Recent Comments

Kalimbahing Pakpak

Ang Barangay Calimpac. Ang baryo na umuukupa ng halos lahat ng kapatagang nasa kanluran at hilagang bahagi ng kabayanan. Ang may pinakamaraming naninirahang mamamayan at may pinakamalawak na nasasakupang lupa sa bayan ng Guinayangan . Sa laki ng baranggay sa lahat halos ng aspeto, nahihigitan pa nito ang nalilikom na perang galing sa buwis ng kahit alin mang malalaking baranggay na karatig nito. Tinaguriang “suburban baranggay” sa kadahilanang ang halos ng mga empleyado ng pamahalaan na nasa Baranggay Poblacion at ang mga mamayan ng Guinayangan na nabibilang sa “middle at upper income family” ay dito sa baryong ito naninirahan.

Noong unang panahon, malawak na bahagi ng Kalimpak ay dating nasasakupan ng asyenda ni Don Francisco Garcia at Donia Paula Matta. Ang ibang bahagi nito ay pag-aari ng mg Lagdameo at Isaac. Ang iba pang bukirin ay pinaghati-hatian ng mga angkan ng Mercurio, Esguera, Seguerra, Arania at Villafuerte.Sa kasalukuyan ang asyenda na pag-aari ni G. Emiliano Biscocho ay ginawa ng mga subdivision, ito ay ang Josephine Subdivision at Casa del Nino. Dito rin makikita ang mga pinaka magagarang bahay ng mga taga-Guinayangan . At ang iba pang lupa na pag-aari ng ibang angkan ay ibinibenta o naibenta na sa mga taong naninirahan dito.

Ang dating ikinabubuhay ng mga mamamayan dito ay ang pangingisda at pagsasaka. Ngunit sa ngayon kalahati ng mga nakatira ay nabubuhay sa pangangalakal o pagnenegosyo. Karamihan din ay nasa ibang bansa bilang Overseas Filipino Workers na nagpapadala ng dolyar na nagpapa-angat sa kanilang pamumuhay.

Dahilan sa pangmatagalang plano ng pamahalaang bayan ng Guinayangan na ilipat dito ang bagong sentro ng pamamahala, unti unti itong nagiging makabago. Dito matatagpuan ang isang modernong Pamilihang Bayan ng Guinayangan na karugtong ng isang Transportation Hub. Ang Hub na ito ang nagsisilbing terminal ng mga sasakyang pumapasada sa malalayo at malalapit na barangay na nasasakupan ng bayan. Ito rin ang pinagmumulan ng dalawang malalaking Bus Liner (AB Liner at ang P&O/Barney Lines) patungo sa ibang panig ng Timog Katagalugan at Kalakhang Maynila. Gayundin ay nailipat na rin dito ang iba pang mga local na sangay ng pamahalaan kagaya ng Guinayangan Water District, ang Health Center na may bago at modernong gusali, at ang Municipal Post Office.

Sa kadahilanang ang Guinayangan ay binaybay ng Philippine Fault System, isang sangay ng Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology ang naipatayo sa katabi ng gusali ng Association of Barangay Captain. Bagamat ang Municipal Cemetery na nasa Kalye Paalam ay halos nasa sentro na ng bayan ito ay nasasakupan pa rin ng Barangay Calimpac.

Nagiging paborito rin itong lugar upang tayuan ng mga pribadong mangangalakal at institusyon. Narito na rin ang dalawang Learning Center at Vocational Course School (TESDA), ang G-Sister Learning Institute of Technology na nasa tabi ng Bagong Pamilihang Bayan at ang Guinayangan Institute of Technology na nasa loob ng bakuran ng Pamahalaan ng Barangay Calimpac Complex. Ang mga bahay sambahan ng mga ibat-ibang sekta ay matatagpuan din sa lupa na na nasasakupan ng baranggay. Ito ay ang Iglesia Ni Cristo, ang Jehova’s Witness , at dalawang Church Ministry, bukod pa sa isang kapilya ng Katoliko Romano. Narito rin ang tanggapan ng QUEZELCO I at ang Cell Site ng Smart communication na nasa may likurang bahagi ng Guinayangan Academy. Isang modernong Gasoline Station ng Caltex, isang Traveller’s Lodge , mga maliliit at malalaking tindahan na nakahanay sa Provicial Road, at isang napakalaking Terminal at Maintenance Center ng P&O (Barney).

Ang pinakamalaking paaralang pangsekundarya ng Guinayangan ay nasasakupan din ng barangay na ito. Ang Guinayangan National High School ay naitayo sa lupang donasyon na pag-aari ni Sra. Maria Lagdameo-Eleazar. Ang lupa naman na kinatatayuan ng Medicare and Community Hospital ay Donasyon ni G.Biscocho.

Ang pangalan ng barangay ay nagmula pa sa kwento ng mga unang taong naninirahan dito. Noong unang panahon ang Calimpak ay pinalilibutan ng kakahuyan na pinaninirahan ng iba’t ibang uri ng ibon. Ang kwento noon na napasalin-salin sa mga bibig ng mga matatanda, may isang ibong kalimbahin ang pakpak na nagpupugad sa naturang kakahuyan. Hinango dito ang pangalang Kalimpak sa salitang kalimbahin at pakpak.

Ipagdiriwang ng Brgy.Calimpac ang kanilang kapistahan ngayong ika-25 ng Abril para sa taong pangkasalukuyan, ito ay papatak sa araw ng Linggo.






ref. Marwin Tumbocon, acting Treasurer-Brgy.Calimpac
ref. Alodia F. Molines, Author of "Guinayangan Noon AT Ngayon"

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails