Malawak ang masaganang lupa at bulubundukin ang nasasakupan ng Brgy. Sintones sa katimugang bahagi ng Guinayangan. Sa pitong daang tao na naninirahan dito, karamihan ay pagsasaka ang kinabubuhay. Ang iba naman ay pag-aalaga ng hayup at pagnenegosyo. Malaki ang bayanan ng baryo at nasa sentro nito ang isang paaralang pang-elementarya. Sanhi ng nadadaanan ito at napapagitnaan ng malalaking barangay, maraming munting tindahan at munting komersyo ang nakatayo dito.
Mga tubong Batangas ang unang mga nagsipagpuntahan sa lugar na it. Sila ay mga magsasaka dala ang kaalamang pagyamanin ang dating masukal at madawag na kagubatan. Karamihan sa kanila ay mga tagapangalaga ng bakahan sa Hacienda Luisa.
Si Pedro Hernandez ang kinikilalang pinakamatanda sa kanila. Sa kanyang halamanan ay may malalaking puno ng kalamansi at mas kilala sa pangalan nito sa Batangas na Sintones. Dito ang pahingahan ng mga naglalakad patungong Ligpit, Capuluan hangang Cawa na sakop ng bayan ng Buenavista Quezon. Tinawag nilang sintones ang pahingahan. Noong 1926 naging isang barangay ang lugar sa pamumuno ni Martin Hernandez, na siyang naging kaunaunahang Tinyente del Baryo.