Recent Comments

Sabong Sa Guinayangan


Kailansabay ng pagsasabong sa buong Pilipinas, simula't sapol ay paborito na ang larong ito bilang libangan ng mga Guinayanganin. Hindi man tiyak kung kailan at paano kumalat ang sabong sa sa mga katutubo, dala-dala na nila ito umpisa pa sa mga unang nanirahan sa unang bayan hanggang sa paglipat ng kumunidad (dahilan sa mga piratang Moro) sa Nuevo Guinayangan. Nang itatag uli ang lumang bayan sa panahon ng mga Kastila, hangang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapon, at hangang sa ngayon ang sabong pa rin ang isa sa mga tinatangkilik at kinagigiliwan ng mga mamamayan ng Guinayangan, lalo-lalo na ng mga kalalakihan.

Ayon sa mga nahihilig dito, mas maganda pa ito sa larong boxing. Pareho man ng paraan at batas, at maari ka ring makapusta, ang talunan sa boxing ay tao at maaring bumagsak sa ospital o sa kabaong. Samantalang kung sa sabong kapag natalo, baka makapag-uwi ka pa ng pang-tinola.


Nagsimula wari sa mga Guinayanganin ang pagkaguhom sa sabong ang pagiging salat nila sa paglilibangan. Noong una ay wala pang telebisyon, radio, pelikula , internet at iba pang mga
makabagong aliwan. Sabong ang naging sentro ng kanilang libangan. Sa mga pyestahan, o anomang okasyon ng bayan ay dinadagsa ang mga tupada lalo na ng mga kalalakihan. Ngunit ng dumating na ang panahon na mas marami ng mapapaglibingan, nanatili pa rin itong sikat at ngayon ay hindi na lamang sa mga kalalakihan pati na rin sa mga kababaihan, ano man ang antas ng iyong pamumuhay.

Dati-rati idinadaos lamang ang tupada o sabong tuwing may okasyon sa bayan o sa maliliit na barangay ng Guinayangan. Nang kinalaunan ay naipatayo ang isang Sports Arena sa Brgy.Calimpac na gawa lamang sa kahoy, na kahit walang mga pyestahan o okasyon, nakapagdadaos na ng regular na sabong lalo na tuwing linggo. Nang pumasok ang bagong milenyo, nagpatayo si Bb. Devine Kunanan ng makabagong sabungan sa labas ng bayan na nasasakupan ng Brgy.Salacan. Ito ay gawa sa mga makabagong materyales kagaya ng bakal at semento. Moderno at maiihalintulad na ito sa ibang mga Sports Arena sa mauunlad na bayan at kalunsuran. Nakakapagdaos ito hindi lang mga tupada na dinarayo ng kalapit bayan kung hindi pati na rin ang pagpapa-derby, na dinarayo ng mga malalakas at malalaking manayang mananabong galing saan panig man ng Pilipinas.

Nang maglaon, ang simpleng libangan ay naging uri ng sugal at nagbigay na ng hanapbuhay sa ilan sa mga mamamayan. Ang sabong ay lumaki na bilang isang industriya at nagkameron na ng sariling
daigdig.Pinangungunahan ito ng may-ari ng sabungan na may pinakamalaki ang puhunan na siya ring may pinaka malaking kita. Ayon kay Bb. Devina Kunanan, ang may-ari ng Devine Sports Center, mahirap at masarap ang buhay sabungero. Malaki ang kailangang trabaho ng nagpapatupada o nagpapaderby. Dapat marami kang koneksyon at adevertisement sa mga taong nahihilig dito upang dayuhin at pasukin ang iyong sabungan. Malaki kaseng bahagi ng kinikita ng may-ari ng sabungan ay sa “entrance fee” ng mga dumadayo dito.

Ang mga sentenciador, casador, kristo, mga tauhan ng mga tahor o ang mga sabungero na malalaking pumusta, mga nag-aalaga at nagpapalahi ng manok na panabong, ang mga mananari, at bukod pa doon ang mga gumagawa ng mga gamit panabong, mga nag-proproduce ng feeds, mga gamot, antibiotic at food supplement. Ang mga nagtitinda sa loob at labas ng sabungan, mga tindera ng pagkain at inumin, (na pagkaminsan kapag may okasyon at dagsa ang tao, mananabong o hindi) may roon ding nagtitindang ibang gamit at souvenir items na wala namang koneksyon sa pagsasabong. Lahat sila at ang buo nilang pamilya ay nakikinabang sa industriyang ito.

Kagaya sa alin mang panig ng Pilipinas, ang sabong ay naging malaking bahagi na ng kabihasnan ng Guinayangan. Ito ay nanatiling isang kilalang uri ng libangan, sugal, isang pinagkukunan ng kabuhayan at ang mga Sabungan ay patuloy pa ring naging pook-aliwan at mainam na pinagkukunan ng mga isyu at balitang panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan.
Isang uri ng libangan para sa mga taong ang tanging hanap lamang sa Sabong ay isang pampalipas-oras. Ika nga nila “Gaming” at hindi “Gambling” ang kanilang habol, pero mangyari pa, isang karangalan para sa kanila ang panalo ng kanilang mga pag-aaring sasabungin. Isang pinagkukunan naman ng kabuhayan para sa una, ang mga may-ari ng sabungan.

Sa mga pagsusuring isinagawa, malinaw na naipakita na masasalamin sa kultura ng Sabong ang ilan sa mga nakagisnang kaugalian. Tulad ng Pakikisama, Bahala Na, konsepto ng Katapangan, Pagpapahalaga sa Sarili, Pagiging Matapat at ang Katamaran.

Maipapakita din maging sa Sabong ang di-pantay na antas ng lipunan. May mga taong nakakaliha ng mga pribelehiyong higit kaysa iba. Ito ay tuwirang nagpapakita ng katayuan, katauhan at katungkulang kanilang ginagampanan sa lipunan. Ang ginugugol nilang salapi at panahon sa Sabong ang siyang nagtatakda ng pagtatamasa sa katayuang ito.
Isa pang kalagayang panlipunan na masasalamin sa libangang ito ay ang patuloy na pamamayani ng
patriyarkal na tradisyon. Ito ay sa kadahilanang ang Sabong ay isang larong laan para sa mga kalalakihan. Sinasabing ang mga karahasan at aksyong nakapaloob sa laro ay isang oryentasyong tanging ang mga lalaki lamang ang makauunawa at makakahilig.

Subalit kung may mga naidudulot na kabutihan ang Sabong sa lipunan, ito ay marami ding masamang naidudulot. Una, ang matinding pagkalulong sa sugal na ito ang posibleng dahilan ng pagbagsak ng kabuhayan. Sa halip na makatulong ay higit ang perhuwisyong maaaring idulot nito. Ikalawa, ito ay nagiging sanhi ng patuloy na kawalang interes ng marami sa paghahanap ng isang tiyak na trabaho o hanap-buhay. Ang Sabong ay walang kasiguruhan. Hindi mo masasabi sa lahat ng pagkakataon ang iyong suwerte dito. Ikatlo, ang Sabong din ang nagiging sanhi ng di-pagkakaunawaan at hidwaan sa loob ng pamilya lalong higit sa pagitan ng mga mag-asawa. Karamihan pa rin sa mga kababaihan ay walang kimi na magreklamo sa sugal na ito na nagdudulot ng maraming problema sa kanilang buhay. At para naman sa mga moralista, ang larong ito ay hayagang pagpapakita ng karahasan at kalupitan sa mga manok na ginagamit sa mga laban.

Tunay ngang hindi matatawaran ang pagpapahalaga sa Sabong. Mula noon, hanggang ngayon, ito ay patuloy na tinatangkilik at naging isang bahagi na ng lipunan, kultura, at ng kabihasnan ng Guinayangan. Dahil napakarami pa ring deboto at panatiko ng laro, mahirap na itong alisin. Ayon nga sa isang kasabihan, mahirap alisin ang isang bagay na nakasanayan. Marami na ding mga batas at alituntunin ang mga ipinalabas tungkol sa paghihigpit ng mga patakaran sa pagsasabong. Ang Sabong ay sugal. Nilalayon ng mga naturang batas na ilimita ang pagdaraos ng pasabong tuwing may mga okasyon at mahalagang pagdiriwang-bayan lamang tulad halimbawa ng mga fiesta. Layon din ng mga ito na mapangalagaan ang Sabong bilang isang mahalagang tradisyon ng isang katutubong uri ng libangan at aliwan at hindi bilang isang uri ng sugal.


Ang Mundo Ng Sabong


Mga Tao Sa Sabungan
Sabungero- Ang tawag sa taong nagsasabong.
Sabungerong Nasa Ibaba ng Palko- Narito ang mga Sabungerong may pinakamababa ang pusta na kalimitan ay miron lamang. Wala silang Kristo gaya ng mga Tahor na nasa palko. Wala ring binabayaran kundi ang pultahan lamang kung sakaling maningil ang sabungan.
Sabungerong Nasa Palko- Narito ang mga sabungerong may sariling tiga taya o Kristo , ngunit mas mababa pa rin silang pumusta kaysa sa Tahor.
Tahor- Isang mahigpit na sabungero at kilala bilang malaking tao sa loob ng sabungan, dati kilala sila bilang mga malalaking pumusta, naglalaan ng malaking perang pangsabong. Ngayon naging mas malawak na ang pag-gamit sa pangalang ito, hindi na kailangang malaki kung pumusta ngunit kilala pa rin sila sa loob ng sabungan. Kalimitan sa kanila ay nag-aalaga at nagpapalahi ng manok na panabong.
Cazador- Ang mga tiga-lista ng mga malalaking pusta. Mahusay sa pagtanda ng mga taong pumupusta at nagdadagdag ng pusta gayundin ang bilis sa pagkukwenta at pagbibilang ng halagang ipinuno sa pustahan
Kristo-Ang pinakasikat na karakter sa loob ng sabungan. Kristo kase para siyang napako sa krus kapag kumukuwa ng taya at pusta sa mga sabungero.
Sentenciador- Ang pinaka-referee ng sabungan. Dalubhasa sa mga batas at alituntuning dapat sundin sa paghahatol ng bawat sultada. Nasa kanya ang huling salita na sinusunod ng management ng sabungan.
Mang-gagamot Sa Manok- Ang tumatahi at gumagamot ng mga sugat ng nanalong manok (hanggat maari pang maisabla ang buhay ay ginagawaan ng paraan). Madalas ay wala man laman natapos na pormal na edukasyon kagaya ng Vetenerary Medecine. Karamihan ay natutunan lamang ang pag-gagamot sa pagtatambay at pagsasama sa mga kaibigan nilang ganito ang trabaho. Ang iba naman ay namana lamang sa kanilang mga magulang ang hanap buhay na ito. Walang anestisya kung magtahi ng sugat at pangkaraniwan lamang na antibiotic o merthiolate lamang ang gamit.
Asensista- Siya ang namumuhunan o kinatawan ng namumuhunan at namamalakad ng pagsasabong nito na nangangahulugan nang paggugol ng maraming salapi at panahon upang mapanatili ang takbo at kaayusan ng pagsasabong. Kinabibilangan sila ng mga may malawak na lupain, ng mga may maunlad na negosyo, ng mga may mataas na katungkulan sa pamahalaan at ng mga matagumpay sa kanilang mga propesyon na kayang mamuhunan nang malaki sa Sabong.
Mananari- Ang nag-aalaga at naglalagay ng mga tari ng mga manok na inilalaban sa sultada. Kumikita ang iba sa pamamagitan ng pagrenta sa kanilang mga tari o pamomorsyento kapag nanalo ang tinaling kanilang tinalian ng tari.Ang iba naman ay hawak ng malalaking sabungero at tanging ang mga manok laman ng amo nila ang tinatarian.
Soltador- Ang naghahawak at taga-bitiw ng mga manok sa rueda na naghuhudyat ng simula ng sabong.





Ang Mga Pangyayari sa Sabungan

Ulutan- Pagpapare-parehas at paghahanap ng dalawang magandang manok na nababagay pagsabungin. Sa ibaba o ilalim ng arena ay may mga mabababang “bleacher” kung saan ang mga sabungero at ang kanilang mga manok ay pinag-uulutan.
Careo- Tawag sa parte ng laban kung saan malapit nang sentensiyahan ang mga manok. Pinagdadaop ang mga tuka at kung sino man sa dalawang manok ang unang makadalawang sunod na tuka nang hindi gumaganti ang kalaban ang siyang nanalo.
Contra-Barata- Tawag sa paglipat ng mga taya mula sa llamado patungo sa dejado o mula naman sa dejado patungo sa llamado.
Dejado- Tawag sa panabong na may mas mababang taya o pusta at tinatayang matatalo sa laban.
Ganadores- Mga panabong na laging nananalo sa mga laban.
Llamado- Tawag sa panabong na may mas mataas na taya o pusta at tinatayang mananalo sa laban.
Pang-ilalim- Tawag sa manok na may deperensya sa isang laban na inareglo. Ito ang inaasahang siguradong matatalo sa laban. Karaniwang may kapansanan ang mga manok na ito.
Pintakasi- Taunang pasabong na ginaganap tuwing mga Pistang-Bayan
Rueda – Ang parte ng Sabungan na pinaglalabanan kung saan pinagsasabong ang mga manok. Isang octagonal ring na halos kagaya ng ring ang hugis na pinaglalabanan ng Ultimate Fighter Championship.
Soltada- Tawag sa bawa’t laban ng Sabong.
Tari- Ang sandata ng mga manok na sasabungin sa paglaban. Ito ang inilalagay sa kanilang mga paa kapag lumalaban.
Tiope- Isang uri ng pandaraya sa Sabong, kung saan inaareglo ang isang laban sa pamamagitan ng pagsali ng isang manok na may deperensya o may kapansanan upang sigurado ang panalo ng isa.
Travesia- Sila ang mga magsasabong na walang sariling manok na ilalaban at tumataya lamang sa mga manok na pag-aari ng iba.
Derby- Isang malaking pasabong tulad ng pintakasi, subalit ito ay nagaganap kahit walang pista. Kalimitang dinarayo lalo na ng mga malalaking pumusta.
Angat-Sarado- Ang panabong na nagtataglay ng isang istilo ng paglaban na itinuturing na pinakamagandang taglayin ng isang manok upang manalo.
Talunan- ang napatay na kalaban na manok, pwede itong iuwi ng nanalo sa sabong at gawing tinola o adobo (kakaiba lamang ang pagluluto sa pangkaraniwang manok dahil sa sobrang tigas ng mga laman nito, matagal itong pinalalambot)


Pagtaya at Pagpusta Sa Sabong
Sa meron- Llamado ang meron (P100 tama P100)
Sa wala- Llamado ang wala (P100 tama P100)
Lobe- Walo tama ng siyam (P80 tama P90)
Posyam- Nwebe tama ng sampu (P90 tama P100/ P450 tama P500/ P900 tama P1,000/ P1,800 tama P2,000)
Lodyes- Walo tama ng sampu (P80 tama P100)
WaloAnim- Anim tama ng walo (P60 tama P80)
Onse- Walo tama ng labing-isa (P80 tama P110)
Lotres- Sampu tama ng kinse (P100 tama P150)
SampuAnim- Anim tama ng kinsae (P100 tama P150)
Doblado- Lima tama ng sampu (P100 tama P200)
Pag-parehasan – Isenyas dalawang kamay na nakabuka lahat ang sampung mga daliri.
Pag-pusyam - Isenyas dalawang kamay na nakabuka lahat ang siyam na mga daliri (maliban lamang sa isang hinlalaki ng alin mang kamay).
Pag-lobe - Isenyas dalawang kamay na nakabuka lamang ang dalawang hintuturo.
Pag-lodyes - Isenyas dalawang kamay na nakabuka lahat ang walong mga daliri (maliban sa dalawang hinlalaki).
Pag-waloanim - Isenyas isang kamay na nakabuka lahat ang sampung mga daliri at sa kabilang kamay naman ay ang hintuturo lamang ang nakasenyas.
Pag-lotres - Isenyas ang talong mga daliri ng dalawang kamay habang nakatiklop ang mga hinlalaki at hintuturo )
Pag-sampuanim - Isenyas dalawang hinlalaki ng dalawang kamay na nakaturo sa itaas.
Pag-doblado - Isenyas dalawang hinlalaki ng dalawang kamay na nakaturo sa ibaba.



Mga Senyas Sa Sabong









ref. Ms.Divina Kunanan

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails