Ang pook na ngayo’y kilala bilang Barangay Gapas ay dati lamang isang malawak na kagubatan. Isang taga Guinayangan na nag-ngangalang Isidro Paraon ang naghahanap noon ng matitirahang lugar at mapagkukunan ng kanyang ikabubuhay at ng kaniyang pamilya. Sa paglalakad ay nakarating siya sa masukal na kagubatan . Nakita nya ang potensyal ng lugar at sinimulan niyang hawanin at bagtasin ito hangang makarating sa isang paliko-likong ilog na hugis “gapas”. Dito na rin niya isinunod ang pangalan ng ilog na kalaunay naging pangalan na rin ng lugar bago pa naging isang ganap na baryo.
Marami pa ang sumunod na nagbukas ng malilinang buhat sa bayan at ang kahangganan nitong bayan ng Lopez. Si Lauro Aprado na tubong Brgy. San Antonio, Lopez Quezon ang nanguna sa paghawan ng kagubatan sa lugar na ito. Nakakuha sya ng malaking konsesyon sa pamahalaan, at dagliang nahomisted kasama ang kanyang pamilya. Dito nagsunuran ang mga angkan ng Argamoza, Camarador, Requiron, Espejo at Pedregal. Sila ang nagsimulang nagpayaman ng mga lupain at nagpakalat ng lahi sa lugar na nabanggit.
Nang mabuksan ang daang panlalawigan na binabaybay ang halos lahat na nasasakupang lupa, mas lalo pang umunlad at dumami ang mga taong ibig manirahan dito. Hanggang sa mapagdisisyunan ng mga mamayan na gawing isang ganap na baranggay ang lugar. Si Juan Villafuerte ang kauna-unahang naging Tenyente del Baryo.
Ipagdiriwang ng Brgy.Gapas ang kanilang kapistahan ngayong ika-25 ng Abril para sa taong pangkasalukuyan, ito ay papatak sa araw ng Linggo.
Hindi lamang mayaman ang lupa ng Gapas sa lupa na maaring sakahan kundi marami rin itong angking likas na kagandahan. Dito matatagpuan ang dalawa sa mga pinaka sikat at tukoy na na kweba ng Guinayangan. Ang ilog ng Gapas ay isa rin sa mga paboritong paliguan ng mga taga Guinayangan, sa kadahilanang tago at lubhang malayo sa kabayanan, hindi ito kasing sikat kagaya ng nasa karatig baranggay na isang ganap na “Resort”.
ref. "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs.Alodia F. Molines
ref. Erik Tarusan -Brgy.Gapas resident