Bumibirit na LRT sa Taft Avenue. MRT sa EDSA. Cable Car sa Tagaytay at mga bus sa kalunsuran ang nararanasan nating sakyan. Meron pa ngang mga eroplano patungo sa timog na bahagi ng Pilipinas.
Subalit wala man ang lahat ng mga ito sa Guinayangan, marami naman tayong kinasanayang sakyan upang marating natin ang malalayong pook ng ating bayan.
Nariyan ang paragos na hila-hila ng kalabaw. Dito isinasakay ng magsasaka ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kaanak na ayaw maglakad.
Meron din tayong kariton at karetela na tulad ng paragos hila din ito ng kalabaw gayon din ng kabayo o baka. Gamit sa pagdadala ng mabibigat na bagay o ani ng pamilya ng mga magsasaka sa pamilihang bayan.
Natuto na ring gumamit ng bisekleta ang mga bata at matatanda upang hindi na mapagod sa malayong paglalakad, Usong uso na ring sasakyan ngayon ng mga taga bukid pababa ng bayan ang habal-habal. Ito ay isang motorsiklo na sadyang dinagdagan ng mas mahabang upuan sa mahigit limang pasahero.
Maraming mga magulang ang naghahatid ng kanilang mga anak sa paaralang sakay ng motorsiklo. Mas mabilis na nakararating ang mga magaaral at maiiwasan ang mahuli sa klase.
Ang pinakamaraming sasakyan sa Guinayangan ay ang malalaking bus. Nagsisilbi itong tagapaghatid ng mga pasahero sa malayong lungsod at kabihasnan. Naghahatid ng kabuhayan at balita sa mga pamilyang magkakahiwalay ng tinitirahan.
Iilan na lamang ang dyip subalit bahagi pa rin ito ng buhay sa ating bayan. Nariyan pa ang mga van at kotse, gumagamit pa rin naman ng mga pampasaherong bangkang de motor sa pagtawad ng dagat at malalaking ilog.
Sa bayan naman ay hindi pa rin nawawala ang trike o tricycle. Nagsisilbing tagapaghatid ng mga kalakal at mga mamamayang nakatira sa Metro Poblacion (Ito ang sentro ng bayan kasama ang mga karatig nitong mga baranggay)
Nakasakay ka na ba ng tren? Hindi LRT o MRT kundi ang malalaking tren na bumabaybay ng malalayong lugar sa ating bayan. Bahagi rin kase ito ng transportasyon sa ating bayan lalong lalo na sa mga barangay na bumabagtas na sakop nito. Kahit noong una pang panahon. Ngunit sa ngayoy mas napapakinabangan pa ang mga daang bakal na ito ng mga Skates. Mga karitong gawa sa kahoy at bakal na ang gulong ay may kakayahang bumagtas sa daang bakal.
Ni Jean Charisse Petrache
Nilahathala sa Ang Gayang Hunyo-Nobyembre 2011