Recent Comments

Krus Ng Kalbaryo

Kaalinsabay sa pagtatayo ng lagarian sa Salakan, dumating naman buhat sa Mauban ang angkan ni Julio Ramos. Hinawan nila ang kabundukan kaalinsabay sa pagtrotroso ng isang kompanyang Hapon na nakahimpil sa ibaba ng bundok na ngayon ay Brgy. Salacan. Ang lahat ng napuputol nilang kahoy ay ibinababa nila sa lagarian at nanguha rin sila ng palasan na marami nito sa kagubatan.

Makalipas ang panahon ay nagsipagdatingan na rin ang iba pang mga angkan na nanggaling sa kalapit na lalawigan ng Cavite at Batangas. Ang mga pamilya ni Emiliano Virtucio, Geremias Rosales at Rafael Bello ang mga unang nagmay-ari ng mga malalaking lupain sa lugar na ito. Dahil sa likas na magsasaka sa kanilang bayang pinagmulan, agad-agad nilang pinagyaman ang lupain. Nagtanim sila ng mga punong niyog at mga punong kahoy na namumunga ng mga prutas na makakain nila at maipagbibili sa kabayanan. Kinilala ang lugar na isang masagana at mayamang kabukiran sa itaas ng ilog ng Salacan.
Tinawag nilang Sta.Cruz ang sitio na ito na dating sakop ng Brgy.Salacan. Ito ay sa kadahilanang ang pag-akyat o pag-ahon sa lubhang matarik na bundok na ito ay isang kalbaryo kagaya ni Hesukristo sa pagbubuhat ng kanyang krus.

Nang maging ganap na baryo ang Sta.Cruz, hinirang na kauna-unahang Tenyente del Baryo si Ginoong Julio Ramos. Ang barangay ay lubhang malawak na kabundukan at masyado pa ring malayo sa iba pang mga naninirahan kaya nahati pa rin ito at humiwalay ang dating sitio ng Ermita at San Roque.

Ang barangay ay ika-dalawamput isa sa mga pinakamalalaking barangay ng
Guinayangan ayon sa dami ng mamamayan. Ayon sa pinakabagong sensus ng gobyerno, mayroong anim na daan at limampu’t anim ang opisyal na nananahan dito. Sa laki ng papulasyon at sa dami ng mga naninirahan sa mga barangay na kalapit nito, mayroon itong sariling paaralan ng elementarya at sekondarya, ito ang Sta. Cruz Elementary School at ang Guinayangan National High School Extention. Dati ay dalawang kapistahan ang ipinagdiriwang nila taon-taon, ang pista sa Sta.Cruz Ilaya at pista sa Sta. Cruz Ibaba. Sanhi ng pagtatayo ng maayos na Baranggay Road ng pamahalaang local at sa pagdami ng mamamayan, lumiit na ang mga kaparangan at mga bukirin na walang kabahayan na nagsilbing harang sa dalawang sitio. Minabuti na nila na pag-isahin na lang ang pagdiriwang at itinalaga nila ito tuwing ika-18 ng Mayo. Si Ginoong Jaime Marjes ang kasalukuyang kapitan ng barangay.

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails