Recent Comments
Ang Kumpletong Kasaysayan Ng Guinayangan
Posted by Anonymous in town history on Sunday, February 5, 2012
Ang Kalilayan
Sang-ayon
sa mga kasaysayang aklat, daantaon bago makarating ang pangkat ni
Ferdinand Magellan (1521) sa Homonhon, ang kapuluan ay pinamamayanan ng
mga taong kayumanggi ang kulay, na nagmula sa Timog-Silangang Asya.
Dumating buhat sa Borneo ang pangkat ni Datu Puti, kasama’y sampung datu
na sakay sa mga “balangay”. Dalawang Datu, sina Datu Balkasusa at Datu
dumangsil ang nagpaiwan sa Balayan Batangas, kasama ang kanilang mga
angkan. Ang mga “inanak” nila ay lumago at kumalat sa katimugang Luzon
at nagtayo ng kani-kaniyang pamayanan sa mga baybaying dagat malapit sa
mga bunganga ng ilog. Sila ang pinagmulan ng lahing Tagalog, kinuha sa
salitang “Taga-ilog”.
Nang
galugarin ni Juan de Salcedo (1571-1572) ang naturang pook, natagpuan
niya ang mga “balangay” ng mga taga-ilog sa timog Luzon. Pananakop ang
tunay na dahilan ni Juan Salcedo sa paggalugad niya, kung kaya ang bawat
balangay na matagpuan niya ay tinawag niyang pueblo at itinatag kaagad
ang pamumunuan ng mga ito sa ilalim ng Espanya. Buhat sa lalawigan ng
Laguna ang pangkat ni Juan Salcedo ay bumagtas sa Sierra Madre at
natagpuan ang mga pamayanan sa hilaga tulad ng Casiguran, Baler at
Polillo hangang matating nila ang Lamon Bay tungong Camarines. Hindi
dapat malimutan na kaalinsabay sa pananakop ang pagpapalaganap ng
pananampalatayang Kristyanismo, kung kaya’t sa bawa’t pueblong masakop
ay kaagad-agad na may mga misyonerong fraile na itinatalaga upang
magturo at magbinyag sa mga katutubong mamamayan sa Katolismo.
Noon
ang Kalilayan (Tayabas-Quezon) na pinakamahabang probinsya ay sakop ng
Nueva Ecija, Laguna at Batangas (1571). Taong 1585 nang ang gitna at
timugang bahagi nito ay nasakop ng Bonbon ‘o Balayan (Batangas) habang
ang hilagang bahagi’y nahati sa Laguna at Nueva Ecija.
Noong taong 1591,itinalaga ang mga pueblo sa Bondoc Peninsula tulad ng
Pitogo, Macalelon, Catanauan, Mulanay at ang Guinayangan. Unisan ang
kabisera ng lalawigan.
Noong
1609, tumindi ang pananalakay ng mga Moro sa mga pueblong malapit sa
mga bayabaying dagat. Ang mga mamamayan ng kabisera ay lumikas tungong
Pagbilao. Subalit sa pag-usad ng panahon nagpatuloy ang pananalakay ng
mga Moro kung kaya’t lumikas ang mga mamamayan tungo sa mga pueblong
malapit sa bundok Banahaw tulad ng Tayabas, Tiaong, Sariaya at
Candelaria.
Noong taong 1749 inilipat ang kabisera ng Kalilayan sa
pueblo ng Tayabas dahil sa paulit-ulit na pananalakay ng mga Moro sa
mga pueblo sa baybaying dagat at buhat noo’y tinawag na Tayabas ang
lalawigan ng Kalilayan.
Viejo at Nuevo Guinayangan
Noong
1767, buwan ng Nobyembre naganap ang mabangis na pananalakay ng mga
Moro sa Puerto de Cabibihan na ikinagimbal ng mga mamamayan, Tatlumpo’t
dalawang sasakyang dagat ng mga Moro ang sumalakay at kumubkub sa lugar
ng Puerto de Cabibihan. Tumagal ng tatlong araw at tatlong gabi ang
labanan. Dumating ang tulong mula sa pueblo ng Gumaca at Atimonan kung
kaya’t napilitang umurong ang mga kaaway.
Ayon sa Padron General (1769) ng Tributantes may kabuuhang 761 mamamayan ang nagsipaglipat sa Nuevo Guinayangan alias Apad.
Nuevo
Guinayangan alias Apad (1768). Patuloy na namuhay ang mga taga Viejo
Guinayangan sa bago nilang bayan. Nagtayo sila ng pamayanan na may apat
na Castillo sa apat na esquina nito. Napapalibutan rin ito nang dingding
na ang taas ay pitong bara bilang pananggalang sa mga kaaway. Subalit
sa kabila ng ito ay hindi maalis ang pangamba nab aka muling sumalakay
ang mga Moro.
Makalipas
ang labinlimang taon, muli silang lumiham sa Senor Don Antonio Gallego
Obispo ng Nueva Caceres upang humingi ng armas na ipapananggalang sa mga
kaaway. Ibinalita rin nila sa naturang liham na sumakabilang buhay na
ang kanilang karamay-damay na Kura Padre Sesinando Nograbejo. Kalakip ng
liham ang krokis ng kinalalagyan nila. Inaalala pa rin nila ang mga
naiwang kasamahan na nagsilikas sa kagubatan ng Viejo Guinayangn. Ayaw
na nilang bumalik sa Viejo Guinayangan sa Puerto Cabibihan.
Tupas Matta Molines
Hindi
sinasadya ang pagkakatuklas ng “Tatlong Bisaya”. Si Francisco Tupas ay
mula sa lalawigan ng Cebu. Si Simeon Molines ay taga Samar, samantalang
si Juan Mata ay buhat sa Masbate. Iisa ang pakay nila sa paglayas, ang
humanap ng bagong kapalaran. Nagkita at nagkakilala sila sa sinasakyang
parkado.
Sa
kanilang paglalakbay nasabat sila ng mga Moro at hinabol nito ang
parkado. Sa pag-iwas sa mga pirata, narating ng parkado ang Look ng
Ragay. Bumaba sila sa Guinayangan na noo’y masukal at madawag, at
tinutubuan ng mga punong bayag kambing.
Sa magubat na kapaligiran nito, pansamantala silang nagtago at ang
parkado’y nangubli sa ilog ng Kinatakutan. Hindi sila natagpuan ng mga
Moro kaya’t nagsilisan ang mga ito.
Nang wala na ang
mga Moro,ang tatlong bisaya ay nagpasimula nang bagong pamumuhay sa
masukal at magubat na kapaligirang kanilang dinatnan. Lakas loob na
nagbugta ng lupang sakahin at binuksan ang kagubatang sagana sa kahoy.
Guinayangan c.1820-1845 AD
Pagkalipas
ng limampu’t tatlong taon mula ng lisanin ng mamamayan ang Viejo
Guinayangan, muling nabuhay ang abandonadong bayan sa pangunguna ng
tatlong bisaya. Taong 1820 ng dumating ang tatlong bisaya . Nagsimula
sila ng bagong pamumuhay sa nasabing bayan. Nagbungkal ng lupang sakahin
at hinawan ang masukal na kagubatan.
Sa pagitan ng
dalawampu at limang taon (1820-1845) mula ng dumating ang tatlong bisaya
hanggang itatag ang Paroquia de San Luis Gonzaga nagdatingan ang mga
bagong mananahan sa naulilang bayan. Ilan rin sa mga angkan ng dating
mamamayan ng Viejo Guinayangan na nagsilikas tungo sa Nuevo Guinayangan
alias Apad noong taong 1767-1782 ay bumalik sa bayan. Sa pagtanaw ng
utang na loob dahil sa pagpapanibagong buhay ng pueblo na muntik ng
mapawi sa mapa ng lalawigan ng Tayabas, hinirang na kapitan si Simeon
Molines (1832). Si Kapitan Molines ang namuno sa delegasyon upang
tiyakin ang tunay na hangganan ng Guinayangan. Noo’y malawak ang lupain
ng pueblo, mula ilog ng Calauag hanggang sa may bundok ng cadig at sa
timog naman ang ilog ng Guinhalinan.
Dati’y
nasasakop ng parokaya ni San Diego de Alcala ng Gumaca ang pueblo. Sa
kahilingan ng mga mamamayan, noong taong 1845, minarapat ng Obispo de
Nueva Caceres na ihiwalay ang Paroquia de San Luis Gonzaga sa Gumaca. Di
dapat malilimutan na bawat pueblo na itinatag ng mga Kastila ay may
nakatalagang patron na kinagawiang ipagdiwang bilang Pista ng Bayan.
Sa
paghiwalay ng bagong parokya, dumami ang namimintakasi at tuluyang
nanirahan dito. Ang kauna-unahang paroko ay si Fray Bonifacio Esteyves
ang mga anak ng tatlong Bisaya. Nangunang nagpabinyag kay Fray Esteyves
ang mga anak ng tatlong bisaya, ganon din ang mga Cerilla, Reformado,
Abrigo, Butardo at Salvador. Buhat naman sa sitio ng Piris, pinabinyagan
din ang mga anak ng Roldan, Cayabat, Roman at Boneo. Maging mga
“Catabagan” ay nakatala na bininyagan sa apelyidong “Villa”.
Mapapansing
nakatala sa Libro de Bautismo Numero Uno ang apelyidong Salvador, Dela
Concepcion at Dela Cruz, mga nakalista sa Padron General ng Nuevo
Guianayangan alias Apad (1782) at ito’y nagpapatunay na makalipas ang 25
taon mula 1820 hanggang 1845, may bumalik na mamamayan mula sa Nuevo
Guinayangan alias Apad.
Guinayangan c 1845-1898 AD
Kailinsabay sa pagkatatag ng bagong parokya ang pagdadatingan ng mga bagong mananahan.
