Ang lugar ng Danlagan (na ngayon ay nahahati sa limang Barangay, ang
Reserba, Central, Cabuyao, Batis at Bukal Maligaya) ay isang malawak at
maburol na lupain na matatagpuan sa hilaga ng bayan ng Guinayangan.
Ayon
sa kasaysayan ng Guinayangan, ang Danlagan ay sakop ng Nuevo
Guinayangan na itinatag sa Apad ng sa panahon na ang orihinal na
Guinayangan ay sinasalakay ng mga Moro. Ang mga unang tao dito na
nagbukas at naghawan ng kagubatan ay ang mga magkakapatid na Remegio,
Fernando, Severino, Domingo, Anselmo, Margarita, Rufina at Policarpia
Cerilla. Nilinis ng magkakapatid ang masukal at madawag na gubat sa
tulong ng mga Aeta.
Ayon sa matatanda, naglalakad sa masukal na gubat si Fernando ng makasalubong niya ang isang Aeta. Tinanong niya kung saan ito patungo. “ Diyan sa Dalagan!”…ang sagot sa kaniya ng Aeta. Ang salitang “dalagan” ay isang uri ng isdang tabang na malamang ay kilala sa pangalang dalag ng mga katagalugan.
Ganoon din ang nangyari kay Vicente Molines noon ay nanliligaw sa dalagang si Margarita Cerilla. Sumama siya sa mga Aeta at napatunayan niya na maraming isdang dalag ang sapa at mga ilog nito. Simula noon, tinawag nilang “Dalagan” ang pook na sa katagalan ng pagsasalinsalin ay naging Danlagan.
Malawak na lupain ng Danlagan ang nalinis ng bawat isa. Naghati hati sila at ang natirang kagubatan ang naging Danlagan Reserva ayon sa proklamasyon ng Pangulo ng Bansa. Nang mabuksan ang daang bakal. nagkaroon ng deposito ng tubig at himpilan ng tren sa reserva. Kailangan ng tren ang tubig na noo'y "steam engine" pa ang gamit. Itinalaga sina Pedro Manalo, Fidel Cadag. Crispin Verdara at Leocadio Austria upang mangalaga sa deposito ng tubig.
Maraming nanirahan sa tabi ng himpilan ng tren at daang bakal. Sa gayo'y tinawag na Danlagan Reserva ang bagong baryo.