Recent Comments

September Affair

"Masipag ang mga tao, tahimik ang mamamayan, sila ay masunurin, magaganda ang kalooban
Guinayangan.........."

Mga linya po ito mula sa awiting Guinayangan na araw araw naming kinakanta  sa paaralan bilang pagpupugay sa mahal naming bayan.
Dati rati, hindi ko masyadong binibigyang pansin ang awiting ito. Basta maawit lang, okey na. Ngunit simula noong nakaraang buwan, aba!..excited na ako sa pag-awit nito.

Sabado noon. Setyembre 22. Maaga pa ay ginising na ako ng nanay ko. Pupunta daw kami sa Maynila para dumalo sa isang okasyon na gaganapin alas sais ng gabing yon. Syempre excited ako.
Pagpunta namin doon, ang haba na ng traffic sa expressway. Nate-tensyon na ang aking Ina kase mahuhuli na daw kami. Sa wakas, narating din namin ang Max's Restaurant sa Sucat, Paranaque, ang lugar ng pagdadausan ng okasyon. Pagbaba namin sa van, ang dami kong nakita mga taga Guinayangan.

Maya-maya, nagsalita na ang emcee. "Welcome to September Affair!", sabi nya. Ah 'yon pala ang okasyon. Pero ano ba yon? Mabuti ipinaliwanag nong emcee kung ano ba ang okasyong ito.

Ang September Affair pala ay isang maituturing na tradisyon ng mga taga-Guinayangan. Ito ay taunang ginagawa sa pangunguna ng Manila Group, mga taga Guinayangang naninirahan na sa Manila at mga karatig na lugar nito. Taon taon ay nagre-reunion ang mga Guinayanganin, ngunit hindi lamang para magkumustahan at magsaya. May mas malalim pala silang dahilan sa pagdiriwang nito. Ang makalikom ng pondo sa mga proyekto ng Parokya ni San Luis Gonzaga, ang aming patron.

Ang saya-saya ng okasyon. Maya-maya pa ay may tinawag na ang emcee. Iyon day ang mga officers ng Manila Group. Pinasalamatan nila ang lahat ng dumalo at sumuporta sa okasyon. Inireport nila na noong gabing yon pa lamang ay humigit na sa P200,000.00 ang nalikom nila mula sa mga dumalo. Marami pa daw ang nangakong magbibigay. Manghang-mangha ako! Wala pang limang oras ay ganon na agad kalaki ang pera? Di pala madamot ang mga kababayan ko. Bigla akong nakaramdam ng pagmamalaki.

Umuwi ako noon nang may ngiti sa mga labi at punong-puno  ng mga pangarap. Ipinangako ko sa sarili ko na mag-aaral akong mabuti at paglaki ko, maghahanap ako ng magandang trabaho, at katulad ng mga tao doon sa September Affair, ibabahagi ko rin nang buong puso sa mga kababayan ko ang anomang biyayang tatangpin ko mula sa Diyos.

by: Maybelle Gabane
from: Ang Gayang Archives June-November 2007

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails