Sa isang bahagi ng kalupaan na nasasakupan ng Gapas ay nagbukas ng lilinangin ang magbayaw na sina Florentino Butardo at Ramon Zarcilla. Nakita nila ang hangganan ng ilog sa timog hilaga ng Gapas. Ito ay pinagyaman nila at dito na nanirahan si Florentino kasama ang kanyang may bahay. Nagkaanak sila ng limang lalake, ito ay sina Felix, Pedro, Manuel, Sixto at Juana.
Ang pangalang Balinarin ay hinango ng mga sinaunang taong naninirahan dito sa salitang 

"balagbag na rin" sa kadahilanang ang bundok na naghahari sa lugar na nabanggit ay nakabalagbag. Nang dumami at lumaki ang papulasyon, naisipan nila na humiwalay na sa Brgy,Gapas na nakakasakop dito. Itinalaga nila si Juana Butardo bilang kauna-unahang Tinyente del Baryo.
Sa ngayon ang Baranggay Balinarin ay isang munting baranggay na pinaghahanggananan  ng Brgy.Gapas at Brgy.Hinabaan. Kasama ang kalupaan nito sa mga  binabaybay ng daang panlalawigan tungo sa kalapit na bayan ng Calauag.  Pagsasaka at pagkokopras ang mga pangunahing ikinabubuhay ng mga  mamamayan dito.
Isang dekada na ang nakakalipas ng mabuksan ang isang Resort sa ilog ng  
Balinarin. Dati  ng kilala ang ilog na bumabaybay sa baranggay na ito bilang paliguan at  piknikan ng mga taga bayan. Tuwing tag-init at bakasyon ay dinadayo ang  isang talon sa dulo ng tipas bilang paliguan. Kailangan mo pang baybayin  ang tabing ilog at masusukal na gubat upang marating ang natatagong  paraisong. Dahil sa layo nito sa daang panlalawigan, halos mga  kabataan lamang ang nakakarating. Dito naisipan ng konseho ng baranggay  na magtayo ng isang Resort na malapit na maaring marating ng sasakyan. At nag-umpisa ng makilala ang baranggay na ito hindi lang sa  buong bayan ng Guinayangan kundi pati na rin sa karatig na bayan bilang isa sa pangunahing atraksyon sa turismo.
Ref: "Guinayangan Noon At Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
 
# by Taga Guinayangan - April 14, 2010 at 11:10 AM 
...kaya pala balinarin, at ang bundok na naka balagbag na yun ang dahilan kaya may zigzag sa lugar