirin ng munisipyo tulad ng beco, Hernandez, Vertucio, Macalintal at Castillo. Maging yaman ng dagat ay hindi nakaligtas sa pamamalakaya ng mga Manalo, Diones, Arieta, de guzman, Torres, Talangbayan at iba pang Cavitenio. Naging pangunahing pinagkakakitaan nilang lahat ang masaganang pamumuhay, ang malawak na bukirin at dagat ng Ragay.
Silang lahat na napadpad ng kapalaran sa Guinayangan ang nagpatotoo sa alamat ng bayan na “Walang sino mang nakayapak dito ang nakaaalis o nakababalik sa pinagmulan!”
Nang itatag ang Malasariling Pamahalaan, si Sr. Antonio Marquez ang naging Presidente Municipal (1932-1937). Ang Pagpapaunlad ng kalusugang pambayan ang kaniyang naging unang adhikain. Sa tulong ng “Samahang Kababaihan” na ang pangulo’y ang kanyang may-bahay, Gng.Felipa Licas-Marquez, naipatayo ang “Puericulture Center”. Si Dr. Lazaro Tayag ang doctorng bayan, at si Bb.Puring Laguio ang nars ng “Puericulture Center”.

Sa panahon ng panunungkulan ni Presidente Municipal Marquez, itinatag ang unang paaralang sekundarya ni Don Vicente Vilar. Ang Southern Tayabas Institute ang nagbigay ng pagkakataong makatapos sa paaralang sekondarya ang maraming kabataan ng bayan.

Si Sr.Vicente Tolentino (1938-1941) ang pumalit kay Sr.Antonio Marquez. Nagbago ang takbo ng paglalakbay ng pueblo ng mabuksan ang daang panlalawigan mula Guinayangan hanggang Calauag, 1939. Sa pagpasok ng mga sasakyang panlupa ng Eastern Tayabas Bus, nasiyahan ang marami sa kaginhawahan ng paglalakbay. Naging mabilis ang pahatirang-sulat at komunikasyon. Kaalinsabay nito, natapos ang Manila Railroad Company, ang daang bakal buhat Aloneros hangang Bicol na dahilan upang humina ang sasakyang dagat ng Guinayangan at Aloneros. Ang mga lantsa ng maguuling at mangingisdang Hapones ang natirang naglalayag sa Look ng Ragay.

Mga largarete at palakaya ng mga Cavitenio ang namayani sa nasabing dagat. Lahat ng kalakal na ani ng Guinayangan ay hinahatid sa pamilihan ng mga sasakyang panlupa. Maayos na sana ang pamayanan sa tinatamasang kaginhawahan ngang isang malaking sunog ang tumupok sa pinaka sentro ng bayan noong 1940. Ikaapat na bahagi ng bayan ang natupok sa nasabing sakuna na nagsimula sa bodega ng kopra.

Naragdagan ang lungkot ng bayan sa paghiwalay ng Tagkawayan. Naging ganap na munisipyo ito sa bisa ng Executive Order 316 ni Pangulong Manuel Luis Quezon na nilagdaan noong Enero 1,1941. Malaking bahagi ng kalupaan ang nasaklaw ng bagong munisipyo.


Nang ganapin ang halalang local noong Nobyebre 11, 1941, nahalal na Alkalde si Dr. Lazato Tayag. Manunungkulan sana siya mula Enero 1941 hanggan Disyembre 1945 subalit sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig sa Pasipiko ng bombahin ng mga Hapon ang Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941 kung kaya’t nagbago ang takbo ng pamahalaang bayan.

-excerpt from the book "Guinayangan Noon At Ngayon" by Alodia F. Molines
ref. Municipal Secretary, Records And Files
ref. Philippine History by Zaide

wiki-Puericulture:
The rearing of young children, conceived of as an art or science.

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails