Sa awit na palagian nating naririnig sa lamayan –Mahiwaga… Ang Buhay ng Tao. Hindi ko man narinig ang mas maagang kumanta ng magandang komposisyon ni Ador Torres, na tila lapat na lapat na liriko ni M.P. Villar at mas nagbigay ng damdamin . Sa dami rin ng nagsabuhay ng kantang ito mula kay Cely Bautista, Ric Manrique hangang kay Basil Valdez at Rico Puno. Ang mga “versions” ay lahat madamdamin higit ngayon sa pagyao ng ilan nating kababaryo.
Minsan sa isang “pulawan” bahagya kang lilingon at aalamin ang pinagmulan ng boses(kalimitan ay mga novelty) at sa kalabit ng gitarang akmang akma —Si Bidek (Benedick Gutierez di ko sure ang first name nya) , at sa Koro ay mas magiging tawa ang yong ngiti sa paglabas ng sungki nyang ngipin. Bata pa akoy sungki na siya , sa pagkakita ko sa kanya ng huling araw na lamay sa aking ama yun muli ang napansin ko –ang sunki niyang ngipin. Higit man akong may edad sa kanya, pero lumaki kaming sabay at kalaro ang kapatid nyang si Gudo.
Ibig ko siyang dagdagan ng damdamin na hindi lamang mahiwaga ang buhay ng tao , masalimuot pa ito. Sa pagkakaroon nya tila ng “polio” at kaalinsabay ng may kahinaang baga, labis na kabaligtaran ng kawalang pagasa ang malimit na namumutawi sa mukha nyang butuhan, bagkus pagiging simpleng payaso. Ogag ka nga lang talaga kung hindi ka tatawa sa mga “joke” nya. Aaminin ko minsan mula kay Gudo at Bedik ang mga katawa tawa kung joke, na nahatid ko sa Maynila at kalimitang nagiging bida sa inuman dulot ng kanilang istorya … tila may utang akong “citation” para sa magkapatid. Higit pa roon, bagamat di ko sila nakalimutan “I owe them the praises”.
Manhid na tila ang karamihan minsan, dahil na rin siguro sa pagkamasayahin nila ay di na nila alintana na may dinadamdam ring saloobin ang ganitong mga tao. Ramdam ko rin ang tulad nilang kalagayan sa balatkayo ng pagkamasayahin minsan ay hirap ka rin nilang paniwalaan.
Ayaw ko ng I –post sa status ng aking “Facebook” ang pagyao ng ilan nating kababaryo, Kay Aling Selya at kay Avheng na lubos kay hirap isipin sa mga murang edad , kamatayan ang dulot ng mga pagkakataon na danasin lamang ng inaasahan nating naratay sa sakit. Bagkus kay babata pa , panghihinayang sa kapunuan ng pag-asang malampasan ang mga simpleng pagsubok.
New Orleans Saints Baseball Cap
Sa pag-alis ko sa Manlayo at paglagi ng may katagalan sa Maynila at pag-sulpot rito tuwing nakakasumpong ng pangungulila masilayan muli ang sinilangang bayan, ay may kalaunang ding hindi ko pakikipagusap sa kanila , baka may bago silang jokes ika ko. Nakakasawa na rin “FHM” na tila bastos yata lahat ang mapupulot pero “in” ka. Liban dito, mayroong pag-alala sa kabataang panahon na di ko malimutan sa kanilang magkapatid ni Gudo. May kagipitan sila noong mga 80s at inalok sakin ang isang “Baseball Cap” na NFL franchise ng New Orleans Saints mula pa ito maari sa kamaganakan nila sa Amerika. Dahil bata at walang hanapbuhay napilitan akong basagin ang alkansiya na nagkakahalaga lamang ng 200 pesos para maibsan ang paikot ikot nilang pagalok sa karamihan ay minabuti kong ako na lamang ang tumulong sa pagbili dito. Kapagdaka naman ay naibsan din ang ilang araw na panggastos ang magkapatid. Ngayon sa pagsulat ko nitong ilang talata para kanila, at paghahanap ko ng “Baseball merchandise” at para maipost ang alaala ng sumbrerong ito. Nagkakahalaga pala ito ngayon ng $30 dollar. Di ko man alam na original yon noon… wala pang China imitation noon(Im sure orig!). Higit ko siyang naalala.
Hindi ka magkakaroon ng kalungkutan sa lamayan o pulawan kapag sila ang Bangka. Halinhinan minsan sila ni Eddie(Kid) ang walang kamatayang “Lilipad lilipad ang Ibon(at pag palit ng “direct object” o pantukoy) sa “chant” na ito na kapag tumaas ang kamay mo na wala namang kakayahang lumipad ang tinukoy… uling mula sa puwet ng kawali o kaldero ang lilimahid na ipupunas sa mukha mong puyat na dahil sa inuumagang paglalaro sa lamayan. Simpleng Payaso siyang matatawag kahit walang maskara, jokes na iihitin ka sa katatawa, idagdag mo pang sungki niyang ngipin na para mo ng nakita sa personal si Rene Requiestas AKA “Chitae”. Ngayon siya ang nakahimlay sa dikalayuang mula sa kinaugaliang lonang “Tarpauline” na palagiang hinihiram sa mga nagmamay-ari ng malalaking palakaya. Sino ang muling magbibigay ng patawa sa naghihinagpis nyang kamag-anakan. Maari ay alaala na lang ng pagiging masayahin.
Pasensiya ka na Bidek, di lang mahiwaga ang buhay ng tao, masalimuot din ito. Hindi man ikaw pinagpala ng rangya na tulad ng mga ilang pinalad mong kababata , nakikidalamhati na lamang sa pag post ng “condolence” dito sa “group”. Higit kang nakakaingit sa pagkamasayahin, sa pagtanda ko rin narealized ko minsan yan ang mahirap na hanapin…… “ang ngiti”.
story by: Cornelio Cenizal
repost from: Ang Tanglaw Ng Manlayo