Recent Comments

Dito Sa Kanto Villa Purita

Sa Kanto Villa Purita, Una, Ewan ko kung bakit tinawag na Villa Purita. Kahit ang kalsadang “New Road” ay laging “new” pa rin ang tawag kahit magsisingkwenta taon na yatang ginawa yon. Musmos pa akong bata ay Villa Purita St. na  ito. Pero sa hinuha koy wala akong nagisnang sign post kahit man lang sa kalagayang wasak na.

Nitong mga huling araw ay hindi ako masyadong magkamayaw sa dami ng gawain. Marami ko ring dapat na isulat sa wikang Ingles, pinasya kong mamahinga muna.Sa palagiang kung pakikinig sa FM radio ay napukaw minsan ako sa konteksto ng kanta ni Noel Cabangon na kasama nyang kinanta  ni Chito Miranda ng Parokya ni Edgar. “Dito sa Kanto” kahit di eksanto ang tema ng linya ay nasagi na rin sa isip ko ang kanto natin. Mas maganda na patugtugin mo siya sa kabilang “Tab” ng browser mo, habang binabasa mo ito para may “background” ka.

Di lang siguro ako ang nakakaalala sa kantong  ito. Kung pagtutuunan ko ito ng 2 oras para isulat kahit maikli ay para na rin sa madalang ng umuwi at maaring nakalimut na.

Kung mayroon mang puno o estrakturang nakatayo pa pamula noon at makakapag kwento sa lahat ng mga nangyari sa kanto, kukulangin ang reserbado kung “storage spaces” sa  blog na ito. Sa halip ay tapunan ko na lang siya ng samot sari kung alaala sa dulong kalyeng ito. Sabi ng ilang matatanda ang ilan dito sa kanto ay naging, bahay na pula “the infamous” Bamboo Inn. Naging bilyaran, Beauty Parlor, talyer, nabakante at huling alaala koy bagsakan ng lukad, bago ako umalis pa Maynila.
Kapag wala kaming eskwela, dito na ang nagisnan kong tambayan sa kakaprasong upuan na kalimitan ay basa ang ilang bahagi sa nagdaang araw na maulan. Kumpulan kaming iilan pero sa ingay ay makabinging halakhakan minsan pag-nagkatuwaang tuksuhin ang mangilan ngilang nagdaraan. Mas malakas ang tawa noon kapag si Jimmy “Aso”, si “Kawali” si “Hugo”(Adelyang Pula) at si Mely na “kulang kulang” ang mga kaawa-awang nagawi dito. Nungka na sasabihin mong bagamundo ang mga kalalakihang mapanukso noon. Marami rin ang tumambay dito na pinalad at pawang sa ibang bansa na naninirahan. Pero di ko man kinakaila meron pa ring naiwan.

Naging “gateway” ito ng paalis at padating na malimit namin ay kakilala. Mangilan ngilan ay may bitbit na pasalubong. Ilan naman ay tila hiya na malaman silang dumating, para bagang may tinataguan at nahihiyang malaman ng tao na bumalik siya.

Sa panahon ng kasiglahan ng pangingisda ay “eyewitness” din ito sa daming biyahe ng ilado na parot parito sa Malabon, Navotas at ilang karatig bayan. Kay tatag na kalsada siya namang inuyam ng laro ng tadhana na wala ng maraming biyahe ng isda. Ilan taon lang lumipas ng elementary pa ako at naging sementado na ang kalsada papasok dito. Ganon din ang new road(pero rough road) ay naging sementado na rin.

Maraming rin bukang-liwayway ang nilagi ko dito, sa tuwing hatid tanaw namin ang aming ina sa pagtitiyangge ng isda sa karatig bayang Lopez. Kung may mga mata ang Kanto Villa Purita ay namangha rin naman siya sa progreso ng Transportation mula sa panahon ng Nora and Benny Buses, Ai Ai at Superlines na dumaan sa harap niya. Ngayon ay  may dalawang malaking companya na ang AB Liner at Barney na baka malito na siya sa dami ng mga bus sa atin.

Kay rami ring hatidan sa madaling araw ng mga ilang magulang na nagpapaaral sa Maynila, puno ng pangarap na babalik minsan ang anak rin nilang matagumpay. Kasama sa buhay na ang ilan ay pinalad ilan naman ay tila napaglaruan ng biro ng tadhana. Kasama rin siguro ang Villa Purita sa ilang luha at kaway ng mga magulang hatid tanaw ang punong-punong pangarap na anak.

Ilang krimen din ang nangyare at patayan ang maaring maikwento ni Villa Purita. Sa isang madaling araw na napatay si Kuya Ato Bustamante at ang kainuman nyang si “Dako” na welder. Maaring dumaan ang mga salarin sa kanto na ito. Bakas na lang ng mga hinayang ang maari nyang naibulalas sa tuwina. Wala siyang buhay na lugar para magpahayag. Ilan ding libing ng ilang maagang pumanaw ang nasaksihan nyang ihatid. May hikbi at tangis din, hindi lang natin nadarama siguro.

Ilang pag-alis at mabilisang pagbalik ko rin ang na na-witness nya. May ilang alis at balik ko rin akong abot tenga ang ngiti. Meron din namang uwing may hikbi tila ayaw pakita sa kanya na may dalang saloobin. Salamat Noel Cabangon at Chito Miranda kahit paanoy nasagi ko sa isip at isulat siya. Pumikit ka sandali alalahanin mo siya, di mo alam may bilin siya sayo. Isa rin siya sa “Tanglaw ng Manlayo“, siguro nais niya sabihin sayo -”Ingat pag-alis mo, balik ka ha?”


Story by Nell Cenizal
republished from: Ang Tanglaw ng Manlayo

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails