Recent Comments
Distinguished Personalities of Guinayangan: Sixto C. Maghirang
Posted by Anonymous in sons and daughters of Guinayangan on Friday, March 5, 2010
Ang Makata Ng Guinayangan
Matindi ang pag-ibig ni Sixto C. Maghirang sa kanilang musa . Ito marahil ang sanhi kung bakit hindi na niya pinag-ukulan pansin ang iba pang sangay ng panitikan. Siya ngayon ay siyento-porsyentong makata na ang kadakilaan ay inaangkin ng Guinayangan, ang bayan ng kanyang kabiyak at ng Lungsod ng San Pablo na kanyang sinalangan.
Labing anim na taon pa lamang siya’y sumusulat na ng tula. Bago magkadigma, napabilang na ang mga tulang nilikha sa Liwayway at ibang popular na babasahin. Nang matapos ang digmaan, saka pa lamang nakilala ang kanyang pangalan sa daigdig ng Panulaang Tagalog. Ipanakikilala siya ng kaniyang tulang “O Tuwa” sa noong hari ng balagtasan at pangalawang patnugot ng Bulaklak na si Emilio Mar Antonio.
May mga tula rin siyang napabilang sa Talaang Bughaw ng makata at kritikong Alejandro J. Abadilla . Ang tula niyang “Bubog” ay nanalo sa timpalak ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1964 at si SCM (ang kanyang daglat), ay kabilang sa labinlimang manunulat na pinangaralan ng Surian sa bulwagan ng Philippine Normal College noong April 2, 1965.
Marami ng nasulat si Sixto C. Maghirang at maari na siyang makapaglimbag ng “aklat-katipunan” ng mga ito. Samantala’y patuloy pa rin ang pagsusunog niya ng kanyang musa at mababasa pa rin sa dahon ng Liwayway at ibang magasin ang kanyang mga magagandang tulang liriko.
O, Tuwa….!
by Sixto Maghirang
Nakalagak ngayon sa dilim ng hapis ang lasog na puso
na labi na lamang ng unsiyaming nais.
Namamatay-daing sa yutang pasakit at pagkasiphayo
na naging hantungan ng aking pagtangis
Sa pagkagupiling ng sawi kong palad, mandi’y naglalamay
Sa gabi ng lungkot at saganang hirap….
(binathalang tuwa na aking pangarap ay hindi man lamang
magtapon ng kahit malamlam na sinag)
Habang naninikis ang tuwa kong pita, dini sa damdamin
Lalong nagnananaw ang pangungulila…..
(palad ko na yatang sa mundo ng dusa tangisa’t yakapin
sa luksang karimlan ang bigong pag-asa!)
Maanong ikaw nga’y ngumiti sa akin tuwang iniibig.
na hinihinta-hintay sa laot-tiisin,
Pagkat ang sinag mong batis ng tulain sa nagluksang langit
niring kapalara’y ilaw ng paggiliw…….
O, Tuwa…..huwag kang madamot sumilay sa lugaming puso
na sabik sa iyong sinag na makulay
Tanglawan mo sana sa pagkasing tunay, nang hindi maglaho
sa sungit ng dusa ang ningas ng buhay….!
from the book "Guinayangan Noon at Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
This entry was posted on Friday, March 5, 2010 at 3:43 AM and is filed under sons and daughters of Guinayangan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response.
- No comments yet.