Recent Comments

Pangulong Ramon Magsaysay


Karamihan ng nasasakupang kalupaan ng barangay na ito ay nasa kanlurang bahagi ng bayan. Kagaya ng mga kalapit na barangay (Brgy.Sta.Cruz, Brgy.Ermita at San Roque) mataas ang lugar dahil nasa ibabaw ng kabundukan.

Masipag ang mga mamayan, bukod kase sa tradisyonal na puno ng niyog na pinagmumulan ng kopras, marami rin ang nagsisikap na pagyamanin ang lupa. Nagtatanim sila ng mga gulay at prutas na naipagbibili nila ng magandang presyo sa malalaking merkado. Tuwing panahon ng tag-lamig, dala ng kataasan ng lugar, madarama mo dito ang mas mababang klima hindi katulad sa mas mabababang parte ng Guinayangan.

Noong 1942, matapos humawan ang kagubatan dala ng pagtroroso, nagsimula itong linisin ng mga tao na galing sa bayan ng Guinayangan. Nanatili sila dito at pinagyaman ang kalupaan. Mga masisipag na magsasaka na galing din sa karatig na probinsya ang mga unang nanirahan dito.

Si Vicente Ortega, isang magsasaka na sa edad isangdaan at limang taon (105) ang isa sa iginagalang sa lugar na ito. Bagama’t matanda na ay hindi ito tumigil sa pagsasaka, hinangaan hindi lamang sa buong bayan ng Guinayangan kundi kinilala rin ang kanyang kasipagan sa buong Pilipinas. Isa sa mga naninirahan dito na si Daniel Morados ang naging dahilan sa pagsikat ni G.Ortega. Malapit si G.Morados kay Atty. Aro na nagkataon noon na malapit sa Malakanyang. Ayon sa kwento, nang mabanggit ni Atty. Aro ang tungkol sa matanda kay Pangulong Ramon Magsaysay, agad ay inakit niya ang magsasaka sa Palasyo ng Malakanyang para makilala at mabigyan ng parangal. Sa lubos na paghanga ng Pangulo ay ipinadala pa niya ang isang Helicopter upang sunduin ito sa Guinayangan. Naganap ito noong taong 1956, kung alin ang taon rin na ganap na humiwalay ang sitio sa Brgy.Sisi at maging isa na ring nagsasariling barangay. Bilang pagkakilala ng Pangulong Magsaysay sa isa sa anak ng baryong ito, minabuti ng mga mamamayan nito na ipangalan sa mahal na pangulo ang barangay. San Vicente at San Matias ang mga ibang pangalan na pinagpilaan.

Sa ngayon, ayon sa pinakabagong datos ng pamahalaan, ang Brgy.Magsaysay ay pinaninirahan ng 296 katao. Si G. Mario Ronquillio ang kasalukuyang kapitan ng barangay. Ipinagdiriwang nila ang kanilang kapistahan tuwing ika-11 ng Mayo. Nalilipat lamang ito ng mas maagap na petsa tuwing ikatlong taon kung alin ang bansa ay nagdaraos ng pambansang halalan tuwing ika-10 ng Mayo.



































Si G.Sabrino Vertucio at ang kanyang apo, ang pinakamatanda at kasalukuyang naninirahan sa Brgy.Magsaysay.

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails