Mula sa isang transistor “radio” na nakasabit malapit sa palo,
kaalinsabay ng pagsuot ng “sikwan” sa mga sirang mata ng lambat ang
tugtog na palagiang “background music” ng mga maghahayuma mula sa
“ASIN”. Sasabayan ng sipol. Nakaka”miss” ang amoy ng lambat na natuyuan
ng alabuab at ilang natuyong tinik at kaliskis. Tila halimuyak na gunita
na nakatungtong ang paa mo sa kahapon ng Manlayo. Pag gising ko kanina
ay narining ko ang kantang “Gising Na Kaibigan ko” , ako yatang ay taong
lubhang masintemyento. Pag ikot ko sa may Roxas Blvd, naamoy ko ang
tuyong lambat malapit sa yatch club, gumunita sa akin ang lumipas na
tila madali kong nahagap kung saan dapat sa alaala ko nalagak ang
kakatwang amoy na ito.
Sa musmos kong isip noon, wala akong kakayahang matanaw ang bukas na
sa ngayon ay –ito. Na kasaganaan ng pangingisda noon lahat ay mapupunta
sa wala. Sakripisyo man mo itong masasabi sa ilang naglaan ng panahon
itaguyod ang kabuhayang umaasa sa dagat. Nagugunita ko sa lumang umaga
ang lahat ay tila nakasaludo sa pagharang sa tuwid na sinag ng araw.
Pinipilit na may mapagkilanlan sa parating na Basnigan , nagbabase sa
taas ng palo at lutang ng batangan na wari sa hugis ng silweta ay
kasiguruhan na ang hinihintay na padaong ay tiyak na lamak.
Pag lingon mo sayong magkabilang balikat. Ay banaag mo ang lupon ng
mga regatona, mga magba”baggage” ,mga nagtitinda ng kakanin at mga
pangilanngilan kong kababata na may hawak na “Fishnet” . Ang ilan namay
may lukbutan na nakasuksok sa likurang bewang, tila may itinatago, sila
ang mga mag “babakaw” . Kakatwang nabuong mga lupon ng samahan na
tuwiran at di tuwirang umaasa sa darating na dadaong.
Sa ilang saglit pa ay nakakabinging sigawan ng pagmamadali sa pag
awas sa lunday na walang pagal na sa paghakot ng kaing kaing at
banye-banyerang huli ng di kalayuang basnig na tila may paparating pa.
Tirik na ang araw habang ang “magbubulong” ay tila malat na sa bigkas ng
pag-ayon sa kanyang tawad.
Sa init ng araw ay halos pumuti na ang buhanginan na lalong gumuhit
ang katas ng tumutulong likido mula sa kaing na balagwitang piningga.
Halinhinan, paro’t parito sa kamalig na ilang nanalo sa bulungan. Sa di
kalayuan ay nakaupo ako sa ilang lambat na luma na nakabalumbon sa
abandonang kamalig. Tinatanaw ang mga paggalaw na sa ngayon ay tila
malabo na muling mangyari. Sirko kabikabila kapagdaka ay tatanaw at
namamangha sa isa na namang padating na lunday na halos kakapraso na
lamang ang “baltaw” . Sa dami ng isda ay iisipin mong kahit rasyunan ng
tila tig-iisang kilo ang mamamayan ng Guinayangan ay may matitira pang
mauuwi sa tangke ng bagoongan o di kaya ay lagaan at birukan para gawing
tinapa o tuyo na lang.
Kay sarap dumapa sa amoy ng lambat, tila meron itong
aroma
na sinasabing – gunitain mo ako, tanawin mo ako sa butas ng aking mga
sirang mata, alalahanin mo ako, hindi mo man ako matanaw muli.
Pagsapit ng patanghali ay paghehele ka ng dagat amihan, muli ay amoy
na tila hihigitin ka sa antok. Maya-maya lang ay marami na kaming batang
nakahilata at tila naging “play pen” na ang lumang kamalig. Uubusin
muli ang oras makatanghalian sa kulitan at kuwentuhan ng mga kalaro ko
noon.
Sa kakatwang pangyayari malayo na ang narating ng ilang kalaro ko
sa lambat. Ilan ay pinalad mangibang bansa, ilan ay nabago ang buhay at
may mangilan ngilan ring ginusto na lamang lumagi rito.
Alas onse, daraan ang pulutong ng basnigero, abot tenga ang ngiti,
habang masusing binibilang ang mga ubeng perang papel. Habang ang ilan
ay nakapila sa mamang “Listador” ng basnig na minamando ng aking ama.
Limot ko na kanyang ngalan, pero nakarehistro pa ang mukha nya sakin.
Ang arawang
diaryo ng Basnigan.
Dividendo o
porsyento ng kanilang nabentang huli. Ilan ay nakahalukipkip tila sinusupresa ang sarili, sabik na makuha ang
diaryo.
Sa abot nga king tanaw habang nakangalumbaba sa pagitan ng balumbun ng pataw at
plumong katabi
ng lambat, lahat ay masaya, lahat ay may puwang ng ngiti. Di tulad
ngayon. Mayamaya ay babangon na ako hayon na ang kumpas ng kamay nga
king nanay – Kakain na! Hindi man namin kasabay kumain ang aking ama.
Hayun siya at nakahiga sa balkonahe, puyat sa magdamagang pangingisda.
Anong ulam? Kay dami, halos mapuno ang lamesa. May adobong pusit,
tambakol na pangat at pinesang “sigapo”. Sa gawing katabing lamesa ay
maingat na hinahati ng kapatid ko ang pakwang pulang pula at bahagya ang
buto. Sa haba ng pananghalian ko ay di ko maalala kong na galaw ko ang
pinangat dahil sa pesang sigapo ay tila di na ako magkamayaw. Pagsawsaw
ko sa tabong hinawan at sabay pahid sa laylayan ng kansulsilyo , takbo
na naman ako sa kamalig na may lambat.
Subalit di kami makapaglaro, ang basnigerong taong lambat ay
naggagayak ng paghayuma sa mga sirang lambat, ang isa ay sinabit ang
transistor na radio sa gilid habang iniikot ang talapihitan at
salimbayang lumalabas ang estasyong radio sa bikol, tila iritadong
masagap ang gustong estasyon. Halos magulat ako sa sigaw nya sa tuwa
dahil natiyempo uli siya sa Asin –Gising na kaibigan ko.
Wala
kaming magawa ng mga kalaro ko kundi tanawin ang paghayuma sa lambat.
Kay igaya nilang panoorin sa tila larong pag gawa sa habi ng lambat.
Minsan pa akoy nag pepresinta sa pag lagay ng ilang sinulid sa sikwan
para makatulong at para na rin di kami maitaboy sa pag-upo sa lambat.
Kapagdaka ay maghapunang hihilig na gawing unan ang pataw sa lambat.
Lambat na gunita na lamang ng halimuyak ng saganang kahapon.
by: Joseph Cenizal De los Reyes