Wala pa halos estudyante sa aming paaralan pero naroon na si Mang Vincent. Kay dami niyang dalang paninda. May siopao, mani, pansit habhab, malalamig na juice at ice candy.
Hapon naman siya babalik upang kunin ang mga benta ng ipinatindang produkto, at syempre para muling magtinda sa mga bata.
Madalas naman pulo-pulutong ang mga bata kay Mang Milan o mas kilala sa Mr.Hab-hab. mabiling mabili ang tinda nitong pansit hab-hab na sa halagang limang piso ay talagang mabubusog ka na.
Mainit at masarap na Arroz Caldo naman ang paninda ni Aling Lucy. Masigla siyang magtinda kahit na nga nangangapaso na sa tinitindang lugaw katulong ang butihing asawa. Malasa at may hanghang na hagod ng luya na tamang tama sa tiyang walang laman sa umaga.
Araw-araw yan. Lagi siyang nasa school hindi para magaral kundi para pakainin ng kanilang produkto ang mga mag-aaral. Kilalang killala na nila ang bawat suki. Alam na rin nila ang paborito ng mga bata mula sa kanilang tinitinda. Binibigyan din nila minsan ang mga batang walang pambili.
Masipag si Mang Vincent, Aling Lucy at Mang Milan. Hindi kumpleto ang isang araw kung hindi mo sila makikita sa labas ng eskwelahan. Simple at konte lang ang kanilang kinikita ngunit marangal at nagbibigay ligaya sa mga nagugutom na mag-aaral.
Mula sa pahayagang Ang GAYANG TOMO13 Blg.1