Recent Comments

Aro Biscocho Mendoza (Brgy.Arbismen)

Ang sitio ng Iba na sakop ng Brgy.Dancalan ay dating pag-aari ni Don Francisco Garcia at G.Pefecto Rufo Sr. Hindi kagaya sa pangkaraniwang anyong lupa na nasasakupan ng bayan ng Guinayangan na mabundok at maburol, ang sitio Iba ay talagang kakaiba. Malawak ang pantay na lupa at matatanaw mo halos lahat ng bahagi ng nasasakupan nito sa kahit saang lugar. Bago pa man ito mataniman ng mga palay, mga buli at malawak na talahiban pa ang tumutubo sa dating malawak pastulan ng mga hayop. Nagsimula lamang lumawak ang pataniman ng palay ng nalagyan ng patubig ng pamahalaan. Mga 73 ektaryang sakahan na nasasakupan ng baranggay ang pinagyayaman ng mga masisipag na magsasakang dito nananahan.

Noong unang panahon, sa kadahilanang napakalayo ng lugar sa sentro ng bayan, kaunti pa lang ang kabahayan dito. Karamihan ng mga naunang tao dito ay nanggaling sa karatig probinsya ng Kabikolan. Madawag ang lugar at maraming maiilap na hayop kagaya ng usa, baboy ramo at mga ungoy na maliliit na tinatawag na makak. Dahil sa yaman ng lupa, marami pa ang nahalina na dito na rin manirahan. Hinawan nila ang lugar at ang dating kagubatan ay napalitan ng mga puno ng buli at niyog. Pagkalipas ng mga panahon ay nabili ang buong sitio ni Don Juan Gallego ng Camaranes Sur. Ito’y pinaunlad niya at ginawang hasyenda bilang pastulan ng mga baka at kabayo. Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naiwan ni Don Gallego ang kanyang bakahan . Sa pagbabalik ng kaayusan matapos ang digmaan, nasira ang hasyenda ni Don Gallego at nawala na ang kanyang mga bakahan. Napagdisisyunan na lamang niya na ipagbili ang malawak na lupain kina G.Emilio Biscocho. Kay G.Regino Aro, at kay G. Gregorio Mendoza. Sila ay nagmula sa ibang bayan kagaya ng Sariaya, Quezon. Naging pag-aari ng tatlo ang buong Sitio Iba. Hindi sila naninirahan dito bagkus kumuha ng mga katiwala at nagpayaman ng kalupaan. Si Tranquelino Meligrito, ang mag-asawang Etang at Esteban Perez, na kalaunan ay naging kauna-unahang kapitan ng Brgy.Arbismen, ay naging katiwala ng mga Biscocho. Si Ka Bunoy ay naging katiwala naman sa lupain ng mga Aro at si Ka Oreste naman ang sa mga Mendoza.

Nang ang sito ng Iba ay humiwalay sa Dancalan at naging isang ganap na Barangay noong taong 1967, tinawag nila itong Arbismen. Hinango nila ito sa mga unang pantig ng mga pangalan ng Aro, Biscocho, at Mendoza, ang mga taong unang nagmamay-ari ng mga malalaking lupa sa baryong ito.
Unang naging Kapitan del Baryo si G.Esteban Perez, . Sinundan naman siya ni G.Oresteo Ramos. Nasakop ng programang agraryo ang lupain ng asyenda, napamahagi ito sa pamamagitan ng repormang agraryo ng pamahalaan sa mga tauhan at mga magsasakang nagtratrabaho dito. Sa pangkasalukuyan iba’t iba ng mga pamilya ang nagmamay-ari ng mga lupain sa Arbismen, ngunit ang pangalan nito ay nanatiling paalala sa mga tao na ang baryong ito ay dating pag-aari ng tatlong angkan.

ref. "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs.Alodia F. Molines
ref. Mrs. Librada Rufo-Tan
ref. Mrs. Liwayway Pedregal-Rufo

ref. Mr. Gil Lumabi

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails