Isang masagana at mataginting na barangay ng Guinayangan. Nahahati ang lugar na ito sa dalawang anyong lupain. Ang sitio ng Ligpit kung alin may malawak at pantay na kalupaan, may masaganang ilog na bumabaybay sa kahabaan nito. Ang Sitio Bantayan sa hilaga na mabundok at may kalat kalat na burol.
Ang lipunang ito sa timog ng bayan ay binubuo ng isang libo at dalawangdaang mamamayan (1,206) ayon sa huling sensus. Mayaman ang kalupaan na natatamnan ng palay, mga punong niyog, buli at namumungang prutas. Masisipag ang mga tao na binubuo ng mga magsasakang nanggaling sa karatig na barangay at bayan.
Noong panahon na ang kalakhang lupain na nasasakop ng Brgy. Capuluan, ang Ligpit at Bantayan ay Sitio lamang ng kalapit nitong lugar na ngayon ay tinatawag na Brgy.Sintones. Tinawag na Ligpit ang pantay na kalupaan sa tabi ng ilog dahil ito ang pinagliligpitan ng mga gamit sa pangangaso ng mga Aeta-ang mga unang taong nanirahan sa sa dating madawag at masukal na kagubatan. Ang gawing mabundok at maburol na bahagi naman ang siyang tinatawag na Bantayan, kung saan naman nagbabantay ang mga Aeta-na noong unang panahon ay ilag at pilit na lumalayo sa mga taong taga patag na naninirahan sa sentro ng kabayanan.
Pagkalipas ng mahabang panahon, dumami ang mga nanirahan dito galing sa kabayanan at karatig na bayan at lalawigan. Katulad ng Batangas, Bikol at Bisaya. Natulak papalayo ang mga unang Aeta na naghahari dito sa kabundukan. Pinagyaman ng mga bagong saltang binubuo karamihan ng mga magsasaka. Hangang sa dumami na ang papulasyon ng dalawang sitio at nagdesisyon na ang mga namumuno dito na magsarili na bilang isang ganap na baryo na ngayon ay tinatawag na Brgy. Ligpit-Bantayan
ref. "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs. Alodia F.Molines