Recent Comments
Mazapan (Yema) Cubes
Posted by Anonymous in one barangay one product on Tuesday, March 9, 2010
Ang yema ng taon, Yema Cubes. Lahat yata na ng bayan sa buong Pilipinas mayroong gumagawa nito. Bakit naman hindi, ito na yata ang pumalit sa lahat ng imported at local na kendi na gustong-gusto ng bawat Pilipino sa loob o sa labas ng Pilipinas.
Ano bang laman nito at nagustuhan ito ng mga dila ng tao. Hindi nga naman nakakasawang ngatain. Anopa’t talaga namang likas sa mga Pilipino ang hilig sa pagkaing matatamis, kahit sa mga lutuing hindi likas na nilalagyan ng asukal, kapag ginawang “sweet version” hit na agad ito. Sino ba namang Pilipino ang hindi makakatanggi sa matamis na spaghetti, sa matamis na adobo, sa matatamis na kakanin na pinaglalawayan ng mga kababayan natin na nagtratrabaho sa ibang bansa. Kaya hindi natin maitatanggi na may likas na pang-akit ang yemang ito sa atin.
Ika nga ng mga naadik sa kending ito..
* ”Kesehodang matanggal na ang braces ko, magdikitan man sa mga gilagid ko, kahit matanggal pa ang lahat ng ngipin ko, hindi ko magawang tigilan ang pag-ngata ng yemang yan!”.-isang kolehiyalang naka-brace.
* ” This is my cheap thrill! yema cubes na matigas. it's a bit different from the usual yema, matigas nga kasi sya tapos chewy. tipong caramel ba? ayun! super love ko na. Tinitinda sa tapat ng school naming, dito nauubos ang baon ko!” –high school student na sampung piso lang ang baon.
Dito sa Guinayangan, may isang sikat na gumagawa ng yemang ito. Ang Jumong's Special Yema Cube na matatagpuan sa Brgy.Dancalan Caimawan, mga tatlong kilometro ang layo mula sa poblacion. Ika nga ng may-ari na si Gng. Tetay Dante, “Malaki ang naging tulong ng yemang ito hindi lamang sa aking pamilya kundi sa mga kabaranggay ko”. Dati kase inaangkat lang niya ang kanyang produkto sa Batanggas kung saan ang kanyang kamag-anak ay may malaking pagawaan ng yema. Ang unang plano niya ay maging isa lamang supplier sa maliliit na mga tindahan ng Guinayangan, makadagdag lamang ng kita kasama nang kaniyang asawa na isang kagawad sa kanilang baranggay.
Kwento pa niya..”Buti na lamang at nagtiwala agad sa akin si Tita Gina Beco (isa sa may-ari ng malaking grocery sa bayan) na kahit bago lamang ang inaalok kong paninda dito sa Guinayangan, hindi sya nagdalawang isip na ialok ito sa kanyang mga parokyano”. Ang hindi niya inaasahan kagaya sa ibang lugar ng Pilipinas, naging hit ang yema niya. “Dumating ang time na hindi na kaya akong suplayan ng Tiyo ko sa laki ng naging demand, at itinulak na niya ako na magtayo na ng sariling pagawaan ng yema”…dugtong paniya.
Patuloy pa niya..”Sa totoo lang maliit lang naman ang puhunan sa ganitong negosyo. Handa ka nga lang tumutok sa mga trabahador mo para maalagaan ang "quality" ng produkto.” “Madali lang naman gawin ang mismong yema, pero nangailangan pa rin akong kumuha ng dalawang trabahador galing sa Batanggas para turuan ako at ang mga magiging tauhan ko nang tamang proseso”….dugtong pa niya.
Maganda ang naging “impact” ng “backyard industry” na ito sa maliit na baryo ng Dangkalan Caimawan. Nangailangan kase si Gng.Tetay ng mahigit 30 mangagawa. Nadagdagan tuloy ang kita ng kanyang mga kabaranggay dahil sila na mismo ang kinuha bilang taga-luto at taga balot ng yema. Noong kaseng nakaraang taon ng pumasok ang undas at pasko, ito halos ang nginunguya at sinipsip ng bibig ng mga Guinayanganin araw-araw. Kwento pa nga ni Gng. Raisa Macalintal ng Babilonia Pharmacy…. ”Sampung libong pisong halaga ng yema ang naibebenta ko sa loob lamang ng isang lingo!." Ang iba kase nating mga kababayan na may mga kamag-anak sa ibang bansa ay nagpapadala rin ng yema. Maipagmamalaki pa rin kase ng mga taga-Guinayangan ang napakasarap na yema dahil sa gawa ito mismo sa bayan natin.
Patuloy pa rin naman ang pag-gawa ng yema sa munting baranggay. Ngunit gaya ng ibang mga produktong kinabaliwan ng mga tao sa maigsing panahon, unti-unti ng nabawasan ang pagkahilig nila dito. Pahabol pa ni Gng. Tetay,.”Swerte ko nga kase nauna ako at nakaranas ako ng “boom” sa negosyo ko, bago pa bumalik uli sa normal at mas “moderate” na bentahan”. Mayroon na kaseng ibang mga taga-Guinayangan na gumagawa nito, at inamin niya sa amin, hindi niya kayang makipagsabayan sa mas mababang presyo na inaalok ng kalaban. Pagtatanggol pa niya..”Hindi ko kase kayang ibaba ang kalidad ng produkto ko para lang ibaba ang presyo, sila kase mas mababang kalidad ng gatas ang ginagamit bilang pangunahing sangkap sa pagluluto ng yema, at yun ang hindi ko kayang ikunsidera”. “Kahit paano marami pa ring tumataguyod sa yema ko, sila yung mga unang nasiyahan sa aking produkto at nagtitiwala sa kalidad nito.” Pahabol pa niya.
Si Jumong (anak ng may-ari), habang natutulog.
This entry was posted on Tuesday, March 9, 2010 at 12:43 AM and is filed under one barangay one product. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.