Recent Comments

The First Post: Guinayangan Quezon



Ang Bayan ng Guinayangan ay isa sa mga bayan ng lalawigan ng Quezon na dating Tayabas. Ayon sa senso noong 2000, ito ay may populasyon na 37,1648 katao sa 7,390 na kabahayan. Ang bayang ito ay matatagpuan sa dulong timog ng lalawigan . Kabilang sa ika-apat na uri, ayon sa bagong klasipikasyon ng mga bayan, ang Guinayangan ay may lawak na 22,880 ektarya, humigit kumulang at pinaninirahan ng mahigit 37,000 mamamayan, sang ayon sa pinakabagong sensus. Bisaya, Tagalog, Bikolano, Ilokano, Pampanguenio at mga katutubong katabangan ang pinggagalingan ng mga tao dito.




Ang Guinayangan ay may layong 255 kilometro mula lunsod ng Maynila, kung lalakbayin ng SLEX. Mararating din ang bayang ito sa pamamagitan ng sasakyang dagat dahil sa ito ay nasa baybay ng look Ragay, sa katunayan, noong walang pang daang bakal mula sa Aloneros, isang baranggay ng sakop ng Guinayangan na nadadaanan ng daang bakal, ang mga taga rito ay lumuluwas sa pamamagitan ng bapor, sapagkat noon ay may daungan dito. Malayang makararating dito ang mga Bikolano, Bisaya at iba pang mga kababayan sa pamamagitan ng paglalakbay dagat.






Ang Kasaysayan ng Bayan Ng Guinayangan
Ayon sa kasulatang hango sa Expediente a Conulta En Que de Los Moros Han Destinado El Pueblo Guinayangan1769, National Archives, Bureau of Records, Manila at gayon din sa mga salaysay ng mga katutubong mamamayan. Walang nakuhang tiyak na petsa sa pagkakatatag ng Pueblo de Guinayangan. Gayon man nasasabi sa nabanggit na kasulatan at kalakip nitong mapa na ang Guinayangan ay nasa bungad ng ilog Cabibihan. Ang bayang ito ay nilusob ng maga piratang moro na lulan ng tatlumpo at dalawang bangka noong 1769. Lumaban ang mga mamamayan at tumagal ang labanan ng talong araw. Mapipigilan sana ang mga mamamayan kundi dumating ang saklolo buhat sa Gumaca at Atimonan. Ang mga mamayan at inatasan ng Alkalde Mayor na lumikas muna sa Gumaca, subalit ang utos naman ng Senior Obispo Antonio de Luna sa kanola ay humanap na lamang ng bagong pook na pagtatayuan ng kanilang pamayanan. Sila ay tumongo sa dakong ilaya ng kabibihan at itinayo ang Nuevo Guinayangan sa Sitio Apad ng ng visita ng Vinas. Samakatuwid, ang bayan ng Guinayangan ay natatag ng mga taong 1600 at 1700 a.d..




Ang mga nagsilipat na mga mamamayan ng “Viejo Guinayangan” ay nanatili pa sa Apad sang-ayon sa mga tala ng “Expediente a Representacion de Lumas para La Defensa de los Enemegos Moros” hanggang taong 1782. Ang mga iyon ay patuloy na binabagabag ng mga pirata kaya patuloy naman ang paghingi nila ng tulong sa armas sapagkat sang-ayon sa kanila, ang armas nilang pana lamang ay hindi sapat upang iharap sa mga kaaway. Ayon sa mga tala, ang mga mamamayan na nagbabayad ng buwis sa Pamahalaang Kastila ay may bilang na 761 na pinamumunuan ng isang “Cabesa Benito Solano”. May paniwala ang nagsaliksik ng kasaysayang ito na ang mga nagsilikas na mga mamamayan ay hindi na nagsibalik pa sa Viejo Guinayangan at kung mayroon man ay iilan na. Hindi na sila natipon muli dahil sa pagtatago nila sa mga mandarambong at mga mamamatay-taong mga moro.



Ang mga unang nanirahan sa naiwang “Viejo Guinayangan” ay nagbuhat sa Samar. Sila ay dumating dito noong taong 1820. Sila ay mga magkakamag-anak na galing sa mga angkan ng Tupas, Matta at Molines. Nang panahong yaon, dumating sila sa pook na ito ay may naninirahan na ngunit malawak pa ang kagubatan. Napag-alaman nila na sagana ito sa mga lamang-dagat na hinahanap nila tulad ng “Tropang”. Ang mga Tupas at Matta ay nagbukas ng kagubatan sa kaibayong dagat ng Ragay. Ang mga pook na iyon ay tinawag ngayong Barangay Kinatakutan at Barangay Laurel. Ang mga Molines naman ay sa Viejo Guinayangan nagbukas ng kabukiran. Nagsipagsunod sa kanila ang iba pang mga angkan buhat sa Bisaya tulad ng Cerilla, Reformado, Araña, Butardo, at iba pa. Kinilala nilang lider ang mga naunang angkang dumating dito.



Noong taong 1862, muling sinalakay ang pook na ito ng mga Moro. Hindi nagtagumpay ang mga Moro sapagkat matatag na ang tanggulan ng mga mamamayan. Sakay sa kanilang bangka, pumasok ang mga mamamayan sa isang ilog na noon ay wala pang pangalan, upang magpahabol sa mga Moro. Natakot sumunod ang mga Moro kaya mula noon ang ilog sa pook na iyo ay tinawag na Kinatakutan. Malimit ang pagsalakay ng mga Moro hanggang sa minsan ay naitaboy ang mga naninirahan dito sa ilaya ng Cabibihan. Nagtatag din sila ng isang sitio doon. Naging matahimik ang pamayanan at dumami ang mga naninirahan doon.

Sa pamumuno ng Capitan Simeon Molines, noong taong 1832, nagkaroon ng isang delegasyon ang mga mamamayang iyon sa Alkalde Mayor ng Tayabas upang hingin ang opisyal na pahayag ng huli tungkol sa hangganan ng Guinayangan. Sang-ayon sa pahayag, sa Hilaga ang Ilog sumulong ang naghihiwalay sa bayang ito at sa bayan ng Calauag. Ang ilog ng Guinayangan ang hangganan sa Silangan at ang bundok ng Cadig sa Kanluran.




Nagkaroon din ng sariling parokya ang bayang ito na tinawag na “Paroquia de San Luis Gonzaga” sapagkat ang napiling patron ay si San Luis Gonzaga. Ipinagdiriwang ang kapistahan sa bayang ito tuwing ika-21 ng Hunyo. Si Padre Bonifacio Estevez ang unag Kura Paroko sa parokyang ito.
Ang ngalang Guinayangan ay galing sa salitang ‘GAYANG”. Ito ang tawag ng mga katutubong Aeta sa isang uri ng lason na galing sa isang uri ng halaman. Ipinapahid ng mga Aeta ang Gayang sa dulo ng pana o sibat na kanilang ginagamit sa pakikidigma. Isang araw habang ang mga “settlers” ay naglalagay ng Gayang sa kanilang pana ay dumating ang mga misyonerong Kastila upang maghasik ng Kristiyanismo. Itinanong ng mga misyonero sa mga tao, sa wikang Kastila kung ano ang pangalan ng pook. Hindi iyon maunawaan ng mga tao. Akala nila ay itinatanong ng mga misyonero kung ano ang kanilang hawak at saka sumagot ang isa sa kanila ng “GINAYANGAN”, na ang ibig sabihin ay pana na nilagyan ng Gayang. Paulit-ulit na sinambit ng prayle ang Guinayangan, ang dinalang pangalan ng itinatag na pueblo simula taong 1700. Palibhasa’t mga Kastila ang nagbaybay, kaya ang GUINAYANGAN ay baybay Kastila.


Ang bayan ng Guinayangan ay nahahati sa 54 na mga barangay.

  • A. Mabini
  • Aloneros
  • Arbismen
  • Bagong Silang
  • Balinarin
  • Bukal Maligaya
  • Cabibihan
  • Cabong Norte
  • Cabong Sur
  • Calimpak
  • Capuluan Central
  • Capuluan Tulon
  • Dancalan Caimawan
  • Dancalan Central
  • Danlagan Batis
  • Danlagan Cabayao
  • Danlagan Central
  • Danlagan Reserva
  • Del Rosario
  • Dungawan Central
  • Dungawan Paalyunan
  • Dungawan Pantay
  • Ermita
  • Gapas
  • Himbubulo Este
  • Himbubulo Weste
  • Hinabaan
  • Ligpit Bantayan
  • Lubigan
  • Magallanes
  • Magsaysay
  • Manggagawa
  • Manggalang
  • Manlayo
  • Poblacion
  • Salakan
  • San Antonio
  • San Isidro
  • San Jose
  • San Lorenzo
  • San Luis I
  • San Luis II
  • San Miguel
  • San Pedro I
  • San Pedro II
  • San Roque
  • Santa Cruz
  • Santa Maria
  • Santa Teresita
  • Sintones
  • Sisi
  • Tikay
  • Triumpo 
  • Villa Hiwasayan
Excerpt from www.guinayangan.com

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails