Recent Comments
Kasaysayan Ng Guinayangan: Taong 1820-1845
Posted by Anonymous in kasayasayan ng guinayangan on Sunday, February 14, 2010
Pagkalipas ng limampu’t tatlong taon mula ng lisanin ng mamamayan ang Viejo Guinayangan, muling nabuhay ang abandonadong bayan sa pangunguna ng tatlong bisaya. Taong 1820 ng dumating ang tatlong bisaya . Nagsimula sila ng bagong pamumuhay sa nasabing bayan. Nagbungkal ng lupang sakahin at hinawan ang masukal na kagubatan.
Sa pagitan ng dalawampu at limang taon (1820-1845) mula ng dumating ang tatlong bisaya hanggang itatag ang Paroquia de San Luis Gonzaga nagdatingan ang mga bagong mananahan sa naulilang bayan. Ilan rin sa mga angkan ng dating mamamayan ng Viejo Guinayangan na nagsilikas tungo sa Nuevo Guinayangan alias Apad noong taong 1767-1782 ay bumalik sa bayan. Sa pagtanaw ng utang na loob dahil sa pagpapanibagong buhay ng pueblo na muntik ng mapawi sa mapa ng lalawigan ng Tayabas, hinirang na kapitan si Simeon Molines (1832). Si Kapitan Molines ang namuno sa delegasyon upang tiyakin ang tunay na hangganan ng Guinayangan. Noo’y malawak ang lupain ng pueblo, mula ilog ng Calauag hanggang sa may bundok ng cadig at sa timog naman ang ilog ng Guinhalinan.
Dati’y nasasakop ng parokaya ni San Diego de Alcala ng Gumaca ang pueblo. Sa kahilingan ng mga mamamayan, noong taong 1845, minarapat ng Obispo de Nueva Caceres na ihiwalay ang Paroquia de San Luis Gonzaga sa Gumaca. Di dapat malilimutan na bawat pueblo na itinatag ng mga Kastila ay may nakatalagang patron na kinagawiang ipagdiwang bilang Pista ng Bayan.
Sa paghiwalay ng bagong parokya, dumami ang namimintakasi at tuluyang nanirahan dito. Ang kauna-unahang paroko ay si Fray Bonifacio Esteyves ang mga anak ng tatlong Bisaya. Nangunang nagpabinyag kay Fray Esteyves ang mga anak ng tatlong bisaya, ganon din ang mga Cerilla, Reformado, Abrigo, Butardo at Salvador. Buhat naman sa sitio ng Piris, pinabinyagan din ang mga anak ng Roldan, Cayabat, Roman at Boneo. Maging mga “Catabagan” ay nakatala na bininyagan sa apelyidong “Villa”.
Mapapansing nakatala sa Libro de Bautismo Numero Uno ang apelyidong Salvador, Dela Concepcion at Dela Cruz, mga nakalista sa Padron General ng Nuevo Guianayangan alias Apad (1782) at ito’y nagpapatunay na makalipas ang 25 taon mula 1820 hanggang 1845, may bumalik na mamamayan mula sa Nuevo Guinayangan alias Apad.
-excerpt from the book "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
ref. Libro de Bautismo Numero Uno 1845-1898
This entry was posted on Sunday, February 14, 2010 at 6:55 AM and is filed under kasayasayan ng guinayangan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.