Pangkaraniwan na nating nakikita
Ang puno ng niyog sa aming probinsya
Merong matatayog, at may mababa pa
Sa pantay o bundok nabubuhay siya.
Halika sa Quezon at ng matikman mo
Ang tubig ng niyog pati na ang buko
Kung tawagi'y mura kahit mahal ito
Ngunit don sa amin ay mahihingi mo.
Ang niyog ay turing na puno ng buhay
Lahat ng bahagi ay may pakinabang
Magmula sa bunga, sa dahon o paklang
Maging katawan nya may pag gagamitan.
Sariwa nyang buko kay sarap namnamin
At ang gata nito sangkap sa lutuin
Hindi lang panluto, langis pang hilot din
Pwede ring sa buhok ito ay gamitin.
Dahil kokonti na ating kakahuyan
Katawan ng niyog ating natuklasan
Na syang panghalili pag gawa ng bahay
O anumang dito'y may pag gagamitan.
Mga taga Quezon pamilyar sa kopra
Ang pinausukan o tinuyong bunga,
Ito ang bumuhay sa mga pamilya
Dito nanggagaling ang kanilang pera.
Kaya nga't ang niyog ang puno ng buhay
Sa 'ming taga Quezon ito'y kayamanan
Wala mang natapos kapag may niyogan
Titingalain ka't ika'y igagalang.
(alay sa mga kababayan nating maglulukad o magkokopra)