Mula
sa Espanya, dumating ang isang Kastila, si Senyor Francisco Garcia, na
naging may-ari ng malalaking lupain sa iba’t-ibang bahagi ng pueblo.
Nakaisang dibdib ng nasabing Kastila ang apo ng
Bisayang si Juan Mata at Barbara Rufo, sa katauhan ni Paula Mata (Lola
Pawing). Dahil malawak ang asyenda at niyugan ng matandang Kastila,
nangailangan siya ng mga makakatulong sa pagsasaka. Nakahikayat ito ng
maraming mamamayang dumayo upang maghanap-buhay sa hasyenda at niyugan
ng matandang Kastila. Ipinamana nito ang asyenda sa dalawang anak na
lalake, sina Don Rodrigo at Don Faustino.
Ang magkakapatid na
Lagdameo na sina Claro, Gabino, Maria, Joaquina at Pilar (Cinco
Hermanos) buhat Lucban, nagpasiyang manirahan sa Guinayangan. Pinatatag
nila ang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbubukas ng hanap-buhay tulad ng
pagsasaka, pangangahoy at pangangalakal. Nakahikayat ito ng maraming
manggagawa at mga tauhang sukat makatulng sa hanapbuhay.
Sa pamamagitan ng mga sasakyang dagat na pagaari ni Kabesang Victoria Lagdameo (anak ni Sr. Claro Lagdameo), nakaluwas ang
sariling
ani at kalakal ng bayan sa Maynila. Pangunahing daungan ng mga
sasakyang dagat ang Guinayangan na nanggagaling sa Bicol, Visayas at
Maynila kung kaya’t maligoy ang pangangalakal.
Ang mga estudyante
ng Guinayangan ay libre pasahe sa mga sasakyang dagat ni Kabesang
Victoriano. Marami ang nakarating ng Maynila upang magaral sa kolehiyo.
Malaki ang ginawang pagbabago sa antas ng pamumuhay ng pueblo dahil sa
malayang paglalakbay at sa ibat-ibang hanapbuhay na nabuksan. Dinala ng
mga mangangalakal ang karangyaan ng kabihasnan buhat sa ibayong lupain.
Naglalakihang tahanang nasasangkapan ng mga mararangyang kagamitan ang
ipinagawa ng mga angkang nakaririwasa.
Mga almacen
ng mga dumayong intsik ang nabuksan. Kapansin-pansin ang patuloy ng
pagsulong ng pamumuhay sa panunumbalik ng matiwasay at mapayapang buhay
ng Guinayangan. Hindi na nabagabag ang “pueblo” ng mga Moro at ni hindi
ito inabot ng himagsikan laban sa Espanya maging ng digmaang Filipino at
Amerikano.
Ang
matandang Simbahan ng Parroquia de san Luis Gonzaga na yari sa matibay
na kahoy na nasira ng isang malakas na bagyo. (insert photo)
Panahon Ng Mga Amerikano
Dahilan sa digmaan ng Espanya at Amerika (1898), nabago ang pamahalaan. Sa bisa ng Kasunduan ng Paris (Disyembre
10, 1898), kaagad isinalin ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika. Labag
ito sa kalooban ng mga Filipino sa paniwalang nakalaya na ang bansa sa
kapangyarihan ng Espanya nang ipahiwatig ni Heneral Emilio Aguinaldo ang
kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo taong
1898.
Nakibaka
ang Pilipinas laban sa Amerikano kung kaya’t pinairal ng mga Amerikano
ang Pamahalaang Militar sa buong kapuluan. Pinalitan lamang ito ng
Pamahalaang civil nang mapasuko si Heneral Emilio Aguinaldo, ang Pangulo
ng Unang Republika. Upang mapayapa ang bansa, isinalin ni Gob. Heneral
William Howard Taft ang pangangasiwa ng pamahalaang local sa kamay ng
mga Filipino, bilang patunay na wala silang balak sakupin ang kapuluan.
Unang Presidente Municipal si Victoriano Lagdameo (Evangelista) noong
taong 1901 hanggang 1903. Siya ang panganay at kaisa-isang anak ni Don
Claro Lagdameo, ang isa sa “Cinco Hermanos” na nagpaunlad sa pamumuhay
ng pueblo.
Sr. Victoriano Lagdameo (Evangelista)
Kauna-unahang Presidente Municipal ng Guinayangan
Upang
mapaunlad ang paglalakbay dagat sa look ng Ragay na ang Guinayangan ang
pangunahing daungan, ipinagawa agad ng bagong punong bayan ang parola
sa Sipalong. Ito ang tanglaw at gabay ng mga bapor na naglalayag sa
karagatan sa dilim ng gabi. Tinulungan ng nasabing Presidente Municipal
ang mga anak na si Genaro ang unang nakapaglakbay at nakapag-aral sa
Amerika. Tinapos niya ang Forest Engineering sa ibayong dagat.
Buhat
pa rin sa angkan ng “Cinco Hermanos” ang mga sumusunod na umugit ng
pamahalaang bayan. Si Don Placedo Ysaac ang nakhalili at Kabisang
Victoriano bilang punong bayan (1903-1904). Pangatlong namuno sa
pamahalaang bayan si Sr. Jesus Lagdameo, (1905-1906), pinsang buo ni
Kabesang Victoriano at anak ni Sr. Gabino Lagdameo. Ang naging Tresorero
Insular ng bansa na si Sr. Salvador Lagdameo ay kapatid ni Presidente
Municipal Jesus Lagdameo.
Ang pangapat na naging
Precidente Municipal ay si Sr. Jose Tolentino (1907-1908). Ang
pagsasaayos ng mga lansangan at pagpapatayo ng unang “Presidencia
Municipal” ay nagampanan sa panahong ang umuugit ng pamahalaang bayan ay
ang partido ng “Cinco Hermanos”.
Noon, ang halalang
pambayan ay paglalaban ng dalawang partido, ang “Pula” na
pinangungunahan ng angkan ng “Cinco Hermanos” at ang “Puti” na hawak
naman ng angkan ng Garcia, Matta, at Tupas. Ang mga sumusunod na
Presidente Municipal ay sina; Sr. Feliciano Roldan (1909-1911). Sr.
Silvestre Reformado (1912-1914) at Sr. Jose San Juan (1915-1917,
1918-1920) na pawang kabilang sa mga puti. Sa kanilang panunungkulan
nabuksan ang paaralang bayan.
Si Don Rodrigo M. Garcia
(1921-1924) nang manungkulang Presidente Municipal, ang nagpagawa ng
gusaling Gabaldon, ang unang gusaling pang elementary na itinayo sa
isang ektaryang lupang donasyon ni Donya Paula, ang kanilang ina.
Nahirang
si G. Eutiquio Lorbes na taga Catanauan bilang punong guro ng paaralang
elementary. Pinunuan ng mga gurong buhat sa mga karatig bayan ang
kakulangan nito, kung saan ang mga ito ay hindi na nakabalik sa
pinanggalingang bayan sapagkat natagpuan nila ang kapilas ng dibdib sa
bayang pinaglingkuran. Ang ibang mga kawani ng pamahalaang bayan na
buhat sa mga karatig lalawigan ay naging ganap na taga Guinayangan tulad
ng mga guro.
Si Sr.Leodegerio Cambronero ang unang hinirang na “Juez de Paz”
1922, dala ang buong pamilya ay naglayag buhat Mauban upang manungkulan
sa pamahalaang bayan ng Guinayangan. Dinala sila ng barko hangang sa
Puerto ng Hondangua. Buhat dito ay nilakad nila ang ginagawang daang
bakal hangang Aloneros kung saa’y muli silang dinala ng lantsa sa
Guinayangan.
Nang
manungkulan bilang Presidente Municipal si Sr. Faustino Arana
(1925-1931) Ipinagawa niya ang pantalan sa layuning maging higit na
maayos ang pagdaong at paglunsad ng mga manlalakbay sa daungang bayan.
Sa kanya ring panunungkulan naipagawa ang palengke at patubig ng bayan.
Samantala,
patuloy ang pagdadatingan ng mga mangangalakal, mga kawani, mga
propesyonal, magsasaka at manggagawa na nagpasulong sa kabuhayan ng
lipunang ginagalawan ng mamamayan.
Si G.Brigido Gamo, buhat sa
Batangas ay maglalako ng mga panindang yaring Taal. Hindi na siya
nakauwi ng Taal sapagkat nabihag na ang kaniyang puso ng dalagang taga
Guinayangan, si Victoria Reformado.
Umunlad ang
pangangalakal ni Ginoong Gamo sa pagkakaroon niya ng lantsa na
nagbyabyaheng Aloneros at Guinayangan. Nakapagpatayo siya ng malaking
tahanan na ginawang isang lodging house ng mga biyahero. Ang silong ng
lodging house ang naging tindahan ng sari-saring panindang galing ng
Batanggas.
Si Natividad Alvarez, isang propesyonal na
parmasyotika, ang nahikayat ni Ginoong Gamo upang dito magpraktis ng
propesyon. At tulad rin niya, natagpuan ng parmasyotika ang kabiyak ng
puso sa Guinayangan. Hindi na nakabalik sa Taal si Ginang Naty a. Isaac,
ang nangungunang “social and civic laeder” ng kapanahunan niya.
Sunod-sunod
ang pagdating ng mga Batanguenio upang bungkalin ang malawak na
bukirin ng munisipyo tulad ng beco, Hernandez, Vertucio, Macalintal at
Castillo. Maging yaman ng dagat ay hindi nakaligtas sa pamamalakaya ng
mga Manalo, Diones, Arieta, de guzman, Torres, Talangbayan at iba pang
Cavitenio. Naging pangunahing pinagkakakitaan nilang lahat ang
masaganang pamumuhay, ang malawak na bukirin at dagat ng Ragay.
Silang
lahat na napadpad ng kapalaran sa Guinayangan ang nagpatotoo sa alamat
ng bayan na “Walang sino mang nakayapak dito ang nakaaalis o nakababalik
sa pinagmulan!”
Nang itatag ang Malasariling Pamahalaan, si Sr.
Antonio Marquez ang naging Presidente Municipal (1932-1937). Ang
Pagpapaunlad ng kalusugang pambayan ang kaniyang naging unang adhikain.
Sa tulong ng “Samahang Kababaihan” na ang pangulo’y ang kanyang
may-bahay, Gng.Felipa Licas-Marquez, naipatayo ang “Puericulture Center”. Si Dr. Lazaro Tayag ang doctorng bayan, at si Bb.Puring Laguio ang nars ng “Puericulture Center”.
Sa
panahon ng panunungkulan ni Presidente Municipal Marquez, itinatag ang
unang paaralang sekundarya ni Don Vicente Vilar. Ang Southern Tayabas
Institute ang nagbigay ng pagkakataong makatapos sa paaralang sekondarya
ang maraming kabataan ng bayan.
Mga largarete at palakaya ng mga Cavitenio ang namayani sa nasabing dagat. Lahat ng kalakal na ani ng Guinayangan ay hinahatid sa pamilihan ng mga sasakyang panlupa. Maayos na sana ang pamayanan sa tinatamasang kaginhawahan ngang isang malaking sunog ang tumupok sa pinaka sentro ng bayan noong 1940. Ikaapat na bahagi ng bayan ang natupok sa nasabing sakuna na nagsimula sa bodega ng kopra.
Naragdagan ang lungkot ng bayan sa paghiwalay ng Tagkawayan. Naging ganap na munisipyo ito sa bisa ng Executive Order 316 ni Pangulong Manuel Luis Quezon na nilagdaan noong Enero 1,1941. Malaking bahagi ng kalupaan ang nasaklaw ng bagong munisipyo.
Nang ganapin ang halalang local noong Nobyebre 11, 1941, nahalal na Alkalde si Dr. Lazato Tayag. Manunungkulan sana siya mula Enero 1941 hanggan Disyembre 1945 subalit sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig sa Pasipiko ng bombahin ng mga Hapon ang Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941 kung kaya’t nagbago ang takbo ng pamahalaang bayan.
wiki-Puericulture:The rearing of young children, conceived of as an art or science.
Panahon Ng Mga Hapon
Nang dumating ang mga Hapones sa bayan ng Guinayangan buwan ng Pebrero 1942, ang inabutang taong gobyerno ay si Dr.Hipolito Veloso, ang doctor ng bayan. Hindi ito makatanggi ng italaga siyang Alkalde ng pamahalaang local sa ilailim ng pananakop ng Hapon. May pangambang nakiisa ang bayan sa propaganda ng Hapon, ang “Southeast Asia Co-Prosperity sphere” na ang tanging layunin ay ang “Asia para sa taga-Asia” lamang. Bumalik pansamantala ang katiwasayan sa mapagkunwaring pakikisamang ipinadama ng mga Hapones. Binuksan muli ang paaralang bayan at itinuro ang “Nipongo”.
Ang pamahalaang local ay pinangasiwaan ng “military” bagama’t may tunay punong bayang itinalaga kung kaya’t tinawag itong isang puppet government. Sa simula, naakit ang bayan sa kagandahang loob na ipinakita ng mga Hapones. Nakisama at nakiisa ang mga ito sa mga tradisyonal na gawi ng mga mamamayan. Sa katunayan, may isang magandang loob na Kapitan ng Hapones ang nagpagawa ng monemento ni Jose Rizal sa kanto ng pribadong loteng katapat ng punong akasya. Ito’y pinasinayaan nang ipagdiwang ang Rizal Day noong Disyembre 30,1942. Sangayon sa Kapitang ito ang bayan ng Guinayangan lamang ang walang monumento ng pinakadakilang bayani ng lahi. Nagingliwasang bayan ang nasabing bakanteng lote at dito ginaganap tuwing umaga ang “radio tayso” ng lahat ng kabataan ng bayan.
Umiral ang paimbabaw na kapayapaan sa bayan sa kabila ng pakikitungo ng mamamayan dahilan sa mga “Kempetai” at “Sakdalista”. Walang pasubaling hinuli ang mga pinaghihinalaan at walang awang pinahirapan at ang iba pa’y pinapagpapatay. Ilan sa mga kilalang tao ng bayan ang dumanas ng ganitong pahirap sa kamay ng mga “Kempetai” dahil sa pagsuplong ng mga “Ganap”. Ang mga sawimpalad na unang namatay ay sina Major Avelino Villafria ng Philippine Army, si Luis (Nitoy) Lagdameo at Ramon Reformado, pawang mga tubong Guinayangan.
Samantala, lihim na kumalat ang kilusang gerilya bilang pasalungat sa pananakop at pagmamalupit ng mga Hapones. Nagbitiw si Hipolito Veloso bilang Alkalde at idinahilan ang suliraning kalusugan ng katawan.
Hinirang na military si G.Victoriano Alejar, bilang kapalit ni Dr.Hipolito Veloso. Siya ang kinilalang Alkalde ng bayan nang itinatag na “Puppet Republic” ng Pilipinas noong 1943.
Si Hen. Natividad Matta Kilala sa tawag na "Tanda" at ang lider ng lihim na kilusang girelya laban sa mga Hapon
Matta’s Unit Bicol Brigade.
Sa pagsiklab ng digmaan sa Pasipiko nagsilikas ang mga mamamyan sa kabundukan upang umiwas sa pananakop ng Hapones. Si Heneral Matta , kilala sa tawag na “Tanda” ang pangunahing tauhan ng kilusang lihim o gerilya. Hindi pa sumusuko ang Bataan, naitatag na ni Tanda ang Matta’s Unit sa Kinatakutan noong ika-2 ng Abril taong 1942. Pangunahing sumapi sa kilusan ang kanyang mga malalapit na kamag-anak at mga kanayon sa masidhing layuning huwag pasakop sa mga Hapones ganon din nang upang ipagtanggol ang mga kababayan sa mga nanunulisang pangkat ng Martin Habagat. Nakalikom ng sandata ang mga gerilya sa pananambang ng tren na may lulang kawal ng mga Hapones. Dahilan sa malimit na labanan iniwasan ng mga Hapones ang nayon pagkat ayon sa kanila ito ay pinananahanan ng mga “Dorobo”.
Si "Lolo Islaw" Apo ni Kapitan Simeon Molines at ang gumamot ng mga sugat ni Hen.Matta
Isang araw, binigla na lamang ang nayong pinagkukutaan ng Matta’s Unit sa pagsalakay ng napakaraming kawal na Hapon. Sinamang palad na mahuli si Tanda, kasama ang anim na tauhan niya. Pinahirapan sa saksak ng bayoneta ang kawawang mga gerilya hanggang sa mamatay. Kung sino ang mga nagkanulo sa mga Hapones kay Tanda ay walang nakaaalamSinaksak ng maraming ulit ang matanda, na bagamat duguan na ay hindi nawalan ng ulirat. Natigil lamang ang paghihirap ng magkunwaring patay na ito. Sa pag-aakala ng mga kawal na Hapon na siya ay patay na at hindi na humihinga, siya ay inihulog sa ilog ng Kinatakutan. Nang makaalis na ang mga kawal na Hapon, dahan-dahang gumapang sa pampang ang matanda patungo sa mga kabahayan. Narating nito ang kubo ng tauhan ni Col.Peping Reformado. Dito siya unang nilapatan ng lunas at noon ding gabing yaon, pinasundo ni Col.Peping Reformado sis a Guinayangan ang Lolo Islaw, apo ni Kapitan Simeon Molines upang gamutin ang malalim na sugat. Nakaligtas si Tanda sa kuko ng kamatayan na ayon sa sabi-sabi ng matatanda ng nayon ay dala ng taglay na anting-anting.
Ang malagim na sinapit ni Tanda sa kamay ng mga Hapones ang nagpaigting ng poot ng mga gerilya. Lumaganp ang kilusan sa bayan ng Guinayangan, Tagkawayan at Ragay. Halos lahat ng mamamayan ay lihim na sumapi sa kilusang pinamumunuan ng mabait ngunit may dalang tapang na Heneral.
Upang ipadama ang poot sa kapuwa Pilipinong nagkanulo sa matanda, nawawala na lamang sukat ang mapatunayangn “Makapili” o “Ganap”. Hindi na makapagpatrolya ang mga Hapones sa labas ng bayan, pati sila ay tinatambangan sa daan pa lamang. Iniwan ng mga Hapones ang garrison sa Guinayangan sa di malamang dahilan. Lumitaw naman sa kabayanan ang mga kasapi sa Matta’s Unit. Ang akala ng lahat ay “peacetime” na kahit hindi pa dumarating ang pwersa ni McArthur sa Pilipinas. Nagulantang ang mga gerilya isang umaga ng Mayo taong 1944 ng pagsalikupan ang bayan ng mga kawal na Hapon. Walang awang pinaghuhuli lahat ang mga lalaki, bata man o matanda.
Isa sa nahuli si Mang Ago Castillo na siyang nagsalaysay ng pangyayari. Gapos silang dinala sa harapan ng munisipyo. Walang nagawa ang mga matanda kundi umusal ng panalangin sanay lumabas si Pando na isang Makapili. Kung anong himala, biglang bumukas ang pinto at lumabas si Pando, at ng makita si Mang Ago ay sinabing “Good civilian ito!”. Pinakawalan siya ng mga kawal. Walang lingon lingon na umuwi sa kanilang taguan na kakaba-kaba pa rin ang kalooban sa pag-aalala kung ano ang kasasapitan ng naiwang bihag.
