Recent Comments

Ang Mga Salak Sa Ilog

Dati rati ang buong kalupaan ng Salacan at kabundukan ng Sta.Cruz ay bahagi ng Brgy.Hinabaan. Ang mga unang tao na humawan sa kagubatan nito ay ang mga angkan nina Mariano Andaluz, Venancio at Apolinario Salumbides, Pablo Rebuelta at Atanacio Cerilla na karamihan ay nangaling sa karatig bayan ng Lopez.

Sa dami ng nagtataasan at naglalakihang puno sa kagubatan, isang lagarian ang napatayo sa lugar na ito. Ito ay pag-aari ng isang banyagang Hapones na si Yamamoto San. Mga primerang kahoy kagaya ng yakal, guijo at palosapis ang inaahon sa kagubatan na ngayoy nasasakupan ng
Brgy.Sta.Cruz. Dahil sa ubod ng tarik ng bundok na pinanggagalingan ng mga troso, nagpagawa si Yamamoto San ng tatlong “salak”(isang maliit na dam sa ilog). Lumalim ang tubig sa ilog ng Salakan at napapalutang nila ang mga troso galing sa kagubatan tungo sa lagarian. Sa kadahilanang ang daang panlalawigan noon ay lubha pang maliit at isa lamang “rough o dirt road”, ibinabalsa lamang nila ang mga kahoy sa look ng Ragay tungo kalunsuran kung saan ito ibinebenta. Nagpatayo rin si Yamamoto San ng isang Cable Bridge upang magamit na pagbaba ng mga kahoy. Gayundin ay ginagamit din ito ng mga tauhan at mga mamumutol ng kahoy sa pag-ahon at pagbaba sa kabundukan. Sa kasalukuyan ay mga bakas ng animo garrison sa dating pinaglalagyan ng makina ng dongke ang makikita sa baranggay na ito (matatagpuan sa tabi ng daan papuntang Brgy.Sta.Cruz).

Ang ilog na bumabaybay sa baryong ito ay binansagan nilang Ilog ng Salakan dahil nga sa tatlong “salak” na nasa kahabaan nito . Sa paglipas ng panahon ay nahawan na ang buong kagubatan at nagkameron na ng pagkakataon ang mga magsasaka na taniman ang kalupaan. Dito na rin nanirahan ang mga dating trabahador ng trosohan ng maubos na ang mga kahoy. Nagsunuran na rin ang iba pang mga tao sa karatig baryo at bayan hanggang sa dumami na sila at nagkameron nang munting kumonidad. Nang humiwalay na ang lugar sa Brgy. Hinabaan bilang isang ganap na baryo, pinangalangan nila itong Salakan alinsunod din sa pangalan ng ilog na nagbigay at patuloy pa rin na nagbibigay buhay sa mga naninirahan dito. Si Julian Amparo ang kauna-unahang naging Tinyente del Baryo.

Sa kasalukuyan, si G. Alberto Disuasido ang namumuno sa barangay na ito bilang Kapitan. Nagdiriwang ng kanilang kapistahan tuwing ika-18 ng Mayo bilang parangal sa kanilang mahal na patron na si San Isidro.

ref. "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs.Alodia F. Molines
ref. Mr. Aquilino Barrera

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails