Recent Comments

Si Melly


Kinukutya, pinagtatawanan, minsan pa nga’y pinaglalaruan. Madalas ni Melly itong nararanasan.  Kung isa kang Katoliko at tuwing linggo ay taimtim kang sumisimba, magagambala ang iyong katahimikan sa simbahan kapag nakita sila. Syempre, sapagkat linggo, gusto rin naman nilang sumimba. At di lang yan, lugar din nila ito para kumita ng konting pera. Lalapit sayo, kukulbitin ka sabay hihingi ng pera. Dati’y piso, ngunit walang bahagi ng lipunan ang hindi naaapektuhan ng pagmahal ng bilihin, kaya nagtataas din sila ng halagang hihingin. Matalino rin naman at hindi mo basta-basta maloloko kung minsan ay may pagkakataong nakukulitan ka na sa pagbibigay sa araw araw na makikita sila. Minsan kwento ng isang kaibigan ko na mahilig bigyan si Mely ng mga barya. “Kuya! Kuya!, sabi mo kahapon bibigyan mo ako ng limang piso ngayon”….habang kulbit-kulbit sya ni Mely, “Di dapat sampu na ang ibibigay mo sa akin ngayon kase may utang kang limang piso kahapon!”…..dugsong pa nitong salita sa kaibigan ko. Hindi mapigilan ang pagbungisngis ng tawa sa pagkwento sa akin.

Si Melly ay hindi maaring hindi mo mapapansin sa kalsada kahit hindi mo pa siya kilala. Kahit hindi Santa Cruzan ay lagi siyang nakasuot pang prinsesa o reyna ng mga bulaklak. Tanghaling tapat man o hating-gabi, hindi mo matatawaran ang mga malalaking gown o damit pangkasal na suot nito. Para siyang diwata ng gubat na may kapangyarihang pasayahin ang iyong araw sa pamamagitan ng pagbaling ng atensyon sa kanya. Minsan naman ay mga coat at jacket na pagkakapal kapal na pang opisina, na isang tingin mo lang na kahit hindi ikaw ang may suot ay tila pagpapawisan ka na. Ngunit anopa’t kung gaano kagarbo si Melly manamit ay ganun din kadami ang kolereti nito sa mukha at mga abubot sa buhok. Isang stilo lang pati lagi ang gusto niyang make up sa mukha. Ang pagkapula pulang lipstick na hindi umaayon sa hugis ng labi. Sa magkabilang pisngi naman ay ang dalawang  pulang bilog na animoy isang payaso.

May asawa si Melly, ito ay si Jimmy na sadyang inadya yata ng tadhana na isa ring may kakulangan sa pag-iisip. Si Jimmy na kilala sa pagsusuot ng mga lumang damit pansundalo, minsan ay isang barangay tanod pa. Iba’t-ibang uri din ng itak ang laging dala-dala nito. Buti na lang at hindi matatalas at baka makasakit ng ibang tao o sa sarili mismo nila, kaya nga lang sa kalumaaan ay kalawangin na. May dala ring mga batuta, panghampas siguro sa mga taong gustong manloko sa asawa niyang si Melly at sa kanyang dalawang anak. Opo, isa po silang pamilya. Dala siguro na walang matutunan sa kanila ang kanilang mga anak, hindi rin natutong magsalita sa tama nilang edad. Wari’y isa rin silang mga taong wala sa tamang pag-iisip dahil sa pananamit at ugali ay nakuha nilang lahat sa kanilang magulang. Maluluwang ang damit at malalaking magkabilan na tsinelas ang laging suot. Naalala ko pa nga noong mga bulilit pa ito ay madalas nakikita ko sila na mga nakahubo’t hubad sa kalsada habang nakasunod na parang mga hubad na sisiw sa kanilang mga magulang. Napatanong pa ako sa sarili na bakit kaya hindi nagkakasakit ang mga batang ito, pero ang mga batang anak mayaman, makainom lang ng tubig na galing sa gripo e kinokumbulsyon na sa lagnat.

Iyan sina Melly, Jimmy, Melyjean at Jimmylyn. Pangit man ang katotohanan, ilan sa ating mga kababayan ang ginagawa silang katawatawa sa ating lugar. Ginagawa silang libangan sa kalagayan na hindi naman nila ninais.

Sa kabilang banda, mababanaad mo pa rin sa kanila ang isang mabuting mamamayan. May pananalig sa may-kapal, masipag at marunong kumita ng pera sa malinis na paraan. Isang pamilya na kahit paano ay may karapatang magkamayroon ng sariling lugar sa lipunan na ating ginagalawan.


-ang larawan ay pag-aari ng The Guinayangan Republic
-orihinal na nailimbag sa pahayagang "Ang Gayang" at nilagyan ng kaunting pagdaragdag at pagbabago upang bumagay sa panahon ng muling paglimbag.

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails