Ang marahang daloy ng tubig sa sapa
Mga batong buhay ito'y sinasala;
Nakukulimliman ng dahong sagana
Upang ang pag agos hindi magambala....
Ang himig ng agos ay sinasabayan
Ng huni ng ibong nasa kakahuyan;
Malamig na simoy ng hanging amihan
Ang nagpapalamig sa tubig na Kristal.
Ang Kristal na tubig siyang bumubuhay
Sa lahat ng sibol sa mundong ibabaw
Upang magpatuloy takda ng Maykapal
Ginuhit ang sapa upang maging daan.
Kapag merong unos nagbabagong anyo
Ang mayuming sapa’y magaalimpuyo;
Tubig na maputik ang babaha dito
At kapahamakan ang dulot sa tao.
Bundok ay guguho aanod sa sapa
Isa na ngang ilog umapaw na baha,
At sa kapatagan hahasik ng luha
Kapag mga buhay ang syang sinalanta.