Recent Comments

Dating Buhay Linang




 

Kay sarap tumira sa bukid o linang
May katabing puno at mga halaman
At mas perpekto pa kung ilog ay tanaw
Anumang sandali pwedeng magtampisaw.

Sariwa ang hangin sa lilim ng puno
Sa damong malinis pwede kang maupo
Pasyalan, piknikan, sa usok malayo
At walang polusyon kay lusog sa puso.

Tara na’t pumasyal sa liblib na baryo
At dalawin natin mga tagarito
Masasaya silang tatanggapin tayo
At patutuluyin sa kanilang kubo.

At doon sa linang noon ay nauso
Merong bayanihang umiiral dito
Tutulungan kayo ng mga kabaryo
Upang makigamas sa bukirin ninyo.

Kapag taniman na may bayanihan din
Walang umuupa sa mga gawain
Kaya’t sa anihan ng mga tinanim
Mga bumayani kahati sa “blessings”.

Kapag ililipat isang munting kubo
Mga kaibigan ay makikita mo
Sila ang bubuhat sa dampa ng buo
Upang mailipat sa ibang destino.

Ngayon ba’y meron pa nitong bayanihan?
Di na ata uso sa ‘ting kalinangan
Kapag may nais kang ayusing bakuran
Ihanda ang bayad singil pa ay mahal.






isang tula na isinulat ni: Gng Marianita R. Ilao 
(alay sa mga kababayan nating taga-linang o taga-bukid)

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails