Recent Comments

Natagpuang Paraiso


Hoyop-hoyopan Cave ng Bicol at Crystal Cave ng Baguio...yan ang kwebang nababasa ko sa aking mga aklat sa HEKASI. Narating na din daw ito ng mga tita ko nang mamasyal sila sa Bicol  at sa Baguio.

Ano ba ang nakikita  doon? Di pa kasi ako nakakapasok sa alinmang kweba.
Kaya nga kapag dumarating sa bahay ng Tita Dha ko ang mga  nagmimina ay lagi akong nakikinig sa kanila. Sabi nila, malalim na daw ang narating nila sa kweba.

Tinanong ko si Tito Larry kung saan ang kwebang yaon. Sabi niya ay sa Batis daw. Meron doong 21 mga kweba.

Aba napakarami palang kweba sa lugar na iyon pero bakit di ko pa nababasa sa mga aklat?
Isang umaga noon, nagusap ang tita Edna ko at Ma'am Mona na sila ay pupunta sa kweba. Isinama nila si Tito Larry at lakas loob na tinuklas ang daan papapsok sa yungib.

Dadaan ka sa masukal na bahagi ng paanan ng bundok. Halos sintaas nila ang mga damo at talahib. Makapal din ang mga punongkahoy na kanilang dinaanan. Di naman iyon kalayuan sa tabi ng daang pinag-wanan namin ng sasakyan.
Nakakaibang ang kwentuhan kaya't di namin napansing nakarating na pala kami sa aming pakay.
Tuwang tuwa nga kaming pumasok. Malaki na ang bunganga ng kweba katunayangan napasok na iyon ng mga tao.

"Asan naman ang stalactite?", tanong uli ni Tita.
Sa lakas ng usapan, nagliparan ang maraming paniki. Kay dami nila. Nakakatuwa ang mga paniki.
Pinasok namin ang unang yungib...una, opo, nga kasi 21 daw yaon at iisa pa lang ang napapasok namin.
Ganon pala sa loob ng yungib, kay lamig, napakadilim, napakatahimik. Halos wala kaming makita. Pagnapapalayo ang aming tourist guide, bigla kaming napapasigaw. Nagliparan tuloy ang mga paniki.
Picture! Picture! Pose!Biruan! Tawanan! Sa wakas, may liwanag na. Narating na pala namin ang dulo nito. Lakad uli. Pasok na naman ito. Mas maliit ang bungad.
Pasok uli ang grupo.....iiiiik! iiiiik! Hayan na naman ang mga anak ni Batman, Naku baka kasunod na si Vampire.

Ang ganda ng mga bato sa loob. Itinuro ni titser kung paano nabubuo ang mga stalagmite. Tinikman din ni Tita ang tumutulong tubig dito. Kay lamig daw kaya naki-usyuso  din kami.

Sinubukan din naming pasukin ang mas maliit na bahagi ng ikatlong yungib pero pagod na kami kaya't di namin narating ang hangganan noon.

Siguro sa susunod na punta na lamang uli namin doon. Kay ganda ng loob ng bawat yungib.
Sa paglabas namin sa yungib ay binaon namin ang mga larawan ng loob nito sa aming kamera at isipan. Bakit kailangan pa tayong magtungo sa Bicol o Baguio eh narito lang sa ating bayan, mas maganda pa ang ating makikita?

 


 Maatatagpuan ang mga kweba sa Brgy. Danlagan Batis, sa layong 13 kilometro hilaga ng sentro ng bayan ng Guinayangan.



kwento ni: Jackie Paulyn Manansala
mula sa: Ang GAYANG Hunyo-Nobyembre 2007

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails