Recent Comments

Haplos Ng Pagmamahal

Naranasan mo na ba ang mabalian o mapilayan, o dili kaya nama'y mausog o magkaroon ng uyag?
Diyan magaling si Lola Beata Albindo. Sa edad niyang 75, bakas  pa rin ang kaniyang kaliksan ng kanyang katawan at bakas ng kagandahan ng kanyang kabataan.

Halos sa kanya pumupunta ang mga nababalian at napipilayan. Bata man o matanda. mayaman man o mahirap. Dahil sa kanyang angking kagalingan sa paghihilot, nabantog siya hindi lamang sa ating bayan kundi sa ibang lugar na rin. Gamit ang bilog na bubog at dahon ng saging, madali niyang nahahanap ang parteng "pita" o may bali. Minana pa raw niya ang ganitong uri ng paghihilot sa kanyang lola.

Hindi biro ang mapilayan subalit dahil sa maingat niyang paghaplos at paghilot sa parteng nabalian, tiyak na ang kapalit na kaginhawaan. Ilang araw lang at gagaling na at mawawala na ang iyong karamdaman. Matagal na panahon na ang nakakalipas buhat ng magsimula siyang maghilot. Marahil hanggang doon na lamang ang itinakdang panahon upang siya ay makapaglingkod sa kanyang mga kababayan.
Matagal na rin na wala sa atin si Lola Beata ngunit hindi natin maitatanggi na naging katuwang siya sa pagsusulong ng isa sa bahagi ng ating kinagisnang kultura. Ang Paghihilot.

Inilathala sa pahayagang Ang Gayang TOMO 11 Blg.1

Ang Gayang: Guinayangan

Sa loob ng maraming panahon ang bayan ng Guinayangan ay hindi nakaligtas sa ibat-ibang uri ng kalamidad dulot ng kalikasan. Sa kadahilanang malapit tayo sa rehiyon ng Kabikolan na kadalasang dinadaanan ng malalakas na unos. Tulad na lamang ng bagyong Sisang, Rosing, Milenyo at Ondoy.

Sa kabila ng lahat, patuloy pa ring bumabangon at pilit na nilalampasan ng bayan ang mga hamon sa kanyang katatagan. Determinado at buo ang loob nitong nilalabanan ang kahirapan sa pagsasagawa  ng mga proyektong magpapaunlad sa likas na yaman at ng mga mamamayan nito.

Payak at simple ang pamumuhay. Datapwa't bago pa man umalingawngaw ang pandaigdigang panawagan na sugpuin ang gutom at kahirapan ay isa na itong tagapagtaguyod at tahimik na gumagawa ng sariling pamamaraan.

Isang tunay na paraiso sa baybayin ng Look ng Ragay. Patuloy ang pagaaruga at pagpapayaman upang magsilbing kadlungan ng yamang dagat laban sa gutom at kahirapan. Sagana sa kabundukan at kaparangan na pinakikinang ng mga gintong butil ng palay. Mga sariwang prutas at gulay na pinauunlad ng nagkakaisang mamamayan.

Tunay ngang masasabing ang Guinayangan ay pinagpala ng Inang Kalikasan. Tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino, lagi itong handang magsakripisyo at ilaan ang sarili upang tumulong at maging kabalikat sa pagpapaunlad.






 Ito ang Guinayangan. Hindi matitinag sa anumang pagsubok at handang lumaban sa anumang hamon ng buhay.


Inilathala sa Ang Gayang Hunyo-Nobyembre 2009

Biyaheng Guinayangan

Bumibirit na LRT sa Taft Avenue. MRT sa EDSA. Cable Car sa Tagaytay at mga bus sa kalunsuran ang nararanasan nating sakyan. Meron pa ngang mga eroplano patungo sa timog na bahagi ng Pilipinas.

Subalit wala man ang lahat ng mga ito sa Guinayangan, marami naman tayong kinasanayang sakyan upang marating natin ang malalayong pook ng ating bayan.

Nariyan ang paragos na hila-hila ng kalabaw. Dito isinasakay ng magsasaka ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kaanak na ayaw maglakad.

Meron din tayong kariton at karetela na tulad ng paragos hila din ito ng kalabaw gayon din ng kabayo o baka. Gamit sa pagdadala ng mabibigat na bagay o ani ng pamilya ng mga magsasaka sa pamilihang bayan.

Natuto na ring gumamit ng bisekleta ang mga bata at matatanda upang hindi na mapagod sa malayong paglalakad, Usong uso na ring sasakyan ngayon ng mga taga bukid pababa ng bayan ang habal-habal. Ito ay isang motorsiklo  na sadyang dinagdagan ng mas mahabang upuan sa mahigit limang pasahero.

Maraming mga magulang ang naghahatid ng kanilang mga anak sa paaralang sakay ng motorsiklo. Mas mabilis na nakararating ang mga magaaral at maiiwasan ang mahuli sa klase.

Ang pinakamaraming sasakyan sa Guinayangan ay ang malalaking bus. Nagsisilbi itong tagapaghatid ng mga pasahero sa malayong lungsod at kabihasnan. Naghahatid ng kabuhayan at balita sa mga pamilyang magkakahiwalay ng tinitirahan.

Iilan na lamang ang dyip subalit bahagi pa rin ito ng buhay sa ating bayan. Nariyan pa ang mga van at kotse, gumagamit pa rin naman ng mga pampasaherong bangkang de motor sa pagtawad ng dagat at malalaking ilog.

Sa bayan naman ay hindi pa rin nawawala ang trike o tricycle. Nagsisilbing tagapaghatid ng mga kalakal at mga mamamayang nakatira sa Metro Poblacion (Ito ang sentro ng bayan kasama ang mga karatig nitong mga baranggay)

Nakasakay ka na ba ng tren? Hindi LRT o MRT kundi ang malalaking tren na bumabaybay ng malalayong lugar sa ating bayan. Bahagi rin kase ito ng transportasyon sa ating bayan lalong lalo na sa mga barangay na bumabagtas na sakop nito. Kahit noong una pang panahon. Ngunit sa ngayoy mas napapakinabangan pa ang mga daang bakal na ito ng mga Skates. Mga karitong gawa sa kahoy at bakal na ang gulong ay may kakayahang bumagtas sa daang bakal.


Ni Jean Charisse Petrache
Nilahathala sa Ang Gayang Hunyo-Nobyembre 2011

Ang Mga Isda Ni Mang Tonyo


Bago pa lamang sumisikat ang araw ay dumadaong na sa pampang ng dagat si Mang Tonyo. Punong puno ito ng mga huling isda.

Agad na lumapit kay Mang Tonyo ang tatlo niyang suking mamimili. Pinakyaw ni Aling Sita ang sampung kilo ng mga huling galunggong.

Inubos naman ni Aling Linda ang limang kilong bisugo at sapsap. Samantalang pinakyaw naman ni Aling Nida ang apat  na kilong alimasag.

Umuwi na sa kanilang bahay si Mang Tonyo bitbit ang halos tatlong kilo ng malalaking pusit. Nahuli niya iyon sa gawing kailaliman ng dagat.

Tuwang tuwa si Aling Marta sa malaking kinita ng asawa. Umabot din ng limangdaang piso ang napagbilhan sa mga galunggong. Binayaran naman ni Aling Linda ng tatlong daan ang bisugo at sangdaan sa sapsap.

Inabutan  din ni Aling Nida ng apat na daan ang para sa alimasag.
Makakabili na rin sa wakas si Mang Tonyo ng mga yerong pambubong ng kanilang bahay. Kailangan na iyong matapos bago dumating ang nalalapit na tag-ulan.

Salamat sa mga isdang nahuhuli ni Mang Tonyo. Nagiging maayos rin ang pamumuhay ng kaniyang pamilya.



Kwento ni Melka Jusi
Inilathala sa Ang Gayang Hunyo-Nobyembre 2011


Ang Mga Dalubhasa


Kung mayroon mang maituturing na tunay na panday ng kabataan ito ay walang iba kundi ang mga guro. Sila ang matiyagang umuukit ng kaisipan ng mga mag-aaral, nagpapaliwanag at nagpapaunawa sa mga bagay na di nila nalalaman.

Bukod sa pagiging tagapaghubog, ibat-ibang tungkulin pa rin ang ginagampanan ng mga guro. Tulad ng isang arkitekto, ang guro ay nagpapakapuyat. Pinaplano at sinisuguro na maayos niyang mailalahad at maituturo ang mga araling dapat pagaralan kinabukasan. Kung minsan naman ay nagsisilbi siyang doktor at nars ng mga bata. Siya ang matyagang naglilinis ng sugat o nagpapainom ng gamot kapag may nararamdamang sakit ang kaniyang mga mag-aaral. Ang guro din ang tumatayong pulis at tagapamagitan sa loob ng paaralan. Sa mga batang nanggugulo at nakikipag-away sa kapwa mag-aaral. Siya din ang pumipigil upang hindi matuto ng pagsusugal at iba pang masamang gawain ang mga mag-aaral.

Subalit ang pinakamalaking responsabilidad ng mga guro ay ang tumayo bilang magulang ng mga magaaral sa loob ng paaralan. Tulad ng isang ina o ama, patuloy nilang inuunawa at pinagpapasensyahan ang kakulitan ng mga bata. Siya ay walang sawang nagmamalasakit, nagmamahal at nagnanais ng mapabuti ang kinabukasan ng mga bata.

Kilalanin natin ang ilan sa mga dalubhasang guro. Sila na nag-ambag at nag-alay ng mahabang panahon upang makapag-hubog ng daan daang kabataan.



 

Clemencia C. Pujalte
Isang mahusay na guro at tunay na dalubhasa. Taglay niya ang mga kaalaman tungkol sa  ibat ibang aspeto ng pagtuturo. Ito ang dahilan kung bakit madaling natututo ang mga mag-aaral. Naging consultant ng kanyang mga kapwa guro at maging ng mga punong guro dahil sa malawak niyang kaalaman.









 

Felicitas O. Boneo
Mituturing na isang henyo lalong lalo na sa Matematika. Isa siyang mahusay na tagapagdisiplina at iginagalang ng maraming kabataan. Sa loob ng 36 taon, nagpakita ng tunay na larawan ng isang huwarang guro. Tapat sa paglilingkod at tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng mga mag-aaral. Walang inisip kundi ang mahubog ng buo at ganap ang mga kabataan.










Neyda F. Genato
Nagsimulang maglingkod noong Hulyo 22,1966. Kaagad siyang kinakitaan ng dedikasyon at pagmamahal sa kanyang propesyon. Likas na kritiko, mapanuri at may malawak na imahinasyon kaya madalas siya ang nagiging tapagsanay ng mga batang  mahilig sa pagguhit . Sa kanya natutunan ng maraming mag-aaral  kung paano maging organisado at sistematiko. Bagamat hindi madali ang magturo hindi siya nagkait na ibahagi ang lahat ng kanyang nalalaman. Sa pamamagitan ng kanyang nalalaman tungkol sa ibat ibang estratehiya sa pagtuturo marami sa kanyang mga mag-aaral ang natuto at nabuksan ang isipan.





 

Pilar A.Dela Torre
Gandang pang Miss Universe? Hindi patatalo diyan si Gng. Pilar Dela Torre. Siya ang itinuturing na reyna ng mga batang nag-aaral ng Edukasyong Pantahanan. Ang 33 taon na kanyang ginugol sa pagtuturo ang makapagpapatunay na karapat dapat siyang tawaging dalubhasa. Bihasa  at may malawak na kaalaman sa pangangasiwa ng tahanan kaya naman napili siya bilang espesyal na guro sa H.E. ng Paaralang Sentral.









Inilahathala sa Ang Gayang TOMO5 Blg.2

About me

More videos from Guinayangan here on
GR Tv ON YOUTUBE
Related Posts with Thumbnails