Recent Comments

Magsaysay Trail





























Santa Krusan Sa Guinayangan: Mula Pa Noon

“Mayo na naman”….. sabi ng lola ko. Ang mga tiya at tiyo ko na dalaga’t binata na noon ay may kanikaniyang grupo. Nanguha sila ng mga bulaklak, pako at bakong Hermanita ang Tiya ko. May mga kasapi siyang kapwa dalaga at ang Hermanitong katambal niya’y may kasama ring kapwa binata. Mahuhusay mgdibuho ng “rama” ang mga binata. Sari-saring hugis ito, na pinapalamutian naman ng mga bulaklak na inaayos ng mga dalaga. Masasaya sila sa paghahanda ng iaalay sa dambana ng Birhen Maria, ang Reyna ng mga Bulaklak.

Ang tradisyon na ito ay nagmula pagkatapos ideklara ang dogma ng Immaculada Concepcion noong taong 1854 at pagkatapos na mailimbag noong 1867 ni Mariano Sevilla Na nagsalin ng Mariquit Na Bulaclac Na Sa Pagninilay sa Buong Buan ng Mayo ay Inihandog Nang Manga Devoto Cay Maria Santisima.

Ang sagala sa Santa Krusan ay isang mahalagang tradisyon ng katolikong simbahan na pinagdiriwang dito sa Guinayangan tuwing katapusan ng buwan ng Mayo. Isa sa inaabangan at pinakamakulay na pagdiriwang na sumsariwa sa pagkakatuklas ng Banal na Krus sa pamamagitan ni Reyna Helena, ang ina ni Constantino. Ang mga nagsisipag-gandahang dilag at nagsisipagtikas na kabinataan ng bayan ang nagsisipagganap bilang mga sagala at eskorte. Ito ay pinakilala ng mga kastila sa Guinayangan at sa buong Pilipinas, at naging isang ganap na tradisyon na kaakibat ang kabataan at simbulo ng pagmamahalan.

And prosisyon ay nagpapa-alaala sa paghahanap ng Banal na Krus ni Reyna Helena at ng kaniyang anak na bago palang naging isang ganap na Kristyano at Emperor ng Roma na si Constantino. Matapos matagpuan ang banal na Krus sa Herusalem at dalhin ito sa Roma, may kaakibat itong pasasalamat at pagdiriwang.

Maraming magdadasal sa simbahan. Sinimulan ang pag-aalay ng rama sa damabana ni Birhen Maria habang umaawit ang koro ng magagandang awiting pang Flores de Mayo. Sinimulan ang novena. Nang dumating sa dalit, nakahanay kami sa gitna na lumapit sa dambana, nagsabog at nag-alay ng bulaklak. Maayaos ang pagkilos namin sa dambana, may kahalong pagpipitagan sa pinararangalan. Ganito kami araw araw, habang ang palit ng rama ay tuwing ikalawang araw.

Katapusan ng buwan ng Mayo. Ako’y nakadamit rosas, may koronang bituin, dose estrella pala ang sagalang sinasamahan ko. Umaga kami sumimba sa misa para sa Flores de Mayo. Ang gagara ng mga reyna, mga Reyna Sentenciada, Rosa Mistica, Hustisya, Abogada, Reyna Sheba, Judith, Ester, Elena at tampok ang Reyna de las Flores. Lahat sila’y nararamitan ng kasuotang sinsagisag. Kayganda ng Reyna de las Flores sa kanyang sayang puting-puti, may koronang sariwang sampaguita at dala’y pumpon ng mga bulaklak.

Ang prosisyon ng Flores de Mayo sa hapon ay iniilawan ng mga magdadasal, Hermanitas at Hermanitos at Hermanas Mayores. Nasa gitna kami ng dalawang hanay na umiilaw ganoon din ang mga reyna.

Ito ang pagkakasunod-sunod na mga nagsisipag-ganap sa makulay na prosisyon.

  • Metusala- Isang matanda at balbas saradong lalake na nakasakay sa karawahe na abala sa pagsasanag ng buhangin sa kawaling inaapuyan ng kalang di apoy. Isinsalarawan dito ang pag-aalala sa ating na ang lahat sa ibabaw ng daigdig ay dumarating at lumilipas din, na ang lahat ng bagay ay may simula at katapusan at magiging alikabok din gaya ng kaniyang sinasanag na buhangin.
  • Reyna Banderada- isang dalagitang babae ang nakasuot ng mahabang pulang damit dala dala ang isang hugis tatsulok na kulay dilaw na bandila sa mahabang tungkod. Isinasagisag nito ang pagdating ng Kristyanismo.
  • Aetas-isinasagisag nito ang pagiging Animismo ng mga Filipino bago pa dumating ang mga Kastilang mananakop.
  • Reyna Mora-isinasagisag nito ang mga Filipinong naging Muslim dalawang siglo ng mas maagap bago dumating ang mga Kastilang mananakop.
  • Reyna Fe-sinasagisag nito ang paniniwala, ang una sa mga “theological virtues”. Dala-dala niya ang isang maliit na krus.
  • Reyna Esperanza-sumasagisag ng pag-asa, ang ikalawa sa “theological virtues”. Dala-dala niya ang isang angkla.
  • Reyna Caridad-sumasagisag ng pagiging mapagkawanggawa, ang ikatlo sa “theological virtues”. Dala-dala niya ang isang pulang puso.
  • Reyna Abogado-ang tagapagtanggol ng mahihirap at naapi. Suot niya ang toga at somblero ng isang nagtapos habang may dala-dalang isang malaking aklat. Maari din siyang sumasagisag ni Maria, Tagapagtanggol ng Kristyanismo.
  • Reyna Sentenciada-habang ang kanyang mga braso ay nakatali, sinasagisag niya ang mga unang kristyano. Lalong lalo na ang mga birhen, na namatay dahil sa pananampalataya. Kasama niya ang dalawang Sundalong Romano.
  • Reyna Justicia- ang pagbibigay katauhan kay Maria bilang “Salamin ng Katarungan”, isa kanyang mga titulo sa “Litanya Ng Loreto” . Dala niya ang isang timbangan at mahabang espada.
  • Reyna Judith-sinasagisag niya ang byudang si Judith ng Bethulia, ayon sa Bibliya, iniligtas niya ang syudad sa kamay ng mga Assyrian sa pamamagitan ng pagpatay sa mapangaping si Helofernes. Dala niya ang isang ulo ng kanyang biktima at isang mahabang espada naman sa kabilang kamay. Kilala rin sa panagalang ang Infanta Judith.
  • Reyna Sheba-isinasagisag para kay Reyna Sheba, ang dumalaw sa Haring Solomon at napuspusan ng karunungan, kapangyarihan at karangyaan. Dala niya ang isang kahon ng alahas.
  • Reyna Esther-ang Hudyong Reyna ng Persya, na nagligtas sa kanyang mga taong nasasakupan sa kamay ni Haman, dahilan sa tamang tamang pamamagitan kasama si Haring Xerxes. Dala niya ang isang setro.
  • Ang Babaeng Samaratina- ang babaeng kumausap kay Hesu Kristo sa gilid ng balon. Dala niya and isang banga ng tubig sa kanyang balikat.
  • Veronica-ang babaeng pumunas sa mukha ni Hesus, na tumalukbong sa mukha at naglarawan ang tatlong mukha ni Hesus.
  • Tres Marias-ang tatlong Maria na nagkameron ng malaking kahalagahan kay Hesukristo.
  1. Maria ng Magdala-dala ang isang bote ng pabango
  2. Ang Birheng Maria-dala ang isang panyo
  3. Maria, ang ina ni Jaime-dala ang isang bote ng langis
Marian-and lahat ng imahe dito ay natutuon sa ngalan ng Birheng Maria.
  • A-V-E M-A-R-I-A -walong anghel na munti, lahat ay nakaputing kasuutan, na may munting pakpak sa likod, dala-dala bawat isa ang mga letra na bumubuo sa salitang AVE MARIA.
  • Divina Pastora-dala ang tungkod ng pastol
  • Reyna de las Estrellas-dala ang palitong pangsalamangka na may isang estrelya sa dulo.
  • Rosa Mystica-dala ang isang tumpon ng rosas
  • Reyna dela Paz- dala ang isang kalapati ng kapayapaan
  • Reyna de las Profetas –dala ang isang orasang buhangin
  • Reyna del Cielo-dala ang isang bulaklak at may kasamang dalawang munting anghel
  • Reyna de las Flores-dala ang isang tumpon ng bulaklak
  • Reyna Elena- ang pinakahuling katauhan sa prosisyon, sinasagisag si Santa Helena, isang Emperatris at maalamat na nagtatag ng Tunay na Krus: ito ay may roong isang maliit na krus sa kanyang balikat. Ang hindi mamagkanong prestihiyosong papel na ito ay kadalasang ibinibigay sa pinakamagandang dalaga sa prosisyon. Na kadalasan ay hindi muna ipinakikilala kong sino ang gaganap hangang sa araw ng kaganapan.
Ang prosisyon ay sinusundan ng isang banda ng rondalla, tinutugtug at inaawit ang Dios Te Salve. Ang mga deboto ay naglalakad sa prosisyon dala dala ang kandilang nakasindi habang sumasabay sa pag-awit.
Pagkatapos ng prosisyon, may roong pabitin sa plaza para naman sa mga kabataan. Karamihan ng mga kasama sa Santakrusan ay mga naka barong tagalog ang mga kalalakihan, at sa mga kababaihan naman ay mga kasuotang pang Filipina.


May padasal ang pamayanang kinabibilangan namin sa aming nayon. Parangal naman ito sa Santo Krus na paalaala sa tagumpay ni Reyna Elena sa pagkakatagpo niya sa Krus na ginamit ni Kristo. Dinadasal ang nobenaryo para sa Santa Krus gabi-gabi. Sa prosisyon ng Krus, may dalit na inaawit sa pangunguna ni Lola Ida, “O Krus kang larawan ng kay Hesus na pinasan, ililibot sa lansangan, pagsakop sa kasalanan”, yan ang awit ng lahat.

Marangya rin ang patapos ng nobenaryo. May mga sagala rin at pinakatampok ang Reyna Elena. Siya’y may dalang Krus, kaalakbay ang isang batang konsorte na damit Prinsipe Constantino. May mga parol na hugis krus ang marangyang prosesyon ng Santa Cruz de Mayo.

Natapos ang pagdiriwang sa simbahan sa pamamagitan ng pag-aalay ng papuri sa Birhen. Nang matapos ang pagpupuri , pinili naman ang magiging Hermanos at Hermanas Mayores, Menores, Hermanitos at Hermanitas sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagbobola. Kung mabunot na katambal ng pangalan ng isang kandidato ay suwerte, siya ang gaganap ng kaukulang tungkulin sa susunod na Mayo. Ang pagdiriwang ng Flores de Mayo ay walang patlang na ginagampanan taon taon buhat pa noon hanggang ngayon, na nagbabago lamang ang kaparaanan, dala ng makabagong pamumuhay ng sambayanan.
Sa kasalukuyan, napalitan ang Santa Krusan ng Mayohan sa mga barangay. Nalimutan na ang kinagawiang tradisyon dahil sa pagdami at pag-iibaiba ng liping namamayan.

















some part excerpt from:"Guinayangan Noon At Ngayon" by Alodia F. Molines

Magsaysay Hills













The Ragay


Chocolate Hills Of Guinayangan
















About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails