Recent Comments
Kwaresma Sa Lumang Guinayangan
Posted by Anonymous in kwaresma, mahal na araw on Friday, March 19, 2010
Simula ng kwaresma, sabi ng Lola ko , “Tayo na magpakrus ng abo”. Sumama ako at ganon na nga ang nangyari. Hindi raw dapat tanggalin ang krus na abo.
Narinig ko ang mga awit ng Pasyon ni Hesukristo sa bawa’t tahanan. Nagbasa ng pasyon ang mga kasambahay ko. Kinatulungan ko ang iba’t ibang himig na umaalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Walang naghaharana, walang tugtugan, walang sayawan. Bawal magsaya.
Mahal na araw na, kayraming umuuwi, dala’y palaspas na may iba’t ibang palamuti. Linggo de Ramos pala o Linggo ng Palaspas, bineditahan ang mga palaspas, may “Hosannahan” sa apat na sulok ng patyo. Kasama ako sa kabataang may koronang bulaklak na nagsasabog ng bulaklak habang umaawit ng “Hosanna Fili David”. Sinasahod ng mga nasa sa ibaba ang mga bulaklak at inuwi kasama ng mga palaspas.
Kinahapunan sumama ako kay Lola sa Estasyon Heneral, palibot ng bayan. Labing apat na kubol, ang bawat estasyonm na tinitigilan ng propesyon habang pinagpaninilayan ang paghihirap ng Panginoong Hesukristo. Marami ang sumasama sa prosesyon at inaawit ang “Patawad po o Diyos ko”.
Lunes Santo
Ano kaya ang naririnig kong “tak, tak, tak”, kasabay ang kalansing na animo’y munting batingaw? Takbo ako sa lansangan, anong laking pagkamangha ko, dumaraan ang pulutong ng mga lalaking nararamtan ang kawal Romano noong unang panahon. “Centurion sila”, ang sabi ng Lola ko. Umaga’t hapon lumilibot sila sa bayan, “kleng, kleng, kleng!” lakad patakbo, kasunod ang mga batang humahanga sa animo’y tunay na kawal, dala’y sandatang sibat.
Myerkules Santo
Nakagigimbal na hugong buhat sa saya ng Lola ko, na natatawang nagpapaliwanag, “Tinieblas lamang iyon! Kunwaring nahuli si Kristo”, paliwanag ng Lola ko. At pinanood na lang namin ang prosesyon. Ang mga “Centurion: sila’y pauli-uli sa gitna ng dalawang hanay sa lakad-patakbo nilang kilos, tuwid na tuwid ang hanay. Ang mga batang tulad ko’y takot na lubas sa hanay, baka hulihin ng Centurion. Mahaba ang prosesyon, lahat ay may ilaw na kandila, lalo na sa mga bintana ng bawat bahay na nagbibigay liwanag kahit walang ilaw dagitab sa lansangan.
Biyernes Santo
Pinakamahaba ang prosesyon ng Biyernes Santo, tulad sa lumipas na araw, maraming Santo may mga centurion at may 12 Apostoles, kasunod ng “Santo Entierro” o “Burol”. Lahat ay uliilaw at maayos ang hanay ng prosesyon dahil sa Centurion. Inaawit ng mga tao ang “Stabat Mater” kasunod ng Dolorosang Ina. Marami rin ang nag-aanting-anting. May pumupitas ng bulaklak na palamuti sa “Burol”. Ako ay humalik sa “Burol”, ganon din ang iba. Nagpasyon ang matatanda sa loob ng simbahan.
Linggo ng Pagkabuhay
Madaling araw pa’y ginising na ako ng Lola, “Tayo na!, Panoorin natin ang salubong at pagdagit!”. “Ano kaya yoon?’…ang tanong ko sa sarili. Kahit inaantok , sumama ako sa gitnang kantohan ng bayan. “Aba! Maliwang na maliwanag, may mataas na balwarte, napapalamutian ng mga punong saging, anahaw at pako”. Sa itaas, may nakabiting hugis pusong bulaklak. Dumating ang salubong ng Mag-ina, sa kaliwa nagmula ang kaalakihan, kasunod ang imahen ng “Ressureccion” (Kristong Nabuhay), sa kanan, mga babae sa pangunguna ng Birhen na may lambong na itim. Pagtapat ng Birhen sa hugis pusong bulaklak, umalingawngaw ang matinis na awit ng isang batang nakadamit anghel, nakaluhod sa loob ng bumukang bulaklak, dahandahang bumababa habang inaawit ang “Regina Coeli Laetare” at dinagit nito ang lambong ng Birhen, tumiklop ang bulaklak at hilang pataas muli habang umaawit ng “Alelluya”. Pag-katapos ng seremonyas, sam-samang lumakad muli ang prosesyon patungong simbahan upang idaos ang misa na Pasko ng Pagkabuhay.
Inuulat ng isang batang namulat sa sinaunang kaugalian at nagbuhat sa labi ni Lola Ota na apo ni Francisco Tupas (isa sa nakatuklas sa Viejo Guinayangan)
-from the book "Guinayangan Noon At Ngayon" by Alodia F. Molines
This entry was posted on Friday, March 19, 2010 at 10:14 AM and is filed under kwaresma, mahal na araw. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.