ni Aaron T. Ardiente
“Guinayangan, Guinayangan….Paraiso kang tunay,” Sinong taga-Guinayangan ang hindi nakaalam ng awiting ito? Gawa yata ito ng isang anghel. Araw-araw naming inaawit ito noon sa aking paaralan sa elementarya ang kanyang obra maestrang ito. Hindi lang ang nilalaman ng awit na ito ang maganda , kundi pati na rin ang himig nitong malabalse ang tempo. Tunay namang gaganahan ka sa pag-awit nito lalo na kung nanamnamin mo ang bawat titik nito. Makadarama ka ng pagmamalaki dahil naiisip mo na nakapalad mo nga pala at dito ka pa napatira sa mala paraisong lugar ng Guinayangan.
Ngunit alam ba ninyong kung nakadarama kayo ng pagmamalaki tuwing inaawit ninyo ito ay mas higit na pagmamalaki ang nadarama ko? Ang anghel kasi na lumikha nito ay ang aking Lolo. Si G. Angel P. Ardiente Sr.
Dating guro si Lolo Angel at talagang mahilig na siya sa musika noon pa man. Sa katunayan, mahusay siyang tumugtog ng saxophone, piano at clarinet. Noong dekada 70, itinatag niya ang Guinayangan Drum and Bugle Corps. Sabi niya, tinanghal dawn a kampeon ang bandang ito nang lumahok sila sa mga kumpetisyon sa iba’t ibang lugar. Palagi rin niya sa aking ipinagmamalaki na ang bandang ito ang napiling tumugtog sa 10th World Boy Scout Jamboree sa Makiling. Bukod sa banda, nagturo din siya ng rondalla sa Paaralang Sentral. Marami na rin siyang nalikhang awit tulad nga ng opisyal na himig ng ating bayan at ang “Mga Guro ng Guinayangan” .
Ngayon, wala na si Lolo, ngunit ang musikang kanyang nilikha ay masiglang masigla pa rin. Patuloy na nag-aalab at masuyong umaaliw sa atin.
Guinayangan
nilikha ni G.Angel P. Ardiente Sr.
Intro
Guinayangan, Guinayangan
Paraiso kang tunay
I
Sa dakong silanganan,
Sa baybay ng look Ragay
Ay may magandang bayan
Guinayangan ang pangalan
II
Sagana ang karagatan
Aliwalas ang kaparangan
Ang kabundukan nito'y
Tigib ng kayamanan
III
Masipag ang mga tao,
Tahimik na mamamayan
Sila ay masunurin
Magaganda ang kalooban
Ulitin ang I hangang III
IV
Guinayangan, mahal naming bayan
Sino mang sa'yo'y dumatal
Pilit na malulugdan
Wari mo'y sarili mong bayan
Koro
Guinayangan, Guinayangan
Paraiso kang tunay
Guinayangan, Guinayangan
Paraiso kang tunay
Ang liriko na may nota.
-ang kopya ng liriko ay ginawa ni Bb. Lourdes Caisido
-ang larawan ay pag-aari ng pahayagang "Ang Gayang"
-orihinal na nailimbag sa pahayagang "Ang Gayang" at nilagyan ng kaunting pagdaragdag at pagbabago upang bumagay sa panahon ng muling paglimbag.