Recent Comments

Sulyap Sa Nakaraan


Marami na akong naririnig tungkol sa kanya. Bata pa ako bukambibig na siya ng mga tao sa amin. Halos sa kanya kumukuha ng ikabubuhay ang mga naninirahan sa amin.

Pero bakit ganon? Ayaw kaming palapitin sa kanya lalo na kung ako'y nag-iisa. Baka raw may masamang mangyari sa aming mga bata. Nagtataka nga ako sa kanila. Sila nga hindi pa lumulubog ang araw nanduon na, tapos umuuwi sila bago magbukang liwayway na bakas sa mukha ang kaligayahan. Kaya ako, tinanaw ko na lang siya mula sa aming bahay. Sa ganong paraan nasisiyahan na rin ako dahil sa napakagandang tanawin na aking nakikita lalo na sa paglubog ng araw.

Subalit isang araw, umuwing malungkot ang lahat, wala raw silang biyayang nakuha mula sa kanya. Narinig ko pa kay Ama na kapag ganoon daw nang ganoon ang mangyari baka hindi ako makapagaral. Aba! Hindi ako makapapayag, sa loob-loob ko. Sa susunod na pasukan ay unang pagtungon ko sa paaralan, tapos hindi iyon matutuloy.


Madaling lumipas ang panahon, nagising ako sa nagkakaingay na mga tao sa labas ng aming bahay. Talagang nakakapanibago ang paligid pero masaya akong bumangon at tinanaw ang mga taong nagkakagulo. Bawat isa'y may kanya-kanyang dala sa pagsalubong sa mga taong nakasakay sa bangka.

Ah, talagang napakagandang pagmasdan ng dagat. Ang dagat na minsan ay nagtampo dahil sa pag-abuso ng mga tao. Ang dagat na naging dahilan kung bakit karamihan sa amin ay nabuhay ng maayos  at nakatapos ng pag-aaral katulad ko. Mabuti na lang at namulat ang mga tao. Sa kabila ng makabagong teknolohiya  na umuusbong sa panahon ngayon ay patuloy pa rin ang mga tao sa pangangalaga sa mga yamang-dagat.

Sana sa lahat ng dako ay magkaroon ng kaisipang katulad ng tagarito sa amin, sa kabila ng pag-unlad, may kaakibat na pagpapahalaga pa rin sa kalikasan.

by: Oliver Vergara
from: Ang Gayang Archives June-November 2004

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails