Recent Comments
Si Cabo Chavez At Si Cabo Perez
Posted by Anonymous in barangay brief history on Sunday, May 29, 2011
Noong panahon ng mga Kastila,isang malaking bahagi ng kalupaan ng Capuluan at Cabong ay pinamamayanan ng iilan lamang angkan. Ang angkan ni Domingo Encarnacion, Estanislao Chavez at ni Adriano Perez. Nagumpisa silang pagyamanin ang kalupaang ito na bahagi ng Guinayangan noong taong 1891.
Ayon sa kasaysayan ng bayan at ng mga barangay nito, ipinag-utos ng kasalukuyang Alcalde Mayor ng panahong yaon na ang bawat barangay ay magtalaga ng isang "Cabo" upang mamuno laban sa mga tulisan at insurrectos. Si Estanislao Chavez at adriano Perez ang hinirang na Cabo sa barangay na ito.
Tahimik na namumuhay ang mga mamamayan sa lugar na ito ng isang araw ay ginambala sila ng Kastilang Guardia Civil. Hindi paman nakakarating ang mga sudalo ng pamahalaang Kastila ay tinambangan sila ng hindi napabatid na mga sibilyan.
Napatay ng mga tumambang ang dalawang kawal na pamhalaan. Nagalit ang mga Kastila sa mga taga baryong ito sa pag-aakalang kasapakat sila sa pananambang.Ipinadakip sina Cabo Chavez at Cabo Perez. itinanggi nila ito ngunit naging marahas pa rin sa kanila ang mga Kastila at silay pinarusahan hangang sa mamatay. Bilang pag-aala-ala sa dalawang Cabo na nagbuwis ng buhay, tinawag nilang Cabong ang pook.
Nang dumating ang panahon ng mga Amerikano, lumaki ang papulasyon ng barangay.Nahati ito sa dalawa, ang Barangay Cabong Norte at Barangay Cabong Sur.
Ang Mga Tuyong Lambat
Posted by Anonymous in guest blogger on Saturday, May 28, 2011
Sa musmos kong isip noon, wala akong kakayahang matanaw ang bukas na sa ngayon ay –ito. Na kasaganaan ng pangingisda noon lahat ay mapupunta sa wala. Sakripisyo man mo itong masasabi sa ilang naglaan ng panahon itaguyod ang kabuhayang umaasa sa dagat. Nagugunita ko sa lumang umaga ang lahat ay tila nakasaludo sa pagharang sa tuwid na sinag ng araw. Pinipilit na may mapagkilanlan sa parating na Basnigan , nagbabase sa taas ng palo at lutang ng batangan na wari sa hugis ng silweta ay kasiguruhan na ang hinihintay na padaong ay tiyak na lamak.
Pag lingon mo sayong magkabilang balikat. Ay banaag mo ang lupon ng mga regatona, mga magba”baggage” ,mga nagtitinda ng kakanin at mga pangilanngilan kong kababata na may hawak na “Fishnet” . Ang ilan namay may lukbutan na nakasuksok sa likurang bewang, tila may itinatago, sila ang mga mag “babakaw” . Kakatwang nabuong mga lupon ng samahan na tuwiran at di tuwirang umaasa sa darating na dadaong.
Sa ilang saglit pa ay nakakabinging sigawan ng pagmamadali sa pag awas sa lunday na walang pagal na sa paghakot ng kaing kaing at banye-banyerang huli ng di kalayuang basnig na tila may paparating pa. Tirik na ang araw habang ang “magbubulong” ay tila malat na sa bigkas ng pag-ayon sa kanyang tawad.
Sa init ng araw ay halos pumuti na ang buhanginan na lalong gumuhit ang katas ng tumutulong likido mula sa kaing na balagwitang piningga. Halinhinan, paro’t parito sa kamalig na ilang nanalo sa bulungan. Sa di kalayuan ay nakaupo ako sa ilang lambat na luma na nakabalumbon sa abandonang kamalig. Tinatanaw ang mga paggalaw na sa ngayon ay tila malabo na muling mangyari. Sirko kabikabila kapagdaka ay tatanaw at namamangha sa isa na namang padating na lunday na halos kakapraso na lamang ang “baltaw” . Sa dami ng isda ay iisipin mong kahit rasyunan ng tila tig-iisang kilo ang mamamayan ng Guinayangan ay may matitira pang mauuwi sa tangke ng bagoongan o di kaya ay lagaan at birukan para gawing tinapa o tuyo na lang.
Kay sarap dumapa sa amoy ng lambat, tila meron itong aroma na sinasabing – gunitain mo ako, tanawin mo ako sa butas ng aking mga sirang mata, alalahanin mo ako, hindi mo man ako matanaw muli.
Pagsapit ng patanghali ay paghehele ka ng dagat amihan, muli ay amoy na tila hihigitin ka sa antok. Maya-maya lang ay marami na kaming batang nakahilata at tila naging “play pen” na ang lumang kamalig. Uubusin muli ang oras makatanghalian sa kulitan at kuwentuhan ng mga kalaro ko noon.
Sa kakatwang pangyayari malayo na ang narating ng ilang kalaro ko sa lambat. Ilan ay pinalad mangibang bansa, ilan ay nabago ang buhay at may mangilan ngilan ring ginusto na lamang lumagi rito.
Alas onse, daraan ang pulutong ng basnigero, abot tenga ang ngiti, habang masusing binibilang ang mga ubeng perang papel. Habang ang ilan ay nakapila sa mamang “Listador” ng basnig na minamando ng aking ama. Limot ko na kanyang ngalan, pero nakarehistro pa ang mukha nya sakin.
Ang arawang diaryo ng Basnigan. Dividendo o porsyento ng kanilang nabentang huli. Ilan ay nakahalukipkip tila sinusupresa ang sarili, sabik na makuha ang diaryo.
Sa abot nga king tanaw habang nakangalumbaba sa pagitan ng balumbun ng pataw at plumong katabi ng lambat, lahat ay masaya, lahat ay may puwang ng ngiti. Di tulad ngayon. Mayamaya ay babangon na ako hayon na ang kumpas ng kamay nga king nanay – Kakain na! Hindi man namin kasabay kumain ang aking ama. Hayun siya at nakahiga sa balkonahe, puyat sa magdamagang pangingisda. Anong ulam? Kay dami, halos mapuno ang lamesa. May adobong pusit, tambakol na pangat at pinesang “sigapo”. Sa gawing katabing lamesa ay maingat na hinahati ng kapatid ko ang pakwang pulang pula at bahagya ang buto. Sa haba ng pananghalian ko ay di ko maalala kong na galaw ko ang pinangat dahil sa pesang sigapo ay tila di na ako magkamayaw. Pagsawsaw ko sa tabong hinawan at sabay pahid sa laylayan ng kansulsilyo , takbo na naman ako sa kamalig na may lambat.
Subalit di kami makapaglaro, ang basnigerong taong lambat ay naggagayak ng paghayuma sa mga sirang lambat, ang isa ay sinabit ang transistor na radio sa gilid habang iniikot ang talapihitan at salimbayang lumalabas ang estasyong radio sa bikol, tila iritadong masagap ang gustong estasyon. Halos magulat ako sa sigaw nya sa tuwa dahil natiyempo uli siya sa Asin –Gising na kaibigan ko.