Si “Vacio” ay pinakahuli sa hanay ng mga bihag na papatayin. Pinaluluhod na isa isa at sinasaksak sa bungangan nga bayoneta. Nang malapit na kay VAcio, ipinasiya niyang isugal ang kanyang buhay at tumakbong paliko-liko hanggang makarating sa bundok. Dalawampu’t anim ang mga bangkay na naiwan sa harapan ng pamahalaang bayan. Sa isang malalim na hukay sila inilibing ng mga gerilya. Sila ang mga nagbuwis ng buhay ng walang kalaban laban dahil sa pagkakanulo ng isang kababayan.
Buong ingay na binantayan ng mga gerilya ang bayan. Hindi tinutulang makabalik pa ang mga Hapones hanggang sa pagdatng ng pwersang Amerikano sa dalampasigan ng Leyte noong Oktubre 20,1944.
Kumalat ang balita sa buong kapuluan ang pagbabalik ni Gen.McArthur at ng buong Hukbong Mapagpalaya sa Leyte ng sumapit ang ika-20 ng Oktubre, taong 1944. Pinangasiwaan ng Matta’s Unit, Bicol Brigade ang kaayusan ng mga pamayanan sag awing Tagkawayan at Cmarines Sur Ang Bundoc Peninsula, kasama ang Guianyangan at napailalin sa pangangasiwa ni Hen. G. Vera, isang lider ng kilusan sa karatig bayan ng Lopez.
Upang maging maayos ang bayan sa pagdating ng “Liberation Forces” itinalaga ni Gen, Vera si G. Timoteo Ramos na mangasiwa sa bayan. Lubusang nagwakas ang digmaan sa pagsuko ng mga Hapon at ng lagdaan ang kasunduan ng kapayapaan noong Setyembre 2, 1945. Pinabalik ng “Philippine Civil Affairs Unit” (PICAU) ang mga nahalal na opisyal ng bayan noong 1941 sa mga pamahalaang nasyonal at local. Sapagkat nangibang bayan na si Dr. Lazaro Tayag, hinirang ng PICAU si Atty. Vicente M.Salumbides bilang Alkalde. Subalit dala ng mahigpit na pangangailangan, naatasan muli si Atty. Salumbides na maging “Juez de Paz” ng Tagkawayan.
Inihanda na ng bayan sa pagsasarili ng pangako ng Amerika. Muling nagtalaga ang PICAU ng bagong Alkalde. Siya’s si G. Guillermo Garcia, ang anak ni Don Rodrigo Garcia at may-ari ng bagong bukas na paaralang sekundarya, ang Guinayangan Academy. Nanungkulan si G. Guellermo Garcia ng buong katapatan hanggang sa maidaos ang unang halalan sa ilalim ng bagong Republika ng Pilipinas.
Ang Malayang Pilipinas At Ang Guinayangan
Bagama’t hindi pa nakababangon sa kahirapang bunga ng digmaan, tinupad ng Amerika ang pangakong bigyan ng kasarinlan ang Pilipinas, sang-ayon sa Tydings McDuffie Law (Marso 24,1934). Pinasiyahan sa Luneta ang kasarinlan ng Pilipinas noong ika-4 ng Hunyo, taong 1946. Si Pangulong Manuel Roxas ang unang Pangulo ng Republika. Samantala sa mga lalawigan at bayan-bayan, ipinagpatuloy ang pamunuan ng mga opisyales na hinirang ng Philippine Civil Affairs Unit upang mapayapang maibalik ang pamahalaang civil.
Ng ganapin ang unang halalang local pagkatapos ang digmaan, tinangkilik ng bayan si Hen.Natividad Matta (1948-1951) bilang unang Alkalde ng bayan sa ilalim ng Republika. Hinarap ng bagong pumunuan ang panunumbalik ng katiwasayan at kaayusan ng pamumuhay sa bayan. Matindi ang suliraning kinaharap ng bagong pamahalaang pamahalaan dahilan sa kumalat na paninindak ng HUKBALAHAP. Itinalaga ang 26th BCT ng Hukbong Sandatahan upang mapanatili ang katiwasayan sa bayan. Lalong matindi ang pagpapanumbalik ng nasirang kabuhayan ng bayan at upang mapanatag ang lahat, unang binuksan ang paaralang bayan. Ang kakapusan ng guro noon ay nalunasan sa pamamagitan ng panandaliang paglilingkod ng mga nakatapos ng High School.
Bago natapos ang panunungkulan ni Hen.Matta humiwalay ang Piris sa bisa ng Congressional Act ng Congressman Gaudencio Vera. Nakilala ang bagong munisipyo sa pangalang Buenavista. Sa sumunod na halalan naging Alkalde si G.Mariano Roldan (1952). Makailang ulit siyang nahalal bago ideklara ang Martial Law noong 1972.
Sa panahon ng Martial Law lumaganap ang idelohiyang kalaban ng demokrasya hanggang sa bayan ng Guinayangan. Tulad ng panahon ng HUKBALAHAP, nadestino ang isang batalyon ng Philippine Army sa bayan upang sugpuin ang kumakalat na kilusan ng New Peoples Army. Hindi naiwasan ang hidwaan ng magkabilang panig. Sa isang pagtitipon ng mga magsasaka sa Himbubulo, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at ito ay humantong sa isang kaguluhan. Maraming nasawi at nasugatan at ang iba ay dinala sa malapit na ospital. Bago nangyari ang gulo, nalagdaan na ni Pangulong Marcos ang Proclimation No.2045, (Enero 17,1981) upang alisin ang Martial Law sa bansa. Tumagal ang pamahalaang military ni Pangulong Marcos nang walong taon at apat na buwan. Sa buong panahon ng Martail Law, si Mayor Roldan ang nanatiling punong bayan.
Ang pagbabago sa ilalim ng bagong lipunan. Sa bisa ng Presidential Decree No.557 ni Pangulong Marcos noong ika-20 ng Setyembr taong 1974, ang mga baryo ay muling tinawag na baranggay at siyang pinakamaliit na bahagi ng pamahalaan. Baranggay Kapitan ang namumuno sa bawat barangay. Ang pangulo ng Association of Barngay Captain ay napabilang sa kagawad ng Sanguniang Bayan. Ganon din ang ibinigay na partisipasyon sa Kabataang Barangay. Noon ipinagawa ang Medicare Community Hospital. Ang pagkakaroon ng ilaw-dagitab ay madaling naisagawa ng QUEZELCO dahil sa repormang pampamayanan ng Bagong Lipunan.
Bilang pangunahing hakbang sa pagbabalik ng pamahalang demokratiko, ginanap ang unang halalang local noong ika-20 ng Enero taong 1980. Muling nahalal si Mayor Roldan. Kasama niyang Bise Alkalde si Nestor Salumbides Sr. at mga kagawad ng Sangguniang Bayan sina Ignacio Macalintal, Reynaldo A. Tan, Camilo David, Prospero R. Molines, Jorge A. Adarlo, Luisito P. Go, Teofilo R. Laurena at Aniceto C. Villareal. Si Brgy.Captain Alfredo P. Go ang kinatawan ng ABC a Sanguniang bayan. Sila ang umugit ng pamahalaang local sa Bagong Lipunan (1981-1986).
Bumagsak ang pamahalaan ni Pangulong Marcos dahil sa “people Power” sa EDSA noong pebrero 22-26, 1986. Naging pangulo ng Pamahalaang Rebolusyanaryo si Corazon Aquino, at noon di’y pinalitan ang lahat na halal na opisyales ng pamahalaang local. Hinarang ng bagong pangasiwaan (OIC) si Mayor Salumbides Sr., Vice Mayor David Babilonia, at mga kagawad ng Sangguniang Bayan sina: Dr. Zosimo M. Hernandez, Jones C. Cambronero, Jorge a. Adarlo, Efren t. Amador, Antonio A. Beco, Clemente Magnaye, Alfredo Puesta at Lamberto Narte. Sila ang humaliling nangasiwa sa pamahalaang local sa ilalim ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Pangulong Cory Aquino.
1988-1998
Alinsunod sa itinakda ng bagong Saligang Batas, idinaos ang halalang local noong Enero 1988. Muli nahalal si Mayor Mariano Roldan sa ika-pitong pagkakataon. Tinagurian siyang Undefeated Champion sa larangan ng politika ng bayan ng Guinayangan. Subalit hindi natapos ni Mayor Roldan ang itinakdang tungkulin sapagkat tinawag siya sa kabilang buhay noong Abril 1988. Tinapos ng Bise-Alkalde Ignacio Macalintal ang nalalabing taon ng panunungkulan ni Mayor Roldan.
Nang ganapin ang halalang local, 1992 at 1995 naging nahalal na Alkalde si Nestor salumbides. Sa ilalim na kanyang pangangasiwa napaunlad ang Guinayang an Local Waterworks. Sumunod na nahalal si Mayor Manuel Butardo kung saan mas marami pang nagawang inpastrakturang pambayan ang kaniyang naisatuparang maipatayo, katulad ng Fishport, bagong Pamilihang bayan at bagong himpilan ng pampublikong sakayan. Muli siyang nahalal sa ikalawa at huling termino, kung saan ipanagbabawal ng bagong Saligang Batas na tumakbo ang isang Akalde na lalampas ng tatlong magkakasunod na termino.
Sa kasalukuyan, si Mayor Edgardo Sales, ang dating Bise-Alkalde ni Manuel Butardo na ngayon ay isa ng Board Member probinsya ng Quezon, ang siyang umuugit ng pamahalaang bayan ng Guinayangan.
excerpt from the book "Guinayangan Noon At Ngayon" by Mrs. Alodia F. Molines
ref. Philippine History by Zaide
ref. Municipal Secretary, Records and Files
ref. Inside the Philippines by Cosme Garcia
ref. Libro de Bautismo Numero Uno 1845-1898
This entry was posted on Sunday, February 5, 2012 at 5:44 AM and is filed under town history. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can