Recent Comments

Mga Dalag Sa Batis

Ang lugar ng Danlagan (na ngayon ay nahahati sa limang Barangay, ang Reserba, Central, Cabuyao, Batis at Bukal Maligaya) ay isang malawak at maburol na lupain na matatagpuan sa hilagang bayan ng Guinayangan.

Ayon sa kasaysayan ng Guinayangan, ang Danlagan ay sakop ng Nuevo Guinayangan na itinatag sa Apad ng sa panahon na ang orihinal na Guinayangan ay sinasalakay ng mga Moro. Ang mga unang tao dito na nagbukas at naghawan ng kagubatan ay ang mga magkakapatid na Remegio, Fernando, Severino, Domingo, Anselmo, Margarita, Rufina at Policarpia Cerilla. Nilinis ng magkakapatid ang masukal at madawag na gubat sa tulong ng mga Aeta.

Taong isang libo siyam na raan at pito nang dumating ang angkan ng Abrencillo sa Danlagan. Sumunod sa kanila ang mga angkan ng Enriquez, Silva, Ricamera, Perez at Valencia. Naging  maligaya at matiwasay ang kanilang pamumuhay dahil sa mataba at mayamang lupa na kanilang sinasaka.

Nahati ang lupang kanilang sinasaka na sakop ng Brgy.Danlagan sa dalawang sitio, ang Bukal Maligaya at Batis Maligaya. Pinagtibay ng Konseho  Municipal ang pangalang Maligaya sa dalawang sitio.

Nang ang Batis Maligaya ay naging isa na ring ganap na barangay, pinili ng mga namumuno dito ang pangalang Danlagan Batis. Ito ay sa kadahilangang karamihan ng mga nakatira dito ay dating mamamayan ng Danlagan. Tiagurian nila itong batis dahil sa dami ng mga batis na sumasanga galing sa mga bukal. Si Adriano Enriquez ang kanilang kaunaunahang Tenyente del Baryo.

Ayon sa matatanda, naglalakad sa masukal na gubat si
Fernando ng makasalubong niya ang isang Aeta. Tinanong niya kung saan ito patungo. “ Diyan sa Dalagan!”…ang sagot sa kaniya ng Aeta. Ang salitang “dalagan” ay isang uri ng isdang tabang na malamang ay kilala sa pangalang dalag ng mga katagalugan.

Ganoon din ang nangyari kay Vicente Molines noon ay nanliligaw sa dalagang si Margarita Cerilla. Sumama siya sa mga Aeta at napatunayan niya na maraming isdang dalag ang sapa at mga ilog nito. Simula noon, tinawag nilang “Dalagan” ang pook na sa katagalan ng pagsasalinsalin ng salita ay naging Danlagan.








ref: "Guinayangan, Noon At Ngayon" by Alodia F. Molines

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails