Recent Comments

Haplos Ng Pagmamahal

Naranasan mo na ba ang mabalian o mapilayan, o dili kaya nama'y mausog o magkaroon ng uyag?
Diyan magaling si Lola Beata Albindo. Sa edad niyang 75, bakas  pa rin ang kaniyang kaliksan ng kanyang katawan at bakas ng kagandahan ng kanyang kabataan.

Halos sa kanya pumupunta ang mga nababalian at napipilayan. Bata man o matanda. mayaman man o mahirap. Dahil sa kanyang angking kagalingan sa paghihilot, nabantog siya hindi lamang sa ating bayan kundi sa ibang lugar na rin. Gamit ang bilog na bubog at dahon ng saging, madali niyang nahahanap ang parteng "pita" o may bali. Minana pa raw niya ang ganitong uri ng paghihilot sa kanyang lola.

Hindi biro ang mapilayan subalit dahil sa maingat niyang paghaplos at paghilot sa parteng nabalian, tiyak na ang kapalit na kaginhawaan. Ilang araw lang at gagaling na at mawawala na ang iyong karamdaman. Matagal na panahon na ang nakakalipas buhat ng magsimula siyang maghilot. Marahil hanggang doon na lamang ang itinakdang panahon upang siya ay makapaglingkod sa kanyang mga kababayan.
Matagal na rin na wala sa atin si Lola Beata ngunit hindi natin maitatanggi na naging katuwang siya sa pagsusulong ng isa sa bahagi ng ating kinagisnang kultura. Ang Paghihilot.

Inilathala sa pahayagang Ang Gayang TOMO 11 Blg.1

Ang Gayang: Guinayangan

Sa loob ng maraming panahon ang bayan ng Guinayangan ay hindi nakaligtas sa ibat-ibang uri ng kalamidad dulot ng kalikasan. Sa kadahilanang malapit tayo sa rehiyon ng Kabikolan na kadalasang dinadaanan ng malalakas na unos. Tulad na lamang ng bagyong Sisang, Rosing, Milenyo at Ondoy.

Sa kabila ng lahat, patuloy pa ring bumabangon at pilit na nilalampasan ng bayan ang mga hamon sa kanyang katatagan. Determinado at buo ang loob nitong nilalabanan ang kahirapan sa pagsasagawa  ng mga proyektong magpapaunlad sa likas na yaman at ng mga mamamayan nito.

Payak at simple ang pamumuhay. Datapwa't bago pa man umalingawngaw ang pandaigdigang panawagan na sugpuin ang gutom at kahirapan ay isa na itong tagapagtaguyod at tahimik na gumagawa ng sariling pamamaraan.

Isang tunay na paraiso sa baybayin ng Look ng Ragay. Patuloy ang pagaaruga at pagpapayaman upang magsilbing kadlungan ng yamang dagat laban sa gutom at kahirapan. Sagana sa kabundukan at kaparangan na pinakikinang ng mga gintong butil ng palay. Mga sariwang prutas at gulay na pinauunlad ng nagkakaisang mamamayan.

Tunay ngang masasabing ang Guinayangan ay pinagpala ng Inang Kalikasan. Tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino, lagi itong handang magsakripisyo at ilaan ang sarili upang tumulong at maging kabalikat sa pagpapaunlad.






 Ito ang Guinayangan. Hindi matitinag sa anumang pagsubok at handang lumaban sa anumang hamon ng buhay.


Inilathala sa Ang Gayang Hunyo-Nobyembre 2009

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails