Ang bayan ng Guinayangan may karatig baryo
Isang komunidad ang dito'y nabuo
Mga mangingisda silang napadako
Galing sa kanluran, nagkanlong na dito.
Mula pang Cavite na malayong bayan
Tinurang Manlayo ang bagong tahanan
Nagpunla ng tyaga, dagat ay nilinang
Mga mangingisdang sipag ang puhunan.
Tawag sa kanila'y mga Manlayuhin
Ngunit tunay silang mga Guinyanganin
Katangiang taglay mabibigyang pansin
Masinop, maliksi, buo ang damdamin.
Likas sa kanila ang maging masikap
Ang sariwang hangin dala ay pagunlad
May kapanatagang katulad ng dagat
Unos ma'y dumating, hindi natitinag.
Bagong Manlayuhing dito na isinilang
Kalaro ay bangka, laruan ay sagwan
Hardeng nilakiha'y pinong buhanginan
Magandang pangarap dito hinihimay.
May kaugalian dati sa Manlayo
Bukas-palad sila sa lahat ng tao
Bahagi ng huli ay "mabobosing" mo
Kahit ano ka pa o kahit na sino.
Sa umpisa'y sibid, naging palakaya
Galadgad, Tres Palo, may Troll pa ang iba
Sagana sa huli, dagat ay maganda
Walang nagugutom sa bawat pamilya.
Ang Manlayo ngayon, ito ba'y ganun pa rin?
May laman-dagat pa? meron pang buhangin?
Ang nasasanghap ba'y sariwa pang hangin?
Pagibig sa dagat nasa puso pa rin?
Sana nama'y walang gaanong nagbago
At kung may ilan ma'y mabigyang remedyo
Lumipad na sibol ay muling dadako
Lilingon sa dagat at yayakap dito.
(tulang alay sa mga Manlayuhin)