Umagang –umaga ng ika-dalawampu’t isa ng buwan ng HUnyo, ginising ako ng masiglang tugtugin ng bandang lumilibot sa bayan, kasabay ang putok ng kuwites at dupikal ng kampana. Bihis na ang Lola ko sa kaniyang baro’t saya na habi sa ginaras, may panuelo at itim na tapis na napapalamutian ng makikinang nalentewelas, suot ang kutsong de abaloryo.
Isinama ako ng lola ko sa pagsimba, pista daw ng bayan, at kaarawan ni San Luis Gonzaga, ang patron. Punong puno ng tao ang simbahan, mahaba at nakakabagot ang misa, hindi ko mauunawaan dahil iba ang salita ng Paring nagmimisa subalit nakawiwili ang awit ng “Koro” na sinasaliwan pa ng orchestra.
Paglabas naming sa patyo na nagsisikip sa dami ng namimintakasi. Walang tigil ang tugtog ng banda sa liwasan. Iniisa isa naming galugarin ang “perya” sa palibot ng simbahan. Maraming batang tulad ko sa perya ng mga laruan. Ibinili ako ng Lola ko ng manika.
Pagdating naming ng bahay, may mga “bisita” pala buhat sa ibang bayan. Si Nanay ay nasa kusina at naghahanda ng pagkaing pagsasaluhan sa tanghalian. Maraming putahe si Nanay. May mechado, estopado, dinuguan, lechon at leche flan.
Handa na ang hapag nang magtakbuhan ang mga bisita naming patungong baybay dagat.
Sumunod ako, “Naku! Ang daming bangkang may mga pahiyas”, lumibot sila sa isang malaking bangkang napapalamutian. Naroon din ang banda, panay ang tugtog nila , sabay ang putok ng kwitis. “Prosesyon sa dagat” pala at kaygandang panoorin. Akala ko’y tapos na, kaya dumulong na kami sa masaganang tanghalian. Dakong alas-tres ng hapon, di-magkamayaw ang ingay at sigawan ng nagbubunying namimintakasi Viva San Luis. Ang daming nanunuod sa tabi ng lansangang dinaraanan ng karakul. Sumasayaw sila sa mga saliw ng mga balitaw na tinutugtug ng banda, dala ng mga kalalakihan ang imahen ng Patron San Luis. Kay sasaya ng mga mangingisda na nagproprosisyon sa dagat.
Kinagabihan, bihis na bihis ang Nanay at Tatay, nakabaro’t saya si Nanay. Dadalo
sila sa sayawan na gaganapin sa paaralang bayan. Ako’y isinama ng mga pinsan ko sa liwasang bayan. Pinanonood naming ang pagpapalipad ng lobo, at nagpapaputok ng kuwitis sa saliw ng tugtugin. Nagsisikip ang liwasang bayan. Pagkatapos ng paputok, nanood ng pagtatanghal ng komedya at sarsuela. Hatingabi ng makauwi kami.
Kinabukasan, pangalawang araw ng pista, may gumagawa ng balwarte sa apat na sulok ng bayan. Maraming dumating na magbubukid daladala ang kani kanilang ani, mga butil, bungang kahoy at mga gulay. Pinahiyasan nila ang balwarte ng kanilang mga ani na hugis puso o aranya. Punong puno ang bawat balwarte ng aranyang saging, makopa, uhay ng palay at iba pa. Kaygandang tanawin ng “pabitin” sagisag ng masaganang ani sa kabukiran. Kinahapunan, nagpaprosesyong muli sa palibot ng bayan, kasama ng patron San Luis ang imahen ni San Isidro Labrador, ang patron ng magbubukid. Kayhaba ng prosesyon. May
dalang ilaw o kandila, habang inaawit ang “dalit” kay San Isidro. Pagkalipas ng prosesyon sa bawat balwarte, pinag-agawan ng manonood ang “pamitin”. Masayang Masaya ang lahat sa pag-aagawan ngunit wala namang nasaktan.
-Kwento ng isang tunay na Guinayanganin ayon sa karanasan niya ng isang pagiging bata tuwing araw ng kapistahan sa sinaunang Guinayangan.
excerpt from: "Guinayangan Noon At Ngayon" by Alodia F. Molines