Naranasan mo na ba ang mabalian o mapilayan, o dili kaya nama'y mausog o magkaroon ng uyag?
Diyan magaling si Lola Beata Albindo. Sa edad niyang 75, bakas pa rin ang kaniyang kaliksan ng kanyang katawan at bakas ng kagandahan ng kanyang kabataan.
Halos sa kanya pumupunta ang mga nababalian at napipilayan. Bata man o matanda. mayaman man o mahirap. Dahil sa kanyang angking kagalingan sa paghihilot, nabantog siya hindi lamang sa ating bayan kundi sa ibang lugar na rin. Gamit ang bilog na bubog at dahon ng saging, madali niyang nahahanap ang parteng "pita" o may bali. Minana pa raw niya ang ganitong uri ng paghihilot sa kanyang lola.
Hindi biro ang mapilayan subalit dahil sa maingat niyang paghaplos at paghilot sa parteng nabalian, tiyak na ang kapalit na kaginhawaan. Ilang araw lang at gagaling na at mawawala na ang iyong karamdaman. Matagal na panahon na ang nakakalipas buhat ng magsimula siyang maghilot. Marahil hanggang doon na lamang ang itinakdang panahon upang siya ay makapaglingkod sa kanyang mga kababayan.
Matagal na rin na wala sa atin si Lola Beata ngunit hindi natin maitatanggi na naging katuwang siya sa pagsusulong ng isa sa bahagi ng ating kinagisnang kultura. Ang Paghihilot.
Inilathala sa pahayagang Ang Gayang TOMO 11 Blg.1