Ang lugar ng Danlagan (na ngayon ay nahahati sa limang Barangay, ang Reserba, Central, Cabuyao, Batis at Bukal Maligaya) ay isang malawak at maburol na lupain na matatagpuan sa hilaga ng bayan ng Guinayangan.
Ayon sa kasaysayan ng Guinayangan, ang Danlagan ay sakop ng Nuevo Guinayangan na itinatag sa Apad ng sa panahon na ang orihinal na Guinayangan ay sinasalakay ng mga Moro. Ang mga unang tao dito na nagbukas at naghawan ng kagubatan ay ang mga magkakapatid na Remegio, Fernando, Severino, Domingo, Anselmo,
Margarita, Rufina at Policarpia Cerilla. Nilinis ng magkakapatid ang masukal at madawag na gubat sa tulong ng mga Aeta.
Ayon sa matatanda, naglalakad sa masukal na gubat si Fernando ng makasalubong niya ang isang Aeta. Tinanong niya kung saan ito patungo. “ Diyan sa Dalagan!”…ang sagot sa kaniya ng Aeta. Ang salitang “dalagan” ay isang uri ng isdang tabang na malamang ay kilala sa pangalang dalag ng mga katagalugan.
Ganoon din ang nangyari kay Vicente Molines noon ay nanliligaw sa dalagang si Margarita Cerilla. Sumama siya sa mga Aeta at napatunayan niya na maraming isdang dalag ang sapa at mga ilog nito. Simula noon, tinawag nilang “Dalagan” ang pook na sa katagalan ng pagsasalinsalin ay naging Danlagan.
Malawak na lupain ng Danlagan ang nalinis ng bawat isa.Nahati ang mga ito sa ibat-ibang barangay. ang isa ay ang Danlagan Cabuyao. Ito ay pinamunuan ni Andres Sevellena. Ang pangalan ng barangay ay hinango sa pangalan ng ilog. Sabi ng mga matatanda, may kabayawan daw sa tabi ng ilog na siyang pinagkukunan ng tawag na Cabuyao