Ang Barangay Manlayo ay matatagpuan sa dalampasigan ng Ragay Gulf. Ito ay may layong 0.5 kilometro mula sa bayan ng Guinayangan, 25 kilometro mula sa bayan ng Calauag at 185 kilometro mula sa Panlalawigang Kapitolyo ng Lungsod ng Lucena.
Ito may 2,131 na mamamayan, kasama na ang mahigit tatlumpong taong naninilbihan sa baranggay sa pangunguna na pangkasalukuyang Kapitana na kagalang-galang na si
Adoracion P. Arieta.
Ito ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Calimpac.
Sa silangan naman ay ang Look ng Ragay, sa timog ay ang baranggay Poblacion, at ang hilagang bahagi naman ay ang Baranggay Calimpac. Ang kabuuhan na nasasakupan ng baranggay ay 12 hektarya at binubuo ng mga Sitio, ang Sitio Bukanan, Sito Tai-tai Beach (tama po kayo ng nasa isip kung bakit ganito ang pangalan ng sitiong ito), Sitio School Site, Sitio Gitna, Sitio New Road I (Nyurod kung banggitin ng mga lokal ),Sitio New Road II-Aqualink, at Sitio New road III-Camachile.
Ang lupa ng barangay ay mabuhangin. Hindi man lamang ito pupwedeng pagtaniman ng halaman at punong kahoy na maaring pagkunan ng karagdagang pagkakakitaan ng mga mamamayan.
Ang iba naman ay burak (swamp), lalaohan at putik, sa lubha nitong napakababa sa antas ng lebel ng dagat, ito ay pinapasok ng tubig alat mula sa Look ng Ragay tuwing taib o high tide.
Ang mga lugar na ito rin ang lubhang pinagkakagastusan ng baranggay upang tambakan ito ng mga lupang galing sa bundok, upang mapakinabangan ng maayos ng mga taga Manlayo at matayuan ng mga tahanan kagaya ng ginawa nila sa New Road kung saan naroon ang Baranggay Hall, ang Health Center, ang Basketball Court,
ang Public Toilet ng Barangay.
Dumaranas ito ng tag-ulan tuwing buwan ng Oktubre at tag-init tuwing buwan ng Abril. Ang dalawang ektaryang na nasasakupan ng School Site, 2 ektarya naman ay maputik, 4 na ektarya naman ay ang mga kabahayan at ang natitira pang apat ay mga bakawan at burak.
Dati ang Barangay Manlayo ay isa lamang punta na kanognog ng Poblacion at nasasakupan ng Baranggay Calimpac. Ang lupang kinatitirikan ng mga bahay dito noon ay pawang mga puntod, matataas na lugar at buhanginan lamang. Hindi ito maaring ariin ng pribadong tao sapagkat ang naturang lugar ay bahagi pa ng aplaya ng dagat. Sa pagdami ng mga nanininirahan, tinambakan nila ng tinambakan ang mga lalauan at putik upang mas marami pang bahay ang maaring itayo. Ayon sa matatanda, nagkamayroon ng mga pagpupulong ang mga tao dito, kasama ang mga taga-pamahalaan at ang mga kinikilalang nagmamay ari ng lupa (mga angkan ng Eliazar at Lagdameo).
Pinagusapan nila kung anong magiging kalalagyan ng mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan. Nasa panig ng mga taong Baranggay ang pamahalaan, handang ipamahagi sa kanila ang lupa. Ngunit iba ang napagkasunduan ng mga matatandang Manlayuhin at ang mga kinikilalang nagmamayari ng mga lupa. Ang magbabayad na lamang ang bawat isang pamilya ng singkweta sentimos bawat buwan bilang upa sa kinatitirikang lupa.
Noong unang panahon ito ay pinaniniwalaan ng mga mangingisdang nagmula sa Visaya ang mga unang tao sa Bayan ng Guinayangan. Sila ay nangingisda sa pamamagitan ng pagbabaklad.
Noong 1927, dalawang makabibe o mangangalakal (na ang mga gamit ay nagmula
sa lalawigan ng Cavite) ang napadpad sa lugar na ito sanhi ng pagkasira ng mga sasakyang pantawid sa Pierro Carel mula sa Aloneros patungong Ragay. Natuklasan nila na napakayaman ng lugar na ito sa lamang dagat. Palibhasa at wala pang daang panlalawigan ng panahong iyon, umuwi sila ng Cavite gamit ang kanilang palakaya upang ibalita sa kanilang mga kaanak at kababayan na may natuklasan silang napakagandang lugar na pangisdaan.
Ang mga unang tao sa Baranggay na ito ayon sa talaan ay sina Luis Diones, Pastorfide at Esteban Dualan na nagmula sa Barrio Labac, Naic Cavite.
Ngunit ayon rin naman sa matatanda, ang mga palakaya ni Marcos Manalo ang isa sa mga unang dumating dito. Bukod sa mga iba pang taga-Cavite na nagsipag-dagsaan sa lugar na ito, nahalo na rin ang iba pang mangingisdang dayo mula sa Bataan at Bicol, gayundin sa mga karatig na
barangay ng Guinayangan. Ang mga pangunahing paraan ng pangingisda ay pamamanti (lambat), na humuhuli ng mga isdang tonsoy, asohos at kabayas.
Noong taong 1951, sa pangunguna ni Tenyente Ignacio De Guzman, ang Manlayo bilang isang Kristyanong sambayanan ay nagtatag ng sariling kapilya at nahirang ang Nuestra Senora Dela Paz bilang Patrona, na hinango sa Patron ng Labac, Naic, Cavite
Dalawa ang lumalabas ng kwento ukol sa pinagmulan ng pangalan ng barangay na ito. Ang una ay
kwento na nauukol kay Marcos Manalo. Ayon sa kwento, tinanong daw ika ng mga taga Cavite kung saan dumarayo ang mga namamalakaya. “Doon po sa malayong pook na dinayo ni Manalo”, ang tugon nila, na sa kalaunan ay tinawag na Manlayo ang pamayanan ng mga mangingisda. Kinuha sa dinaglat na Pangalan ni
Manalo at ma
layong lugar.
Ang ikalawa naman ay tungkol sa isang taga Poblacion na nagtanong sa isang katutubong Bisaya kung taga-saan ang mga dayuhang mangingisda na nakikita nila sa lugar na nabanggit. Sumagot sila ng “Taga-malayong lugar po sila ng Cavite”. At mula sa katagang “Taga Malayong Lugar”, nahugot nila ang pangalang Manlayo.
ref. "Guinayangan Noon At Ngayon" by Alodio F. Molines
ref. Brgy.Manlayo, Office of the Secretary
ref. Captain Adoracion P. Arieta, Brgy.Manlayo
# by Jet Vergara - February 2, 2012 at 1:23 PM
thank you for the exceptional article about my birthplace. More power!
Jannet Jorvina Vergara