Mga buhanginang dati'y dinarayo
Ngayo'y walang sigla parang nanlulumo,
Ang ganda ng dagat hindi nagpabago
Sa dalampasigang naiba ang anyo.
Ito ang larawan ng dating aplaya
Sa baybaying dagat ng bayan kong sinta
Maputing buhangin, ngayo’y nasaan na?
Ang mga batuhang dati’y nakapila?
Paglipas ng taon maraming nabago
Isang ebolusyon na tinatanggap ko
Sayang nga lang dahil mga bagong tao
Ay di inabutan dating paraiso.
Babalik pa kaya magandang tanawin?
Ang dating aplaya at puting buhangin?
Kabayan ko kaya’y meron ding panimdim
Bayang sinilangan bibigyan ng pansin?
Kahit papaano merong pagsisikap
Mga opisyales nama’y masisipag
Taongbayan sana ay makibalikat
Upang pagkasira ay di na lumawak.
Kung ang tao lamang ay bibigyang pansin
Ang dalampasigang may pinong buhangin
At ang ganda nito'y pananatilihin
Mandi'y magbabalik magandang tanawin.
Isinulat ni: Gng.Marianita R. Ilao