Recent Comments
Kasaysayan Ng Guinayangan: Panahon Ng Hapon
Posted by Anonymous in kasayasayan ng guinayangan on Sunday, February 14, 2010
Nang dumating ang mga Hapones sa bayan ng Guinayangan buwan ng Pebrero 1942, ang inabutang taong gobyerno ay si Dr.Hipolito Veloso, ang doctor ng bayan. Hindi ito makatanggi ng italaga siyang Alkalde ng pamahalaang local sa ilailim ng pananakop ng Hapon. May pangambang nakiisa ang bayan sa propaganda ng Hapon, ang “Southeast Asia Co-Prosperity sphere” na ang tanging layunin ay ang “Asia para sa taga-Asia” lamang. Bumalik pansamantala ang katiwasayan sa mapagkunwaring pakikisamang ipinadama ng mga Hapones. Binuksan muli ang paaralang bayan at itinuro ang “Nipongo”.
Ang pamahalaang local ay pinangasiwaan ng “military” bagama’t may tunay punong bayang itinalaga kung kaya’t tinawag itong isang puppet government. Sa simula, naakit ang bayan sa kagandahang loob na ipinakita ng mga Hapones. Nakisama at nakiisa ang mga ito sa mga tradisyonal na gawi ng mga mamamayan. Sa katunayan, may isang magandang loob na Kapitan ng Hapones ang nagpagawa ng monemento ni Jose Rizal sa kanto ng pribadong loteng katapat ng punong akasya. Ito’y pinasinayaan nang ipagdiwang ang Rizal Day noong Disyembre 30,1942. Sangayon sa Kapitang ito ang bayan ng Guinayangan lamang ang walang monumento ng pinakadakilang bayani ng lahi. Nagingliwasang bayan ang nasabing bakanteng lote at dito ginaganap tuwing umaga ang “radio tayso” ng lahat ng kabataan ng bayan.
Umiral ang paimbabaw na kapayapaan sa bayan sa kabila ng pakikitungo ng mamamayan dahilan sa mga “Kempetai” at “Sakdalista”. Walang pasubaling hinuli ang mga pinaghihinalaan at walang awang pinahirapan at ang iba pa’y pinapagpapatay. Ilan sa mga kilalang tao ng bayan ang dumanas ng ganitong pahirap sa kamay ng mga “Kempetai” dahil sa pagsuplong ng mga “Ganap”. Ang mga sawimpalad na unang namatay ay sina Major Avelino Villafria ng Philippine Army, si Luis (Nitoy) Lagdameo at Ramon Reformado, pawang mga tubong Guinayangan.
Samantala, lihim na kumalat ang kilusang gerilya bilang pasalungat sa pananakop at pagmamalupit ng mga Hapones. Nagbitiw si Hipolito Veloso bilang Alkalde at idinahilan ang suliraning kalusugan ng katawan.
Hinirang na military si G.Victoriano Alejar, bilang kapalit ni Dr.Hipolito Veloso. Siya ang kinilalang Alkalde ng bayan nang itinatag na “Puppet Republic” ng Pilipinas noong 1943.
Si Hen. Natividad Matta Kilala sa tawag na "Tanda" at ang lider ng lihim na kilusang girelya laban sa mga Hapon
Matta’s Unit Bicol Brigade.
Sa pagsiklab ng digmaan sa Pasipiko nagsilikas ang mga mamamyan sa kabundukan upang umiwas sa pananakop ng Hapones. Si Heneral Matta , kilala sa tawag na “Tanda” ang pangunahing tauhan ng kilusang lihim o gerilya. Hindi pa sumusuko ang Bataan, naitatag na ni Tanda ang Matta’s Unit sa Kinatakutan noong ika-2 ng Abril taong 1942. Pangunahing sumapi sa kilusan ang kanyang mga malalapit na kamag-anak at mga kanayon sa masidhing layuning huwag pasakop sa mga Hapones ganon din nang upang ipagtanggol ang mga kababayan sa mga nanunulisang pangkat ng Martin Habagat. Nakalikom ng sandata ang mga gerilya sa pananambang ng tren na may lulang kawal ng mga Hapones. Dahilan sa malimit na labanan iniwasan ng mga Hapones ang nayon pagkat ayon sa kanila ito ay pinananahanan ng mga “Dorobo”.
Si "Lolo Islaw" Apo ni Kapitan Simeon Molines at ang gumamot ng mga sugat ni Hen.Matta
Isang araw, binigla na lamang ang nayong pinagkukutaan ng Matta’s Unit sa pagsalakay ng napakaraming kawal na Hapon. Sinamang palad na mahuli si Tanda, kasama ang anim na tauhan niya. Pinahirapan sa saksak ng bayoneta ang kawawang mga gerilya hanggang sa mamatay. Kung sino ang mga nagkanulo sa mga Hapones kay Tanda ay walang nakaaalamSinaksak ng maraming ulit ang matanda, na bagamat duguan na ay hindi nawalan ng ulirat. Natigil lamang ang paghihirap ng magkunwaring patay na ito. Sa pag-aakala ng mga kawal na Hapon na siya ay patay na at hindi na humihinga, siya ay inihulog sa ilog ng Kinatakutan. Nang makaalis na ang mga kawal na Hapon, dahan-dahang gumapang sa pampang ang matanda patungo sa mga kabahayan. Narating nito ang kubo ng tauhan ni Col.Peping Reformado. Dito siya unang nilapatan ng lunas at noon ding gabing yaon, pinasundo ni Col.Peping Reformado sis a Guinayangan ang Lolo Islaw, apo ni Kapitan Simeon Molines upang gamutin ang malalim na sugat. Nakaligtas si Tanda sa kuko ng kamatayan na ayon sa sabi-sabi ng matatanda ng nayon ay dala ng taglay na anting-anting.
Ang malagim na sinapit ni Tanda sa kamay ng mga Hapones ang nagpaigting ng poot ng mga gerilya. Lumaganp ang kilusan sa bayan ng Guinayangan, Tagkawayan at Ragay. Halos lahat ng mamamayan ay lihim na sumapi sa kilusang pinamumunuan ng mabait ngunit may dalang tapang na Heneral.
Upang ipadama ang poot sa kapuwa Pilipinong nagkanulo sa matanda, nawawala na lamang sukat ang mapatunayangn “Makapili” o “Ganap”. Hindi na makapagpatrolya ang mga Hapones sa labas ng bayan, pati sila ay tinatambangan sa daan pa lamang. Iniwan ng mga Hapones ang garrison sa Guinayangan sa di malamang dahilan. Lumitaw naman sa kabayanan ang mga kasapi sa Matta’s Unit. Ang akala ng lahat ay “peacetime” na kahit hindi pa dumarating ang pwersa ni McArthur sa Pilipinas. Nagulantang ang mga gerilya isang umaga ng Mayo taong 1944 ng pagsalikupan ang bayan ng mga kawal na Hapon. Walang awang pinaghuhuli lahat ang mga lalaki, bata man o matanda.
Isa sa nahuli si Mang Ago Castillo na siyang nagsalaysay ng pangyayari. Gapos silang dinala sa harapan ng munisipyo. Walang nagawa ang mga matanda kundi umusal ng panalangin sanay lumabas si Pando na isang Makapili. Kung anong himala, biglang bumukas ang pinto at lumabas si Pando, at ng makita si Mang Ago ay sinabing “Good civilian ito!”. Pinakawalan siya ng mga kawal. Walang lingon lingon na umuwi sa kanilang taguan na kakaba-kaba pa rin ang kalooban sa pag-aalala kung ano ang kasasapitan ng naiwang bihag.
Si “Vacio” ay pinakahuli sa hanay ng mga bihag na papatayin. Pinaluluhod na isa isa at sinasaksak sa bungangan nga bayoneta. Nang malapit na kay VAcio, ipinasiya niyang isugal ang kanyang buhay at tumakbong paliko-liko hanggang makarating sa bundok. Dalawampu’t anim ang mga bangkay na naiwan sa harapan ng pamahalaang bayan. Sa isang malalim na hukay sila inilibing ng mga gerilya. Sila ang mga nagbuwis ng buhay ng walang kalaban laban dahil sa pagkakanulo ng isang kababayan.
Buong ingay na binantayan ng mga gerilya ang bayan. Hindi tinutulang makabalik pa ang mga Hapones hanggang sa pagdatng ng pwersang Amerikano sa dalampasigan ng Leyte noong Oktubre 20,1944.
Kumalat ang balita sa buong kapuluan ang pagbabalik ni Gen.McArthur at ng buong Hukbong Mapagpalaya sa Leyte ng sumapit ang ika-20 ng Oktubre, taong 1944. Pinangasiwaan ng Matta’s Unit, Bicol Brigade ang kaayusan ng mga pamayanan sag awing Tagkawayan at Cmarines Sur Ang Bundoc Peninsula, kasama ang Guianyangan at napailalin sa pangangasiwa ni Hen. G. Vera, isang lider ng kilusan sa karatig bayan ng Lopez.
Upang maging maayos ang bayan sa pagdating ng “Liberation Forces” itinalaga ni Gen, Vera si G. Timoteo Ramos na mangasiwa sa bayan. Lubusang nagwakas ang digmaan sa pagsuko ng mga Hapon at ng lagdaan ang kasunduan ng kapayapaan noong Setyembre 2, 1945. Pinabalik ng “Philippine Civil Affairs Unit” (PICAU) ang mga nahalal na opisyal ng bayan noong 1941 sa mga pamahalaang nasyonal at local. Sapagkat nangibang bayan na si Dr. Lazaro Tayag, hinirang ng PICAU si Atty. Vicente M.Salumbides bilang Alkalde. Subalit dala ng mahigpit na pangangailangan, naatasan muli si Atty. Salumbides na maging “Juez de Paz” ng Tagkawayan.
Inihanda na ng bayan sa pagsasarili ng pangako ng Amerika. Muling nagtalaga ang PICAU ng bagong Alkalde. Siya’s si G. Guillermo Garcia, ang anak ni Don Rodrigo Garcia at may-ari ng bagong bukas na paaralang sekundarya, ang Guinayangan Academy. Nanungkulan si G. Guellermo Garcia ng buong katapatan hanggang sa maidaos ang unang halalan sa ilalim ng bagong Republika ng Pilipinas.
-excerpt from the book "Guinayangan Noon At Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
ref. Municipal Secretary, Records and Files
ref. Philippine History by Zaide
This entry was posted on Sunday, February 14, 2010 at 6:55 AM and is filed under kasayasayan ng guinayangan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.