Recent Comments
Kasaysayan Ng Guinayangan: Ang Kalilayan
Posted by Anonymous in kasayasayan ng guinayangan on Sunday, February 14, 2010
Sang-ayon sa mga kasaysayang aklat, daantaon bago makarating ang pangkat ni Ferdinand Magellan (1521) sa Homonhon, ang kapuluan ay pinamamayanan ng mga taong kayumanggi ang kulay, na nagmula sa Timog-Silangang Asya. Dumating buhat sa Borneo ang pangkat ni Datu Puti, kasama’y sampung datu na sakay sa mga “balangay”. Dalawang Datu, sina Datu Balkasusa at Datu dumangsil ang nagpaiwan sa Balayan Batangas, kasama ang kanilang mga angkan. Ang mga “inanak” nila ay lumago at kumalat sa katimugang Luzon at nagtayo ng kani-kaniyang pamayanan sa mga baybaying dagat malapit sa mga bunganga ng ilog. Sila ang pinagmulan ng lahing Tagalog, kinuha sa salitang “Taga-ilog”.
Nang galugarin ni Juan de Salcedo (1571-1572) ang naturang pook, natagpuan niya ang mga “balangay” ng mga taga-ilog sa timog Luzon. Pananakop ang tunay na dahilan ni Juan Salcedo sa paggalugad niya, kung kaya ang bawat balangay na matagpuan niya ay tinawag niyang pueblo at itinatag kaagad ang pamumunuan ng mga ito sa ilalim ng Espanya. Buhat sa lalawigan ng Laguna ang pangkat ni Juan Salcedo ay bumagtas sa Sierra Madre at natagpuan ang mga pamayanan sa hilaga tulad ng Casiguran, Baler at Polillo hangang matating nila ang Lamon Bay tungong Camarines. Hindi dapat malimutan na kaalinsabay sa pananakop ang pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristyanismo, kung kaya’t sa bawa’t pueblong masakop ay kaagad-agad na may mga misyonerong fraile na itinatalaga upang magturo at magbinyag sa mga katutubong mamamayan sa Katolismo.
Noon ang Kalilayan (Tayabas-Quezon) na pinakamahabang probinsya ay sakop ng Nueva Ecija, Laguna at Batangas (1571). Taong 1585 nang ang gitna at timugang bahagi nito ay nasakop ng Bonbon ‘o Balayan (Batangas) habang ang hilagang bahagi’y nahati sa Laguna at Nueva Ecija. Noong taong 1591,itinalaga ang mga pueblo sa Bondoc Peninsula tulad ng Pitogo, Macalelon, Catanauan, Mulanay at ang Guinayangan. Unisan ang kabisera ng lalawigan.
Noong 1609, tumindi ang pananalakay ng mga Moro sa mga pueblong malapit sa mga bayabaying dagat. Ang mga mamamayan ng kabisera ay lumikas tungong Pagbilao. Subalit sa pag-usad ng panahon nagpatuloy ang pananalakay ng mga Moro kung kaya’t lumikas ang mga mamamayan tungo sa mga pueblong malapit sa bundok Banahaw tulad ng Tayabas, Tiaong, Sariaya at Candelaria.
Noong taong 1749 inilipat ang kabisera ng Kalilayan sa pueblo ng Tayabas dahil sa paulit-ulit na pananalakay ng mga Moro sa mga pueblo sa baybaying dagat at buhat noo’y tinawag na Tayabas ang lalawigan ng Kalilayan.
-ref. The Philippine History by Zaide
-ref. Inside the Philippines by Cosme Garcia
This entry was posted on Sunday, February 14, 2010 at 6:56 AM and is filed under kasayasayan ng guinayangan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.