Recent Comments

Kasaysayan Ng Guinayangan: Taong 1845-1898

Kailinsabay sa pagkatatag ng bagong parokya ang pagdadatingan ng mga bagong mananahan.
Mula sa Espanya, dumating ang isang Kastila, si Senyor Francisco Garcia, na naging may-ari ng malalaking lupain sa iba’t-ibang bahagi ng pueblo. Nakaisang dibdib ng nasabing Kastila ang apo ng Bisayang si Juan Mata at Barbara Rufo, sa katauhan ni Paula Mata (Lola Pawing). Dahil malawak ang asyenda at niyugan ng matandang Kastila, nangailangan siya ng mga makakatulong sa pagsasaka. Nakahikayat ito ng maraming mamamayang dumayo upang maghanap-buhay sa hasyenda at niyugan ng matandang Kastila. Ipinamana nito ang asyenda sa dalawang anak na lalake, sina Don Rodrigo at Don Faustino.
Ang magkakapatid na Lagdameo na sina Claro, Gabino, Maria, Joaquina at Pilar (Cinco Hermanos) buhat Lucban, nagpasiyang manirahan sa Guinayangan. Pinatatag nila ang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbubukas ng hanap-buhay tulad ng pagsasaka, pangangahoy at pangangalakal. Nakahikayat ito ng maraming manggagawa at mga tauhang sukat makatulng sa hanapbuhay.

Sa pamamagitan ng mga sasakyang dagat na pagaari ni Kabesang Victoria Lagdameo (anak ni Sr. Claro Lagdameo), nakaluwas ang sariling ani at kalakal ng bayan sa Maynila. Pangunahing daungan ng mga sasakyang dagat ang Guinayangan na nanggagaling sa Bicol, Visayas at Maynila kung kaya’t maligoy ang pangangalakal.
Ang mga estudyante ng Guinayangan ay libre pasahe sa mga sasakyang dagat ni Kabesang Victoriano. Marami ang nakarating ng Maynila upang magaral sa kolehiyo. Malaki ang ginawang pagbabago sa antas ng pamumuhay ng pueblo dahil sa malayang paglalakbay at sa ibat-ibang hanapbuhay na nabuksan. Dinala ng mga mangangalakal ang karangyaan ng kabihasnan buhat sa ibayong lupain. Naglalakihang tahanang nasasangkapan ng mga mararangyang kagamitan ang ipinagawa ng mga angkang nakaririwasa.
Mga almacen ng mga dumayong intsik ang nabuksan. Kapansin-pansin ang patuloy ng pagsulong ng pamumuhay sa panunumbalik ng matiwasay at mapayapang buhay ng Guinayangan. Hindi na nabagabag ang “pueblo” ng mga Moro at ni hindi ito inabot ng himagsikan laban sa Espanya maging ng digmaang Filipino at Amerikano.

Ang matandang Simbahan ng Parroquia de san Luis Gonzaga na yari sa matibay na kahoy na nasira ng isang malakas na bagyo. (insert photo)

-excerpt from the book "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
ref. Oral History

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails