Si Manuel Luis Quezon y Molina ay kilala bilang “Ama ng Wikang
Filipino.” Tinagurian ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”, siya ang
naging unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng
pamahalaang Amerikano noong simula ng ika-20 siglo. Bagamat hindi
kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica Filipina na siyang
pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon ay itinuturing
ng mga Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa, sumunod kay
Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”
at “Ama ng Kasarinlang Pilipino” dahil sa kanyang mga ginawa upang
isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pamahalaang Amerikano.
Maagang Buhay at Trabaho
Ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong
ika-19 ng Agosto, 1877 (bagamat ang kanyang opisyal na kaarawan ay ang
ika-19 ng Agosto, 1878) sa Baler, Tayabas (ngayon ay nasa lalawigan na
ng Aurora), kina Lucio Quezon, isang guro mula sa Paco, Manila, na isa
ring retiradong sarhento sa sandatahang kolonyal ng Espanya, at Maria
Dolores Molina, isa ring guro sa kanilang bayan.
Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887;
pagkatapos ay pumasok siya sa San Juan de Letran kung saan siya nagtapos
sa sekondarya noong 1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit na
tuberkulosis noong 1893, bago siya nagtapos ng summa cum laude sa
kursong Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) noong 1894.
Noong 1898, ang kanyang amang si Lucio at kapatid na si Pedro ay
tinambangan at pinatay ng mga armadong kalalakihan noong pauwi sila ng
Baler galing ng Nueva Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang
Espanyol.
Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil ito
nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Sumanib si Quezon sa
kilusang rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp ni Emilio
Aguinaldo mula 1899 hanggang sa nabihag si Aguinaldo ng mga Amerikano
noong 1901. Pagkatapos ng digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa
UST at nakakuha siya ng pang-apat na puwesto sa Bar Exams noong 1903.
Nagtrabaho muna siya bilang isang clerk at surveyor bago naglingkod sa
gobyerno bilang fiscal ng Mindoro noong ika-19 ng Setyembre, 1903, at di
kalaunan ay naging fiscal siya ng Tayabas noong Marso 1904. Sa maikling
panahong fiscal siya ng Tayabas, naghain siya ng 25 na kasong estafa
laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na abogado at manlilimbag
na Amerikano, bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904 at
pumasok sa private practice mula 1904 hanggang 1906.
Noong ika-13 ng Hulyo 1906, ibinaba ng Korte Suprema ang hatol sa kasong
U.S. vs. Querijero (G.R. No. L-2626), na nagsasabing noong pinatay ang
ama at kapatid ni Quezon, ang mga salarin ay mga sundalong
rebolusyunaryong lumalaban sa Espanya at ang pagpaslang ay alinsunod sa
utos ng nakatataas na opisyal at ginawa para sa mga layunin ng
himagsikan.
Pulitika
Noong 1906, si Quezon ay inihalal bilang konsehal at kalaunan ay bilang
Gobernador ng Tayabas. Noong ika-25 ng Hulyo 1907, nagbitiw siya bilang
Gobernador at tumakbo para sa Philippine Assembly. Mula 1907 hanggang
1909, siya ay naging miyembro ng Philippine Assembly, at Majority Floor
Leader at Chairman ng Appropriations Committee. Noong 1909, siya ay
inihalal ng Lehislatura ng Pilipinas bilang resident commissioner sa
Kongreso ng Estados Unidos.
Bilang resident commissioner, maaaring magsalita at sumali si Quezon sa
talakayan, ngunit wala siyang karapatang bumoto. Gayunpaman, masigasig
si Quezon sa pagsusulong ng kagustuhang lumaya ang Pilipinas. Pagkatapos
ng isang talumpati sa Tammany Hall para sa Fourth of July noong 1911,
sinabi ni Quezon sa New York Times na “Kami ay nagpapasalamat kay
Ginoong Taft at sa mga Amerikano para sa kanilang mga ginawa para sa
amin, ngunit ayaw naming maging isang kolonya. Gusto namin ng kalayaan.”
Bilang sagot sa inilathala ng New York Times na “Philippines the Key to
our Success in the Far East”, sinabi ni Quezon (nailathala sa NY Times
noong ika-15 ng Setyembre 1912), “Panahon na para sa mga tumitingin sa
Pilipinas bilang isang negosyo, na lumantad at sabihin ito kapag
kanilang sinusulong ang pananatili ng mga isla bilang sakop ng Amerika,
sa halip na tabunan ang kanilang totoong hangarin ng mga dahilang
nakakainsulto sa pambansang dangal ng mga Pilipino. Huwag nilang sabihin
na ang Estados Unidos ay nananatili sa Pilipinas hindi dahil sa gusto
nitong magpalawak ng teritoryo, hindi dahil sa naghahangad itong kumita,
kundi upang bigyan ang mga isla ng isang mabuti at matalinong
Pamahalaan, na hindi kayang itatag at panatilihin ng mga Pilipino ng
kusa.”
Noong 1916, iniuwi ni Quezon sa Pilipinas ang Batas Jones, na nangangakong kikilalanin ang kasarinlan ng mga Pilipino.
Senado
Si Manuel L. Quezon ay inihalal bilang Senador ng Ikalimang Distrito
noong 1916 at naging Pangulo ng Senado hanggang 1935. Umabot ng
labinsiyam na taon ang kanyang pagiging Pangulo ng Senado.
Noong ika-9 ng Disyembre, 1918, naglayag si Quezon patungong Amerika
bilang pinuno ng unang Independence mission sa Kongreso ng Estados
Unidos. Dumaan muna siya ng Hongkong, kung saan pinakasalan niya ang
kanyang pinsang-buo na si Aurora Aragon y Molina noong ika-17 ng
Disyembre. Sila ay biniyayaan ng apat na supling, si Maria Aurora
(“Baby”) (1919-1949); Maria Zeneida (“Nini”) (1921-); Luisa Corazon Paz
(“Nenita”) (1923-1923); at Manuel L., Jr. (“Nonong”) (1926-1998).
Ika-10 ng Mayo, 1920, nang unang magtalumpati si Quezon sa harap ng
Kongreso ng Estados Unidos. Kasama sa talumpati niya ang mga katagang
“Sa kabila ng lahat, nais pa rin namin ng kasarinlan”, at “Kung ang
nakatakdang kapalaran ng aking bansa ay ang maging sakop ngunit mayaman,
o ang maging malaya ngunit mahirap, walang pag-aalinlangang pipiliin ko
ang huli.”
Noong 1922, kinuwestiyon ni Quezon ang aniya’y “unipersonal leadership”
ni Tagapagsalitang Sergio Osmena, kung ihahambing sa tinatawag na
“collective leadership” na kanya namang itinataguyod. Noong ika-24 ng
Pebrero 1922, umalis si Quezon sa Partido Nacionalista, kung saan kasapi
din si Osmena, at ang kanyang sabi: “Ang partido ay hindi kailanman
naging at hindi kailanman magiging ang bayan. Ang aking katapatan sa
aking partido ay natatapos kung saan ang aking katapatan sa aking bayan
nagsisimula.” Nanatili si Quezon bilang Pangulo ng Senado, at si Osmena
naman ay naging Pangulo ng Senado Pro Tempore.
Matapos naihalal si Warren Harding bilang Pangulo ng Estados Unidos
noong 1920, si Francis Burton Harrison ay pinalitan ni Leonard Wood
bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Si Gobernador-Heneral Wood ay
nagpairal ng mga patakarang sa paningin ng mga Pilipino ay masyadong
marahas. Noong 1923, panahon ng pangangampanya para sa espesyal na
halalan para sa ikaapat na senatorial district (sakop ang Manila at mga
karatig-lalawigan), si Jose P. Laurel, na noo’y Kalihim ng Kagawarang
Panloob, ay nagbitiw sa tungkulin bilang protesta sa aniya’y
pangingialam ni Wood sa kanyang kagawaran. Ang Partido Democrata, na
siyang nasa oposisyon, ay nangako namang makikipagtulungan kay Wood.
Tinawag ni Quezon na Americanistas ang Partido Democrata. Ayon sa kanya,
ang isang boto para sa kandidato ng partidong iyon ay isang botong
laban sa kasarinlan ng Pilipinas, at ika pa niya’y: “Mas gugustuhin ko
pa ang isang bayang pinamahalaang parang impiyerno ng mga Pilipino,
kaysa sa isang bayang pinamahalaang parang langit ng mga Amerikano,
sapagkat gaano man kasama ang isang pamahalaang Pilipino ay magagawa
nating baguhin.”
Noong 1931, ang Misyong OsRox na pinamunuan nina Sergio Osmena at Manuel
Roxas ay tumungo ng Estados Unidos upang isulong ang hangaring
kasarinlan. Iniuwi nila ang Batas Hare-Hawes-Cutting, na mariin namang
tinutulan ni Quezon sa dahilang naglalaman ito ng kondisyong mananatili
pa rin sa Pilipinas ang mga base militar ng Amerika matapos maipahayag
ang kasarinlan. Bagamat ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay naaprubahan na
ng Kongreso ng Estados Unidos, ito ay ibinasura naman ng Lehislatura ng
Pilipinas noong Oktubre 1933. Pagdating ng Nobyembre 1933, tumulak na si
Quezon patungong Washington. Iniuwi niya noong 1934 ang Batas
Tydings-McDuffie, na hindi na naglalaman ng kondisyon ukol sa mga base
militar ng mga Amerikano, at ito ay inaprubahan ng Lehislatura ng
Pilipinas.
Noong ika-30 ng Hulyo, 1934, pormal na sinimulan ang Constitutional
Convention, at noong ika-14 ng Mayo 1935, pinagtibay na ang Saligang
Batas ng 1935.
Pagka-Pangulo
Si Quezon ay tumakbo sa unang halalan sa pagka-Pangulo ng Pilipinas
noong Nobyembre 1935 at nanalo siya laban kay Emilio Aguinaldo (dating
Pangulo ng Rebolusyunaryong Republica Filipina, na dati ay pinagsilbihan
niya bilang aide-de-camp), at Gregorio Aglipay.
Mga natatanging kaganapan sa kanyang pagka-Pangulo
Sa kanyang unang termino bilang Pangulo, si Quezon ay nakipagtulungan
kay High Commissioner Paul V. McNutt ng Estados Unidos upang mapadali
ang pagpasok sa Pilipinas ng mga Hudyong tumatakas sa mga rehimeng
pasista sa Europa. Isinulong din ni Quezon ang isang proyekto upang
makapanirahan sa Mindanao ang mga takas na Hudyo.
Mula 1901 hanggang 1935, bagamat isang Pilipino ang palaging nahihirang
bilang Punong Mahistrado, mga Amerikano ang karamihan sa mga miyembro ng
Mataas na Hukuman (Supreme Court). Ang ganap na Pilipinisasyon ng
Hukuman ay nakamtan lamang nang itatag ang Commonwealth ng Pilipinas
noong 1935, nang si Quezon, bilang Presidente, ay mabigyan ng
kapangyarihan upang maghirang ng kauna-unahang Mataas na Hukuman na ang
lahat ng miyembro ay Pilipino. Kabilang sa mga unang itinalaga ni Quezon
upang pumalit sa mga Amerikanong mahistrado ay sina Claro M. Recto at
Jose P. Laurel. Ang bilang ng miyembro ng Hukuman ay dinagdagan at
ginawang labing-isa: isang Punong Mahistrado at sampung Katulong na
Mahistrado, na umupo ng en banc o di kaya sa dalawang Sangay na may
tiglilimang miyembro.
Noong 1935, ang dating Chief of Staff ng Estados Unidos na si Heneral
Douglas MacArthur, na matagal nang kakilala ni Quezon, ay bumalik sa
Pilipinas bilang tagapayo ng Commonwealth tungkol sa sandatahan.
Naatasan si MacArthur upang bumalangkas ng isang national defense plan
at upang itatag at sanayin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Nang
magretiro si MacArthur sa Sandatahan ng Estados Unidos noong 1937,
kaagad na inalok siya ni Quezon ng isang posisyon bilang Field Marshal.
Noong 1936, inilabas ni Quezon ang E.O. No. 23, na naglalaman ng
technical description at detalyadong espisipikasyon ng watawat ng
Pilipinas.
Pagdating ng Enero 1937, itinayo ni Quezon ang Surian ng Wikang
Pambansa, na naglalayong lumikha ng isang pangkalahatang pambansang wika
para sa mga Pilipino. Noong Nobyembre 1937, inirekomenda ng Surian na
gawing pambansang wika ang Tagalog, kung kaya noong ika-30 ng Disyembre
1939 ay idineklara ni Quezon na Tagalog ang magiging pambansang wika ng
Pilipinas. Noong Hunyo 1940 naman, iniutos niyang ituro ang pambansang
wika bilang isa sa mga asignatura sa mga paaralan.
Masigasig na isinusulong ni Quezon ang panlipunang katarungan o social
justice, kung kaya minsan ay kanyang winika: “Ang panlipunang katarungan
ay higit na mas makatutulong kapag ang ginamit na batayan ay ang
damdamin at pang-unawa at hindi ang batas.” Noong 1937, nilagdaan ni
Quezon ang kauna-unahang batas para sa minimum wage sa Pilipinas. Noong
taon ding iyon, unang bumoto ang kababaihang Pilipino sa isang plebisito
tungkol sa karapatan ng mga babaeng bumoto o ang tinatawag na women’s
suffrage.
Noong ika-12 ng Oktubre, 1939 naman, nilagdaan ni Quezon ang Batas
Commonwealth 502, na lumikha ng isang lungsod sa Diliman, na nasa dakong
labas ng Manila. Ang lungsod na kanyang itinatag at pinagyaman upang
maging kabisera ng bansa, kalaunan ay ipinangalan sa kanya – ang Lungsod
ng Quezon.
Ang orihinal na termino ni Quezon na anim na taon bilang Pangulo ay
pinahaba sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng Saligang Batas, kung kaya’t
nagsilbi pa siya ng karagdagang dalawang taon bago siya nahalal muli
bilang Pangulo noong Nobyembre 1941.
Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Pamahalaang Desterado
Noong ika-8 ng Disyembre, 1941, bago pa lamang naihalal si Quezon sa
kanyang ikalawang termino bilang Pangulo nang inatake ng bansang Hapon
ang Pearl Harbor sa Hawaii. Kasunod ay ang pag-atake sa iba’t ibang mga
base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nang salakayin ng mga
Hapones ang Pilipinas, lumikas si Quezon sa Corregidor, kung saan siya
muling nanumpa bilang Pangulo noong ika-30 ng Disyembre, 1941, sa harap
ng Malinta Tunnel. Nang sumunod na buwan, napilitan si Quezon na lumikas
ng Corregidor papuntang Visayas lulan ng isang submarino, at mula doon
ay sa papuntang Mindanao. Alinsunod sa imbitasyon ng gobyerno ng Estados
Unidos, siya ay inilikas papuntang Australia at kalaunan sa Estados
Unidos, kung saan niya itinayo ang pamahalaang desterado (government in
exile) ng Commonwealth ng Pilipinas, na ang punong-tanggapan ay nasa
Washington, D.C. Doon ay nagsilbi siya bilang miyembro ng Pacific War
Council at isinulat niya ang sariling talambuhay, ang “The Good Fight” o
“Ang Mabuting Pakikipaglaban”, na inilathala noong 1946.
Ika-14 ng Hunyo 1942, sa White House sa Washington D.C., nang lagdaan ni
Quezon ang United Nations Declaration sa ngalan ng Pilipinas. Ito ang
kauna-unahang pagkakataon na ang watawat ng Pilipinas ay itinaas kasama
ang watawat ng ibang mga bansa, at bagamat isa lamang Commonwealth ay
kinilala na ng ibang bansa sa pag-asang makakamtan din nito ang ganap na
kasarinlan.
Kamatayan
Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong ika-1 ng Agosto 1944 sa
Saranac Lake, New York. Una siyang inilibing sa Maine Memorial sa
Arlington National Cemetery sa Washington D.C., pagkatapos ay hinukay
muli ang kanyang mga labi at isinakay sa USS Princeton, at muling
inilibing sa Manila North Cemetery noong ika-1 ng Agosto 1946. Kalaunan,
ito ay inilipat sa Manuel Quezon Memorial Shrine, sa loob ng bantayog
sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon, noong ika-19 ng Agosto
1979, araw na sana’y kanyang naging ika-102 kaarawan.
Nakaukit sa kanyang huling himlayan ang mga katagang:
"Statesman and Patriot, |
Lover of Freedom, | Advocate of Social Justice, | Beloved of his
People." (Mahusay na tagapamahala at bayani,| Mapagmahal sa kalayaan,|
Tagataguyod ng panlipunang katarungan,| Minamahal ng kanyang bayan.)
Noong ika-23 ng Setyembre 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay
ang ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika.
Ang selebrasyon nito ay palaging nagtatapos sa kaarawan ni Quezon, ang
taong unang nagsulong ng paglikha ng isang pambansang wika.
Noong ika-15 ng Enero 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika.
Ika-28 ng Abril 2005 nang iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
na ang mga labi ng dating Unang Ginang Aurora Aragon Quezon, na
tinambangan at pinatay sa daan patungong Bongabon sa Nueva Ecija noong
ika-28 ng Abril 1949, ay hukayin sa dati nitong pinaglibingan at ilibing
muli sa Quezon Memorial katabi ng mga labi ng kanyang asawang si
Pangulong Manuel L. Quezon.
from: http://bayaningfilipino.blogspot.com